Sports

Pagwagi ng Pilipinas kontra Sri Lanka: Pagtungo sa Brazil World Cup 2014 buhay pa rin


Isang madagundong na 4-0 paglalampaso ang itinala ng Philippine Azkals laban sa Sri Lanka nitong Linggo, sa harapan ng suporta ng homecrowd na pinuno ang Rizal Memorial football stadium. Sa kabila ng ilang iniindang injury, yellowcards mula sa unang laban at pagyao ng isang mahal sa buhay (pumanaw kamakailan ang lolo ng goalee ng Pilipinas […]

Isang madagundong na 4-0 paglalampaso ang itinala ng Philippine Azkals laban sa Sri Lanka nitong Linggo, sa harapan ng suporta ng homecrowd na pinuno ang Rizal Memorial football stadium.

Sa kabila ng ilang iniindang injury, yellowcards mula sa unang laban at pagyao ng isang mahal sa buhay (pumanaw kamakailan ang lolo ng goalee ng Pilipinas na si Neil Etheridge) nagpakita ng isang magandang palabas para sa kanilang mga kababayan.

Buwena mano si Chieffy Calindong sa mga unang minuto para sa kauna unahang buslo ng Azkals, at sinundan pa ng isa ni Phil Younghusband sa pagtatapos ng unang hati. Hindi ito natapos nang sundan pa ng dalawa ligal na buslo sa sumunod na yugto salamat kay Angel Guirado at kay Younghusband muli sa pamamagitan ng isang paghaharap nila ng Sri Lankan goalkeeper sa isang penalty kick.

Kasama ang tala sa unang laban, nagtala ng aggregate 5-1 ang paghaharap ng Pilipinas at Sri Lanka.

“We have quality players and I’m happy” ang sambit ni coach Hans Michael Weiss, na masayang napanood ang ensayo ng koponan isang araw bago ang laban.

Hindi man nagpakita ng pangil ang dumayong Brave Reds, may mga pagkakataon na nasa situwasyon rin silang pumuntos. “They have given us situations in the first half,” ang dugtong ni Weiss. Ngunit hindi na ito naramdaman sa kahabaan ng sumunod na hati, at nakakuha pa ng isang red card ang isang manlalaro ng mga dumayo ilang minuto bago magsara ang laban.

Hindi masyadong mabulaklak ang paghaharap ng dalawang bansa sa larong futbol.  Sa kaunaunahang paglulunsad ng Challenge Cup, nakaabot sa finals ang Sri Lanka ngunit hindi nagkampeon. Nilapa ng Brave Reds ang Azkals noong 1996 sa tala ng 0-3. Ilang taon bago iyon, tatlong puntos rin ang pagwawagi ng Pilipinas, 4-1 noong 1972.

Susunod na haharapin ng Azkals ang Kuwait sa round 2 ng torneo sa Hulyo 23 at 28. May labinlimang matchups ang susunod na round, sa pagpapatuloy ng qualification tungo sa World Cup na gaganapin sa Brazil sa taong 2014.

Ang buong lista ng mga kasaping bansa sa torneo ay makikita rito.