Istorya ng Linggo

Sa gitna ng kahirapan: Yaman at pandarambong sa militar


Kahit sa pagpapakamatay ni Hen. Angelo Reyes, hindi naisalba ang institusyon ng Armed Forces of the Philippines, kundi lalo pang lumubog ang prestihiyo, partikular sa mata ng naghihirap na mamamayan.

Dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, umano’y ginamit ang AFP para sa pagprotekta at pagpapayaman sa sarili. (PW File Photo/Boy Bagwis)

Noong tumatakbo pa lamang sa pagkapangulo, ipinangako ni Benigno Aquino III na itataas nang katumbas sa dalawang porsiyento ng Gross Domestic Product ang badyet ng militar. Umano’y idadagdag niya rito ang “matitipid” ng kanyang administrasyon sa krusada nito kontra-korupsiyon. Pero paano kung ang isa sa pinakamayamang institusyon sa gobyerno ang siya ring pinakamaanomalya?

Sa gitna ng papatinding kahirapan ng nakararaming Pilipino na wala o halos walang subsidyo ang gobyerno para sa batayang mga pangangailangan gaya ng kalusugan, pabahay, at edukasyon, mahalagang masilip ang pondong ibinubuhos sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang rekord sa pagbubulsa rito ng pinakamatataas na heneral sa bansa.

Pagbubulsa mula sa taunang badyet

Sa 2011 General Appropriations Act na pinirmahan ni Aquino noong Disyembre, nasa P104.7-Bilyon ang badyet ng Department of National Defense (DND), mas mataas sa P96.2-B noong 2010. Ang DND ang pangatlo sa mga ahensiyang may pinakamalaking badyet para sa 2011.

Sangay sa ilalim ng Department of National Defense Badyet para sa 2011
Office of the Secretary

310,415,000

Government Arsenal

420,943,000

National Defense College

56,544,000

Office of Civil Defense

90,890,000

Philippine Veterans Affairs Office- Office ProperMilitary Shrines Service

Veterans Memorial Medical Center

13,012,836,000

23,917,000

820,151,000

Philippine ArmyPhilippine Air Force

Philippine Navy

General Headquarters, AFP

33,588,021,000

10,134,945,000

11,354,372,000

34,691,887,000

Sa sumingaw na mga anomalya noong nagdaang mga taon—kabilang ang kasalukuyan na rumurok sa pagpapakamatay ni dating chief-of-staff Gen. Angelo Reyes—lumalabas na maraming paraan para makurakot ang ganitong kalaking pondo.

Isa na rito ang overpricing at ghost deliveries ng mga kagamitan, na dahilan ng pagtitiis ng karaniwang sundalo sa mga lumang bota at armas. Noong 2001, ibinulgar ni Commodore Guillermo Wong ang maanomalyang pagbili ng Philippine Navy sa P3.8-Milyong halaga ng Kevlar helmets. (Hindi Kevlar ang helmets nang dumating, at may 500 piraso lamang sa halip na 2,000) Pinangunahan ni ngayo’y Sen. Antonio Trillanes at iba pang junior officers ang pag-aalsang Oakwood noong 2003 dahil sa ganitong klase ng katiwalian sa militar.

Dating comptroller Hen. Carlos Garcia, isa sa mga mukha ng korupsiyon sa AFP (PW File Photo/Ilang-Ilang Quijano)

Talamak din ang pagbubulsa ang pondo para sa suweldo at pensiyon ng mga sundalo. Noong administrasyong Estrada, natuklasang nakurakot ang P250-M mula sa Retirement and Separation Benefits System  ng AFP, na kinasangkutan ni dating chief-of-staff Hen. Lisandro Abadia. May indikasyon na patuloy ang ganitong kalakaran hanggang sa ngayon. May P8.6-B sa pondo ng DND para sa suweldo ng mga sundalo sa 2011 ang pinarerepaso ngayon ng Department of Budget and Management dahil sobra ito sa bilang ng mga aktuwal na posisyon at posibleng ma-divert sa ibang gamit.

Gayundin ang paggamit sa confidential and intelligence funds ng AFP, na may nakalaan ang bawat sangay ng militar bukod pa sa nagmumula sa Office of the President. Halos walang accounting ito, hindi kailangang idetalye ang paggagamitan ng pondo bago i-release kaya’t bulnerable sa korupsiyon. Pinakahuling halimbawa lamang ang P50-Milyong “pabaon” umano kay Reyes na may bahaging kinuha mula sa intelligence funds ng Philippine Amusement and Gaming Corporation.

Iba pang pondong kinukurakot

Nasa kaban din ng militar ang AFP Modernization Trust Fund na ginagamit para sa pagmomodernisa ng mga kagamitan sa ilalim ng Capability Upgrading Program (CUP). P5-B kada taon ang awtomatikong inilalagak dito mula sa GAA, dagdag pa ang kinikita mula sa Malampaya Gas Project, pagpapaupa at pagbebenta ng lupain sa military reservations at kagamitan sa Government Arsenal, at iba pang sobrang assets ng militar. Noong 2008, nasa P28.7-B na ang kabuuang nagastos para sa modernisasyon simula 2005.

Laging inirereklamo ng mga opisyal na kulang ang badyet para sa modernisasyon sa AFP. Pero gaya ng iba pang programang militar, hindi ito umusad dahil binagabag ng malalang korupsiyon, gaya ng isiniwalat ng isang imbestigatibong ulat ng mga mamamahayag na sina Yvonne Chua at Luz Rimban noong 2007. Halimbawa, nakabinbin simula noong 2000 ang pagpapagawa sa 30 Scorpion Tanks dahil sa overpriced na P201-Milyong kontrata na pinirmahan noon ni Reyes.

Buo pa rin ang komitment ng administrasyong Aquino na suportahan, at dagdagan pa ng pondo, ang CUP. Para sa ikalawang phase ng programa (2011-2016), P42-B ang hinihinging badyet ng AFP, mas mataas ng 68 porsiyento mula sa unang phase (2005-2010). P11.6-B ang mapupunta sa Philippine Army, P14.4-B sa Philippine Air Force, P14.4-B sa Philippine Navy, at P1.6-B sa general headquarters at iba pang support units.

Maging ang pondo mula sa internasyunal na mga institusyon gaya ng United Nations (UN) ay hindi ligtas sa pangungurakot. Sa tulong ng dating auditor ng Commission on Audit na si Heidi Mendoza, natuklasan ng House Defense Committee na ilegal na na-divert ng AFP ang P2.4-Bilyong pondo ng UN para sa suweldo ng Pilipinong peacekeepers.

Lt. Sg. Nancy Gadian, ibinulgar ang pangungurakot sa pondo para sa Balikatan Exercises noong 2007. (PW File Photo/Kenneth Guda)

Ngunit ang pinakamalaking pondong panlabas nakukuha ng AFP ay ang ayuda mula sa Estados Unidos. Mula 1999 hanggang 2001, nakakakuha ang militar ng $390.5-Milyon mula sa US para sa pagsasanay at kagamitan. Lalo pang tumaas ang Foreign Military Financing at International Military Education and Training mula 2001 . Ang Pilipinas ngayon ang ika-12 sa may pinakamalaking ayudang militar mula sa US sa buong mundo (umabot sa $32-M noong 2010).

Kaya’t di nakapagtataka na naputukan din ng kontrobersiya sa anomalya ang pondong para sa Balikatan Exercises. Ayon noon na expose’ ni Lt. Senior Grade Nancy Gadian, hindi nakukuha ng ordinaryong mga sundalo ang kanilang alawans dahil pinakinabangan ang P46-Milyong pondo noong 2007  ni Lt. Gen. Eugenio Cedo, dating hepe ng Western Mindanao Command, at iba pang matataas na opisyal na tumanggi siyang pangalanan.

Sa pagpapakamatay ni Reyes, pinilit niyang “isalba ang AFP at ang mga institusyong ito,” ayon mismo sa dating pangulo at heneral na si Fidel V. Ramos. Ito ang dahilan kung bakit sa kabila ng mabibigat na alegasyon ng korupsiyon, buong parangal ang iginagawad ngayon ng militar sa dating chief-of-staff.

Para sa marami, hindi dapat maging hadlang ang pagkamatay ni Reyes sa pagsisiwalat ng katotohanan hinggil sa posibleng pagkakasangkot ni dating commander-in-chief Gloria Macapagal-Arroyo sa korupsiyon sa institusyong tumulong sa pagsupil ng mga kritiko, at nanatiling tapat sa kabila ng malinaw na kawalan ng popular na suporta sa kanyang pamunuan.

Kontra-insurhensiya bilang pagpapayaman

Samantala, para sa tinatagurian ng gobyerno na mga “kalaban”—ang New People’s Army (NPA) na naglulunsad ng deka-dekadang insurhensiya—ipinapakita ng pagpapakamatay ni Reyes ang tunay na katangian ng militar.

Ordinaryong mga sundalo, ginagawang kasangkapan sa pagpapayaman ng iilan? (PW File Photo/Kenneth Guda)

“Pinatataba ang AFP para depensahan at panatilihin ang reaksiyunaryong sistemang pampulitika, nang patuloy na makapangurakot ang mga gaya ni Arroyo at matataas na heneral. Higit sa lahat, nariyan ang AFP para protektahan ang interes ng imperyalistang amo nito sa pandarambong sa ngalan ng super-tubo,” pahayag ni Jorge “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng National Democratic Front of the Philippines-Mindanao.

Inakusahan din ni Madlos ang mga heneral na tumatanggap ng mga suhol mula sa malalaking kumpanyang pagmimina at pagtotroso, kapalit ng proteksiyon.

Sa kalakarang ito, nagiging malinaw ang isa sa mga motibasyon ng militarisasyon sa kanayunan, pahayag naman ni Samuel Guerrero, tagapagsalita ng Celso Minguez Command ng NPA-Sorsogon. “Tuwang-tuwa ang mga opisyal ng militar kung laging may giyera. Para sa kanila, ang giyera ay pera,” aniya.

Hinihikayat ng mga rebeldeng komunista ang ordinaryong mga sundalo na labanan ang katiwalian, hanggang sa tuluyang pagtiwalag sa institusyong ginagawa lang umano silang kasangkapan sa pagpapayaman ng iilan.

Sa ngayon, hindi pa matantiya kung ano nga ba ang tunay na epekto ng anomalya sa pamunuan ng AFP sa ordinaryong mga sundalo—pero malinaw na kahit sa pagpapakamatay ni Reyes, hindi naisalba ang institusyong ito kundi lalo pang lumubog ang prestihiyo, partikular sa mata ng naghihirap na mamamayan.