Reporma sa lupa at P125 dagdag-sahod, dumaraan sa butas ng karayom sa Kongreso
Suportado ng malawak na bilang ng mga mamamayan ang panukalang Genuine Agrarian Reform Bill at P125 dagdag-sahod. Mayor na adyenda rin sa usapang pangkapayapaan ang kawalan ng reporma sa lupa at pambabarat sa mga manggagawa.

Sa unang pagkakataon, dininig noong Pebrero 16 ng House Agrarian Reform Committee ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) at ng House Committee on Labor ang P125 across-the-board wage increase.
Mga panukalang batas ito na makailang beses nang inihain ng progresibong mga party-list at suportado ng malawak na bilang ng mga mamamayan, ngunit hindi maipasa-pasa sa Kongreso.
Pamamahagi ng lupa, kinuwestiyon
Sa pagdinig sa GARB o House Bill 374, inilatag ng kinatawan ng mga grupong magsasaka ang pangangailangan na maibsan ang kanilang paghihirap sa pamamagitan ng libreng pamamahagi ng lupa, na ipinapanukala ng GARB.
“Ang batas na ito ay may layuning harapin ang panlipunang inhustisya sa mga magsasaka,” sabi ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
Sa pagdinig ng komite, ibinahagi ni Ramos ang personal niyang karanasan bilang bahagi ng third generation ng isang pamilyang magsasaka. Mula umano noong dekada ’70, nang simulan ang mga repormang agraryo ng nagdaang mga gobyerno, nagsimula na rin silang magbayad ng amortisasyon. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin nila maangkin ang lupa; kinansela ang kanilang Certificate of Land Transfer (CLT) noong 1996.
Pagkatapos, inisa-isa ni Ramos ang mga kaso ng malawakang pangangamkam ng lupa, pagkansela ng CLT at Certificate of Land Ownership Award, at foreclosure sa mga asyenda gaya ng Hacienda Luisita ng pamilya Aquino sa Tarlac, Hacienda Yulo at Looc sa Batangas, at Hacienda Sta. Isabel at San Antonio sa Isabela.
Sa kabila ng pagkilala ng mga kinatawan ng Presidential Agrarian Reform Council at Department of Agrarian Reform (DAR) sa umano’y “dakilang hangarin” ng GARB, kinuwestiyon ng mga ito ang nilalaman ng panukalang batas. Una, ang libreng pamamahagi ng lupa at ikalawa, ang pagbuwag sa mga monopolyo sa lupa ng malalaking panginoong may-lupa at korporasyon, na anila’y isang tipo ng pangungumpiska.

Ipinunto ni Deputy Speaker Pablo Garcia na ito ay ‘unconstitutional’ o labag sa Bill of Rights. Sinabi niya na kung nais maipasa ang GARB, kailangang baguhin ang 1987 Konstitusyon.
Ngunit inilinaw ni Atty. Jobert Pahilga ng Sentra (Sentro para sa Tunay na Repormang Agraryo) na ang GARB ay hindi arbitraryong pangungumpiska ng mga lupain, at na mayroong ‘just compensation’ sa mga nagmamay-ari ng lupa.
“Sa GARB, mga malalawak na lupain na nakuha sa pamamagitan ng dahas at panlilinlang ang sasaklawin,” ayon kay Pahilga. Isinasaad din umano ng panukalang batas na dapat kunin ang kompensasyon mula sa pondo ng gobyerno (na aniya’y madalas na kinukurakot lamang), at hindi mula sa mga magsasaka.
Idinagdag ni Pahilga na sa ilalim ng kasalukuyang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (Carper), libu-libong lupain ang binawi ng DAR at ng mga panginoong may-lupa dahil sa Opinion 44 ng Department of Justice, na pumapayag sa reclassification ng lupa sa gamit residensiyal, komersiyal o industriyal.
Ang GARB ang itinutulak nilang alternatibo sa Carper.