Eyewitness

True confessions ng anak ng militar


Kilala ko nang personal ang institusyon ng militar. Kilala ko kung sino ang tunay na kaaway sa loob nito.

Tulad ng maraming pamilyang Pilipino na mula sa panggitang uri at maralita, may ilan akong kaanak na pulis at militar. Katunayan, ang tatay ko, dating sundalo. Bago pa ako pinanganak, maagang bahagi ng dekada ’70, nagsanay siya para maging sundalo ng Philippine Army sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal. Nakasabit sa dingding ng bahay noon ang sertipikong natanggap niya sa Capinpin, pati ang larawan ng buong batch niya. Proud siya rito.

Hindi siya nagtagal sa aktibong serbisyo — may eskandalong kinasangkutan ang batch nila, at nadamay daw siya. Dahil dito, naging reservist na lang siya. Noong hayskul ako, bago umabot ang tatay ko sa edad ng pagreretiro, nakaabot siya sa ranggong Kapitan. Samantala, nagtrabaho siya sa Bangko Sentral ng Pilipinas, naging security guard, hanggang naging security officer, hanggang naging hepe ng security sa isang branch nito sa Bicol.

May mga tiyuhin akong naging sundalo. May isang nasangkot sa kudeta nina Gringo Honasan at Enrile noong dulo ng dekada 80. Si Gringo mismo, o ang pamilya niya, malapit sa pamilya ng nanay ko, dahil isang tita ko ang tumira sa kanila. May tiyuhin din akong naging pulis. May isa pang malayong kamag-anak na nito ko na lang nalamang naging tauhan pala ng berdugong heneral na si Jovito Palparan. May isa namang malapit na pinsan na naging nars sa Philippine Military Academy. Dalawang lolo ko, nagretirong koronel sa Army.

Repormista, o mga naghahanap ng reporma, ang ilan sa mga kaanak kong nakapasok sa militar. Iyung isa nga, napasama pa sa kudeta. Nagtago rin siya, at hinanap ng awtoridad at ikinulong. Lumaki akong hinangaan sila mula sa malayo: mga ideyalistang tumalikod sa chain of command para ipaglaban ang pinaniniwalaang mga kailangang pagbabago sa pulitika ng bansa. Minsang bumisita ang mga tropa nila sa bahay, binigyan kami ng mga t-shirt ng Reform the AFP Movement (RAM) — may mga pirma ng pangunahing mga miyembro nito, saka ang kanilang motto: “Our dreams shall never die.

Noong magkolehiyo ako sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City, dala ko ang ideyalistang pananaw na ito sa militar. Sinabihan ako ng nanay ko, bago umalis ng pamantasan, na kontakin ko lang ang opisina ni Gringo sa Senado at magpakilala. Posible raw na mabigyan ako ng trabaho. Pero aktibista na ako noon sa UP. Siyempre, tumanggi ako. Kinamuhian ko na ang institusyong may mga miyembrong dating hinangaan. Sa UP, nang nakapasok bilang admin cadet sa ROTC, nakita ko rin ang walang pakundangang pangongolekta ng kung anu-anong fee na napupunta lang sa bulsa ng mga opisyal. Nakita ko kung gaano kawalang-saysay ang “military training” kuno na ito, na obligadong kunin ng lalaking mga estudyante noon.

Noong pumasok ako sa pamamahayag, nakita ko rin, bilang tagasubaybay, ang kabulukan ng institusyong ito. Nakita ko ang mga abuso sa mga magsasaka at katutubo, sa malalayong lugar na madalas hindi na inaabot ng media coverage. Nakita ko ang korupsiyon sa pamunuan nito, mula sa mga akusasyon noon ng grupong Magdalo sa matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), hanggang sa pagsisiwalat ng dating AFP budget officer Lt. Col. George Rabusa sa sistematikong korupsiyon sa pinaka-itaas ng AFP na sangkot ang mga Chief of Staff at nangungunang mga opisyal.

Taong 2015 na nang makapanayam ko si Rabusa. Apat na taon na noon matapos ang kanyang pagtestigo sa Senado kaugnay ng sistemang pabaon, o ang pagpapabaon ng P50 Milyon sa bawat Chief of Staff na nagreretiro. Nasa Witness Protection Program na siya noon. Pero sariwa pa rin ang mga alaala niya. Habang nasa puwesto, aniya, may binibigay silang P5-M sa kada Chief of Staff kada buwan para sa personal na panggastos. Meron din ang iba pang nakatataas na opisyal. Pati ang mga asawa ng mga heneral, nakakakuha ng pera para pang-shopping at pamamasyal sa ibang bansa. Kung sa lokal na biyahe, aniya, mula P20,000 hanggang P200,000 ang binibigay niya. Kung abroad, 2,000 hanggang 10,000 dolyar.

Nakuwento pa ni Rabusa kung papaano niya sinasamahan ang mga anak ng mga heneral sa “boys’ night out”. “Mga kalokohan,” sabi niya, katulad ng pagbayad para sa mamahaling prostitusyon at iba pang gimik. Ganoon kalala ang korupsiyon sa kataas-taasan ng AFP — na, ayon kay Rabusa noong 2015, walang indikasyong napawi na.

Tumestigo siya sa Senado noong Enero 27, 2011, o halos isang dekada na ang nakararaan. Mahigit isang linggo matapos, noong Pebrero 8, 2011, nagpakamatay ang isang dating Chief of Staff ng AFP na nadawit ni Rabusa sa pagsiwalat sa sistemang pabaon: si Gen. Angelo Reyes. Nagbaril sa kanyang puso si Reyes, sa harap ng puntod ng kanyang mga magulang.

Samantala, sa ibaba o sa laylayan ng institusyon, ibang iba ang hitsura. Iyun na nga ang inireklamo nina Lt. SG Antonio Trillanes III at Army Capt. Gerardo Gambala kung bakit daw sila nag-alsa sa Oakwood noong Hulyo 2003. Ito rin ang narinig ko sa mga panayam ko sa mga sundalo at kakilala nila sa Sulu matapos ang Oakwood: ang kalunus-lunos daw na kalagayan ng mga sundalo na nasa harap ng paglaban sa Abu Sayyaf. Sira-sira ang mga bota, kulang sa gamit, kulang sa pasilidad, at minsa’y kinakapos pa sa medical evacuation (medevac) kaya may mga namamatay pang sundalong sugatan. Talamak din ang bentahan ng mga baril, bala, uniporme at iba pang gamit-militar — para lang mapunan ang ilang pangangailangan ng mga sundalong sumasabak sa giyera.

Ang kalagayang ito raw ang gustong tugunan ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung bakit binubusog niya ngayon sa benepisyo at pondo ang AFP. Ilang beses nang itinaas ng kanyang rehimen ang sahod ng mga sundalo. Pangontra raw niya ito sa mga nagawang abuso sa ibaba. Ang hiniling lang ng pangulo, katapatan nila — at huwag siyang ikudeta.

Nakita ko rin, sa ibaba ng militar, sa hanay ng kaanak at nakilala, kung paanong iniluwal ang mga sundalo ng krisis sa ekonomiya ng bansa. Ito ang kawalan ng oportunidad sa mga maralita para maiangat ang kabuhayan. Nakakaakit na opsiyon ng kalalakihang kabataang maralita ang pagsusundalo. Higit kailanman sa kasaysayan, lugmok ang kabuhayan ng mga magsasaka. Mas mabuti pang magsundalo, may sasahurin. Ito ang naiisip ng marami sa kanila.

Nasaksihan ko rin, mula sa kaanak na sundalo, kung ano ang kultura sa militar: ang pagkibit-balikat sa korupsiyon ng nakatataas, dahil kahit papaano’y mabibiyayaan naman silang nasa ibaba. “Maaambunan naman kami,” sabi nila. Parang “trickle-down economcs”. Kung hindi man, nandiyan naman ang mga operasyong militar. Kapag nakarating sa mga bahay ng mga magsasaka, walang makakapigil sa kanilang kumuha ng manok, ng baboy, ng mga pananim ng mga magsasaka. Ganun ang nakikita nila sa mga opisyal nila, ganun ang gagawin nila sa ibaba.

Niyayakap din nang husto ng marami sa mga sundalo sa ibaba ang tila pundamentalistang paniniwala na simula’t sapul ay matatagpuan sa AFP: ang ideolohiyang anti-komunismo. Ito ang pagturing sa “komunismo” bilang paniniwalang taglay ay sagadsagarang kasamaan, halos ituring na “gawa ni Satanas”. Kaya naman ang lahat ng naniniwala rito, o kahit ang sumimpatya man lang sa mga taong naniniwala rito, ay halos hindi tao at walang karapatang mabuhay. Mga hayop o peste na dapat puksain sa mundo. Mapapansin ang lengguwaheng ito sa trolls ng militar sa social media.

Sa pagitan ng pagkamulat ko sa kultura ng militar at karanasan sa aktibismo noong nakapasok sa UP, napagtanto ko ang katotohanang iisa lang talaga ang pinagmumulang kalagayan ng kahirapan ng foot soldiers ng AFP at mga aktibistang natutulak lumaban sa sistema at gobyerno. Siyempre, magkasalungat ang piniling landas ng mga sundalo at aktibista. Ang nauna, landas ng mersenaryong pagserbisyo sa naghaharing sistema at mga uri, at pagkompromiso sa sariling moralidad para magkasahod para sa pamilya. Ang pangalawa, landas ng pakikipagkapwa-tao at paglaban para sa isang mas makatarungang kinabukasan para sa karamihan.

Sa antas-indibidwal, hindi ko maaaring maituring na kaaway ng bayan ang aking tatay, ang ilang kaanak at kaibigan sa militar — na nasa mababang saray ng serbisyo-militar, o kaya’y tinuring ang sarili bilang “rebelde” at repormista sa loob ng institusyong ito. Hindi pa. O kaya, hindi sagadsagaran.

Malinaw, mula sa mga kuwento ni Lt. Col. Rabusa, na ang pagkabulok ay nagsisimula sa itaas, sa pinakamakapangyarihang mga opisyal na kumokontrol sa naratibo ng pundemantalistang antikomunismo, habang nagpapakasasa sa mga premyo o perks ng puwesto sa itaas. Tandaan ang P4.5 Bilyong intelligence fund at iba pang discretionary funds ng AFP, habang may P19-B pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ngayong 2021. Sila ang nagpapanatili ng kultura ng pagpapadrino, ng sistema ng korupsiyon, at nagpapanatili ng impunity o kawalang-pananagutan sa institusyon ng militar.

Silang nasa tuktok, sa kahuli-hulihan, sila ang kaaway.