Bayad-pinsala sa mga biktima ni Marcos: Tatanggapin, pero hustisya pa rin ang hiling
“Danyos perhuwisyos” ang tig-$1,000 sa mahigit 7,000 biktima ng batas militar ni Marcos. Pero maliit na bahagi lamang ito sa hustisyang hinahangad nila.

Kabataang estudyante noong dekada ’70 si Venerando Villacillo. Noong batas militar, naging aktibista si Venerando, at lumahok sa kilusan kontra diktadura.
Tulad ng maraming kahenerasyon niya, dinukot ng pinaghihinalaang mga militar si Venerando noong Hunyo 10, 1985, sa harapan pa mismo ng bahay ng kanyang biyenan sa Quiapo.
Diumano, isang mataas na opisyal ng rebolusyonaryong kilusan sa Isabela at Cagayan si Venerando nang dukutin. Si Ma. Isabel Aquino, asawa ni Venerando at kapwa aktibista, ang nagpatuloy sa pangunguna sa paghahanap at paghangad ng hustisya sa naganap sa kanyang asawa.
Sa kabila ng mga pananakot, itinuloy ni Ma. Isabel ang paghangad ng hustisya. Nang magsampa ang Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) ng class action suit sa US Federal Court of Hawaii noong Abril 1986, isa si Ma. Isabel sa 9,539 na biktimang sumama sa pagsasampa.

Matagal siyang naging human rights worker, hanggang naitatag ang alyansang pangkarapatang pantao na Karapatan. Kasama siya sa mga nagtatag ng alyansa. Dahil sa patuloy na paglantad ng Karapatan sa mga paglabag sa karapatang pantao, naging puntirya pa nga si Ma. Isabel at ang human rights workers ng Karapatan. Marso 10, 2010, may mga armadong kalalakihang pumunta sa kanyang tahanan sa Manila para hanapin siya. Nitong taong 2009 naulit ang mapait na karanasan sa asawa, nang mawala ang nakakatandang kapatid ni Ma. Isabel na si Tomas Aquino. Patuloy ang mga banta kay Ma. Isabel.
Samantala, taong 1991, kinatigan ng korte sa Hawaii ang nasabing class action at inutusan ang mga Marcos na bayaran ang mga biktima ng halagang $1.2 Bilyon bilang danyos at $7.76-M para sa compensatory damages. Ang desisyon ng korte ay nag-ugat matapos mapatunayang nagkasala si Marcos sa kasong “crimes against humanity” na kinatatampukan ng mga kasong pagtoryur, pagpatay at sapilitang pagkawala.
Nitong nakaraang buwan, inanunsiyo ang pamamahagi ng diumano’y tig-$1,000 mula sa $10-M na inilaang kompensasyon sa mga biktima.
Masaya si Ma. Isabel na kahit papaano’y may antas na ng pag-usad sa paghangad ng hustisya. Pero hindi lang ito ang dapat pagbayaran ng mga salarin. May kuwestiyon din ang marami sa proseso ng pamamahagi ng kompensasyon.
Bayad pinsala o dagdag pinsala
Maraming biktima ang hindi mapalagay sa tila’y maanomalyang pamamahagi ng kompensasyon. Ang masama pa, may mga biktima ng batas militar na misteryosong inalis sa talaan ng 9,539 biktimang dapat bigyan ng kompensasyon ng korte.
Sa subaybay ng Selda sa kaso, makikitang nagsimula pa ang paghahabol sa kinulimbat na yaman ni Marcos matapos ang pag-aalsang 1986. Kinumpiska ang lahat ng ari-arian nito ng gobyernong Corazon Aquino kasama na ang ilang bilyong pisong Swiss account sa Switzerland. Ngunit sa mga nagdaang taon, unti-unting nabawi ng mga Marcos ang mga kayamanang diumano’y bunga ng kanilang pagpapakasasa sa yaman ng bansa sa loob ng 20 taon. Kasabay nito ang panunumbalik nila sa larangan ng pulitika.
Bilang bahagi ng paghangad ng hustisya, nagsampa nga ng class suit ang 9,539 biktima sa US Federal Court of Hawaii noong Abril 1986. Ngunit kasabay nito, nagsampa rin ang gobyerno ng kasong pagkumpiska sa mga pondo ng mga Marcos na nasa pangalan ng iba’t ibang foundation sa Switzerland.
Noong Setyembre 19 2000, naglabas ng kautusang kumpiskasyon sa mga pondong ito ang Sandiganbayan. Ngunit bago ito, nagpalabas ng “freeze order” ang Swiss Federal Supreme Court noong Disyembre 1997 sa mga nasabing account. Kilala din ito bilang “escrow account” na nasa pangangalaga ng Philippine National Bank (PNB).
Una, pagkakaroon ng pinal na paghuhusga sa korte ng Pilipinas na ito ay nakaw na yaman ni Marcos at mga kroni nito.
Natupad ang unang kondisyon nang maglabas ng kautusan ang Sandiganbayan na nakaw na yaman ang nasabing pondo at ipinag-utos ng Korte Suprema noong 2003 na mula sa PNB ay ilipat na sa National Treasury ang nasabing escrow account. Inilipat ang nasabing halaga na noon ay may halagang $35-Bilyon noong 2004, sa panahon ni Gloria Arroyo.
Pangalawa, ang pagkakaroon ng malinaw na hakbang ang gobyerno ng Pilipinas kung paano mababayaran ang mga biktima.
Ngunit ayon sa Selda, napakahirap makamit ang mga kondisyong ito sa sariling bansa, sa kabila ng paborableng mga desisyon sa ibang bansa.
$10-M Settlement Agreement
Para sa mga dating detinido at iba pang biktima ng batas militar tulad ni Ma. Isabel, ang $10-M na “settlement agreement” na bayad-pinsala sa kanila ay bahagi umano ng hustisyang matagal na nilang ipinaglalaban.
Pero may pagdududa sa prosesong dinaanan ng nasabing agreement. Ayon kay dating Rep. Satur Ocampo, national board member ng Selda at kasama sa class suit laban kay Marcos, kailangan umanong linawin ng abogadong si Robert Swift kung bakit $7.5-M na lamang ang ipapamahagi mula sa orihinal na $10-M at pagbawas sa kabuuang bilang ng mga biktima mula sa 9,359 patungong 7,526.
“We reiterate that while we welcome this development, we raise questions as to how the court-appointed lawyer Atty. Robert Swift has considered the victims’ views on the case. We call on Atty. Swift to attend the SELDA consultations that will arrange for him to sufficiently answer the questions of the martial law victims, with regard to the amount in the settlement and the arbitrary delisting of the number of victims from 9,539 to 7,526. He should directly answer these questions as the court-appointed counsel,” ani Ocampo.
Si Robert Swift ang abogadong itinalaga ng korte na humawak sa kaso at tumayong lead counsel ng mga biktima laban kay Marcos. Ayon sa Selda, maka-ilang ulit na tangkang pumasok sa agreement si Swift na labas sa kaalaman ng mga biktima mula sa panahon ni Fidel Ramos hanggang kay Joseph Estrada. Mariing tinutulan ng mga biktima ang mga agreement na ito, at nagsampa ng oposisyon sa Sandiganbayan.
Ayon sa Public Interest Law Center o PILC, personal na abogado ng mga biktima, makikinabang sa nasabing mga agreement ay ang pamilya Marcos lamang.
Sa kabila nito, tinatanggap ng mga biktima ang pinakahuling settlement. Ayon kay Ocampo, nagpapatunay ang settlement sa nagdudumilat na katotohanan na ang pamilyang Marcos ay nangulimbat sa kaban ng bayan at paggamit sa mga dummy at kroni nito upang itago ang mga nakaw na yaman. “This is a vindication for the victims and the Filipino people’s fight against corruption of the hated conjugal dictatorship,” aniya.
At para naman sa mga biktima ng batas militar, malaking bagay na rin ang $1,000 bilang bayad-pinsala sa kanilang dinanas na pagmamalupit ng diktadurang Marcos.
Sa kabila nito, malaking suliranin sa ibang biktima ang pagkuha sa bayad-pinsala, ayon kay Fr. Dionito Cabillas, indibidwal ang pagbigay, “hindi idinaan sa organisasyon ang pagbabayad,” aniya.
Ipinoproblema, halimbawa ni Ma. Isabel, ang pagkuha ng kanyang settlement. Patuloy ang banta sa kanyang buhay. Hindi siya basta-basta makalalantad para makukuha ang bayad pinsalang bahagi ng hustisya para sa kanyang asawang pinaslang.
“Para sa isang katulad ko na simple ang pamumuhay, malaking bagay na rin nga sana ang $1,000. Pero magkatotoo man ito, hindi kayang bayaran ni ilang milyon ang buhay ni Venerando,” malungkot na pahayag ni Ma. Isabel.