Pahamak at kunwaring pagsagip


Pinakakalat ng administrasyong Duterte ang pekeng balita na nasa panganib ang mga Lumad na tulad ni Bai Bibyaon na nagbakwit sa Metro Manila.

“Wala silang pagrespeto sa akin at sa aking katribu dahil tingin nila sa akin ay walang kakayahan upang magdesisyon. Naging lider ako ng aking katribu dahil alam nila na ako ay may kakayahan na mamuno upang depensahan ang aming lupain.”

Ito ang salin ng sinabi ni Bai Bibyaon, ang natatanging babaing madirigma at lider-Manobo mula sa rehiyon ng Davao. Siya’y aktibo sa pagdepensa sa lupang ninuno laban sa dambuhalang mga kompanya sa pagmimina, pagtotroso at plantasyon. Ngayon, sinasabi ng gobyerno na nasa panganib siya sa piling ng mga organisasyong pangkarapatang pantao.

Nakatanggap ng balita ang Save Our Schools (SOS) Network na magkakaroon ng “rescue operation” ang lokal na pamahalaan ng Talaingod, Davao del Norte at Armed Forces of the Philippines (AFP) para kunin at pauwiin si Bai Bibyaon sa Mindanao. Sa online press conference, pinabulaanan ni Bai Bibyaon ang pekeng balita na nasa peligro siya at kailangan ng pagsagip mula sa tinutuluyan sa Metro Manila.

“Pakisabi sa mga kamag-anak ko na pumunta sa mayor na hindi totoo ‘yung mga sabi-sabi tungkol sa akin,” sabi niya. “Totoo na nagkasakit ako dati dahil na rin sa edad ko pero nagpa-check up na ako at maayos na ang kalagayan ko ngayon.” Pinagmalaki pa niyang nakatanggap na siya ng bakuna.

Saan ligtas?

Kasama ng maraming katutubong Lumad, nagpabalik-balik din siya sa pagbakwit mula sa kanilang komunidad dahil sa militarisasyon at pagpapasara ng mga paaralang Lumad, maging ang patuloy na banta sa kanyang seguridad. Kung ganito, aniya, paano magiging mas ligtas si Bai Bibyaon sa piling ng militar?

“Alam kong hindi mapagkakatiwalaan ang susundo sa akin kasama ng aking mga kaanak dahil sila ang dahilan ng aming pagbakwit at sila din ang protektor sa mga kompanyang gustong mandambong sa aming mga lupang ninuno,” sabi niya.

Sa pahayag na inilabas ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) nitong Setyembre 22, tahasang pinaratangan nito ang mga organisasyon na nagsusulong at pumuprotekta sa karapatan ng mga Lumad ng paglabag sa Republic Act No. 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997. Bahagi ang NCIP sa mga ahensiyang kinakasangkapan ng AFP para sa programang kontra-insurhensiya nito.

Kabilang sa mga organisasyong nabanggit sa pahayag ng komisyon ang Pasaka, SOS Network, Salugpongan, Sabokahan, at United Church of Christ in the Philippines (UCCP) Haran.

Sinabi din NCIP na miyembro ng “communist terrorist groups (CTGs)” na network ang mga nasabing organisasyon. Bahagi ang NCIP sa mga ahensyang katuwang ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), na napapabalita ring nambabansag ng komunista-terorista sa mga organisadong manggagawa.

Mapanghati

Nakatanggap ng impormasyon ang SOS Network pinipilit ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army ang mga kamag-anak ni Bai Bibyaon na pumirma ng isang dokumento para sagipin umano siya mula sa sanktuwaryo. Puwersahan daw tinipon ng kasundaluhan ang kanyang mga kamag-anak sa Talaingod noong Setyembre 18.

Kinumpirin naman ito ni Datu Tungig Mansumy-at, tagapagsalita ng Salugpongan Ta Tanu Igkanugon, sa isang phone interview.

Sabi niya, agad siyang tinawagan ng isa sa mga pamangkin ni Bai Bibyaon matapos ang pagtitipon ng kanyang mga kamag-anak sa munisipyo ng Talaingod.

“Sabi ng mga militar na si Bai Bibyaon ay nagkakasakit na raw,” sabi niya (isinalin na sa Filipino). “Ngayon, tinipon nila ang mga kamag-anak ni Bai Bibyaon upang dalhin sa munisipyo. Doon na sila pinagpirma ng mga dokumento para kunin na daw si Bai Bibyaon sa Maynila.”

Pitong kamag-anak raw ni Bai Bibyaon ang papunta na dapat sa Maynila noong Huwebes pero nagdesisyon na lang na bumalik sa kanilang komunidad sa Natulinan.

Sinuportahan naman ng SOS Network si Bai Bibyaon sa kanyang desisyong manatili sa sa sanktuwaryo.

“Mariin naming tinututulan ang patuloy na panghaharas at pagpuwersa ng NTF-Elcac, AFP, NCIP, at administrasyong Duterte sa mga Lumad sa Mindanao upang sirain at lapastanganin ang pakikibaka ng kalumaran para sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya at pagdepensa sa kanilang lupang ninuno laban sa pandarambong ng mga imperyalista,” sabi Rius Valle, tagapagsalita ng network.

Dagdag niya, may malakas na kalooban si Bai Bibyaon at malayang makapagsalita para sa kanya sarili. Alam niya kung ano ang tama at mali, at walang nagdidikta sa kanya kung ano ang gusto niyang sabihin o gawin.

Dahil na rin sa harassment at maling impormasyon na ito, si Bai Bibyaon ay patuloy na mananatili sa santuwaryo upang ipagpatuloy ang kanyang adbokasiya.

Sabi ni Bai Bibyaon, “Bago kami umuwi at ipagpatuloy ang aming buhay, kailangan munang umalis ang kasundaluhan sa aming mga komunidad.” 

Featured photo: Kilab Multimedia