Istorya ng Linggo

Reporma sa lupa at P125 dagdag-sahod, dumaraan sa butas ng karayom sa Kongreso


Suportado ng malawak na bilang ng mga mamamayan ang panukalang Genuine Agrarian Reform Bill at P125 dagdag-sahod. Mayor na adyenda rin sa usapang pangkapayapaan ang kawalan ng reporma sa lupa at pambabarat sa mga manggagawa.

Pagbangga at pagtanggol sa dagdag-sahod

Samantala, iginiit naman ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM) at iba pang grupo ang pagpasa sa pambansang P125 dagdag-sahod o o HB 375.  Kagyat umano ito dahil  hindi na makaagapay ang mga manggagawa sa mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Elmer Labog ng Kilusang Mayo Uno at convenor ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (kaliwa) at Anna Leah Escresa ng Eiler, sa pagdinig ng panukalang P125 dagdag-sahod. (Macky Macaspac)

Ayon sa ipinrisentang datos ni Anna Leah Escresa, executive director ng Ecumenical Institute for Labor and Education Research (Eiler), nasa P404 lamang ang minimum na sahod sa National Capital Region, samantalang mahigit doble o P957 ang daily cost of living dito.

“Matapos ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ngayong taon, nangangahulugan lamang na mas kakaunti pa ang mabibili ng mga manggagawa sa kanilang minimum na sahod,” sabi naman sa komite ni Elmer Labog ng Kilusang Mayo Uno at convenor ng KPMM,  isang alyansang nagtutulak ng makabuluhang dagdag-sahod.

Ngunit hindi pabor sa panukalang P125 dagdag-sahod ang malalaking negosyante ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) at Makati Business Club. Anila, malaki ang posibilidad na magsara ang micro, small and medium enterprises (MSMEs) at maraming manggagawa ang mawalan ng trabaho.

Tinunggali ito ng KPMM, na nagsabing bagaman suportado nila ang MSMEs, ipinapakita ng mga pag-aaral na 10 hanggang 15 porsiyento lamang ng kabuuang gastos ng mga ito ang napupunta sa sahod ng mga manggagawa. “Mas malaki ang reklamo nila sa mataas na singil sa kuryente at kompetisyon mula sa dayuhang mga kompanya,” ani Labog.

Umano’y laging ginagawang dahilan ng malalaking negosyo ang maliliit na negosyo para harangin ang dagdag-sahod. Iginiit din niyang makatuwiran ang pagtaas sa sahod dahil kung sisilipin ang kita ng malalaking negosyo, malinaw ang pagsasamantala sa mga manggagawa nito.

Nararapat lamang ang dagdag-sahod para makaagapay ang mga manggagawa sa mataas na presyo ng mga bilihin, ayon sa KMU. (Macky Macaspac)

Sinabi naman ng ECOP na babalewalain ng P125 wage increase ang regional wage boards (RWBs) at mga collective bargaining agreement (CBA) sa lokal na antas.

Inilinaw naman ng KPMM na inutil ang RWBs, na P30 lamang ang pinakamataas na inaprubahang dagdag-sahod sa kasaysayan ng pag-iral nito. Sa position paper na isinumite sa Kongreso, ipinunto rin nito na nasa 51,357 manggagawa lamang ang saklaw ng mga CBA dahil sa papaliit na bilang ng mga unyon, na lagi pang ginagamitan ng iba’t ibang taktika para baratin ang hiling ng mga manggagawa.

Isyung mahalaga sa usapang pangkapayapaan

Sa kabila ng mga negatibong reaksiyon ng ilang kongresista, kinatawan ng kapitalista at panginoong may-lupa sa dalawang panukalang batas, siniguro ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano na patuloy na ilalaban ng mga mamamayan ang dalawang inihaing panukalang batas. Unang pagdinig pa lamang iyon ng Kongreso sa HB 374 at 375.

Optimistiko din si Mariano sa kasalukuyang pinag-uusapan sa Oslo, Norway na Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines at gobyerno ng Pilipinas. “Mahalagang napag-uusapan sa peace talks ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa at ekonomiya. Ang usapin ng land reform at national industrialization ay talagang isang substantive issue at mahalagang magkaroon ng kasunduan doon,” ayon sa mambabatas.

Nakatakdang maglunsad ang dalawang komite ng Kongreso ng on-site hearings sa mga lalawigan para makausap ang mga magsasaka at manggagawa. Inaasahang makakatagpo ang GARB at P125 dagdag-sahod ng mas marami pang tagasuporta sa ibaba, kahit pa walang garantiya na ilulusot ito ng mga nagpapasya sa itaas.