Magsasaka sa Gitnang Luzon tutol sa Balikatan exercises


Tutol ang mga magsasaka sa Gitnang Luzon sa planong US-PH Balikatan exercises na nakatakdang gawin sa Abril 15. Inaasahang 6,000 tropang Amerikano ang lalahok sa naturang ehersisyo. Ayon kay Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), wawasakin ng naturang ehersisyo ang pang-araw-araw na trabaho ng mga magsasaka, mangingisda at mga […]

Tutol ang mga magsasaka sa Gitnang Luzon sa planong US-PH Balikatan exercises na nakatakdang gawin sa Abril 15. Inaasahang 6,000 tropang Amerikano ang lalahok sa naturang ehersisyo.

Ayon kay Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), wawasakin ng naturang ehersisyo ang pang-araw-araw na trabaho ng mga magsasaka, mangingisda at mga katutubo gayundin ang kanilang mga produkto kapag natuloy ang pagdagsa ng 6,000 tropang Kano sa kalupaan at katubigan ng Pilipinas.

Idinagdag ng grupo na magiging banta at maghahasik ng takot ang Balikatan sa mga erya na nakikibaka ang mga magsasaka para sa kanilang karapatan sa lupa. Inanunsiyo na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na apat sa pitong lugar ng ehersisyo ay gaganapin sa Gitnang Luzon kabilang ang Fort Magsaysay Military Reservation sa Laur, Nueva Ecija, Basa at Clark Air Base sa Pampanga, Crow Valley sa Capas, Tarlac at Naval Station L. Gantioqui sa Zambales.

“Ang 3,100 ektarya sa Fort Magsaysay ay nasa hurisdiksiyon na ng Department of Agrarian Reform (DAR) nang ibigay ito ng Department of National Defense noong 1991, pero ipagagamit pa rin ito ng AFP sa mga sundalong Kano para sindakin ang mga magsasaka,” sabi ni Canlas.

Idinagdag ni Canlas na ang Fort Magsaysay Military Reservation ay malapit sa Pantabangan Dam na binabalak umanong tayuan ng hydroelectric power plant ng Energy Development Corp. at California Energy. Aniya pa, may banta ng pagpapalayas sa mga komunidad ng mga katutubo sa paligid ng Pantabangan Lake.

“Sa Zambales, tutol ang mga magsasaka sa pagmimina, ngayon, ang Balikatan ang magiging protektor ng mga kompanya ng pagmimina. Gayundin, nakikibaka ang mga katutubo sa Crow Valley sa Tarlac para sa kanilang lupaing ninuno,” paliwanag ni Canlas.

Sinabi pa ni Canlas na bumibisita na ang mga tropang Kano sa Hacienda Luisita noong nakaraang taon pa para umano sa mga misyong medikal pero naniniwala silang ang dahilan nito ay para supilin ang pakikibaka ng mga magsasaka para sa kanilang karapatan sa lupa. Ang Crow Valley ay malapit lamang sa Hacienda Luisita.

Naniniwala ang AMGL na ginagamit ng administrasyong Aquino ang tropang Kano para takutin ang mga magsasaka na tumututol laban sa pangangamkam ng lupa. Anila, laganap ngayon ang pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Luzon dahil na rin sa mga proyekto ng gobyerno tulad na lamang ng Metro-Luzon Urban Beltway na isinusulong ng administrasyong Aquino sa ilalim ng  Public-Private Partnership Program (PPP).

“Ang mga proyekto ng gobyernong ito ang malinaw na motibasyon ng Balikatan. Alam ni Aquino na tututol ang mga magsasaka sa kanyang mga programa, at ginagamit niya ang tropang Kano para kami takutin. Hindi kami papayag na hadlangan ng mga sundalong Amerikano ang aming karapatan sa lupa. Tiwala kami na aktibong tututulan ng aming sektor ang Balikatan,” ani Canlas.