Pagpaslang sa Dutch national kinondena ng magsasaka, makakalikasan


Mariing kinondena ng mga magsasaka, grupong makakalikasan at iba pang grupo ang pagkakapaslang sa isang misyonerong Dutch national na sumusuporta sa kanilang mga ipinaglalaban. Ang biktimang si Willem Geertman, 67 taong gulang at executive director ng Alay Bayan Inc. (ABI), ay binaril at napatay ng dalawang di-nakilalang lalaki sa harapan ng kanyang tanggapan sa Brgy. […]

Mariing kinondena ng mga magsasaka, grupong makakalikasan at iba pang grupo ang pagkakapaslang sa isang misyonerong Dutch national na sumusuporta sa kanilang mga ipinaglalaban.

Kilala si Willem Geertman bilang tagasuporta ng mga magsasaka at environmental advocate na nagkampanya sa isyu ng climate change at masamang epekto ng pagmimina sa kalikasan at sa mga mamamayan. (ABI)

Ang biktimang si Willem Geertman, 67 taong gulang at executive director ng Alay Bayan Inc. (ABI), ay binaril at napatay ng dalawang di-nakilalang lalaki sa harapan ng kanyang tanggapan sa Brgy. Telebastagan, San Fernando, Pampanga, noong tanghali ng Hulyo 3.

“Kinokondena namin ang pinakahuling atakeng ito sa mga sumusuporta sa mga magsasaka sa Central Luzon. Si Geertman ay aktibong sumusuporta sa mga magsasaka laban sa pangangamkam ng lupa sa rehiyon,” pahayag ni Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) at tagapangulo ng Board of Trustees ng ABI.

Tinukoy ni Canlas ang Oplan Bayanihan, ang programang kontra-insurhensya ng administrasyong Aquino, ang nasa likod ng pamamaslang kay Geertman.

Dalawang araw bago ang pagpaslang kay Geertman, pinatay din si Waldo Palispis, miyembro ng Bayan Muna sa lalawigan ng Aurora.

“Si Geertman ay tagasuporta ng mga magsasaka at napatay sa ilalim ng rehimeng Aquino. Ipinapakita lamang nito na pinapatay ng gobyerno ang mga katulad niya o kahit ang mga magsasakang nananawagan ng tunay na repormang agraryo,” ani Canlas

Ayon sa AMGL, si Geertman ay nag-aral sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman at Ateneo de Manila noong dekada ‘70.  Mula noon ay itinuring na umano niya ang Pilipinas bilang kanyang pangalawang bayan at patuloy na tumulong sa mga magsasakang Filipino.

Mariin ding kinondena ng Katribu Partylist ang pagpaslang kay Geertman.

Si Willem Geertman ay isang relihiyosong misyonerong masugid na naglingkod at nagtaguyod sa karapatan ng mga katutubong Dumagat-Alta sa ilalim ng BATARIS- isang organisasyon sa lalawigan ng Aurora. Isa rin siya sa mga naging instrumento sa pagkakabuo ng Samahan ng mga Katutubo sa Sierra Madre o SKSM, isang panlalawigang organisasyon ng mga katutubo sa Aurora, pahayag ng Katribu.

Ayon pa sa naturang partylist, naging kakampi si Geertman  ng mga katutubo sa paglaban sa mga proyektong  nagdudulot ng walang pakundangang paglabag sa mga karapatan at kolektibong kapasyahan ng mga katutubo.

Kilala rin si Geertman bilang environmental advocate na nagkampanya sa isyu ng climate change at masamang epekto ng pagmimina sa kalikasan at sa mga mamamayan.

Itinuturing ng Katribu bilang malaking kawalan ang pagkamatay ni Geertman, hindi lamang sa mga katutubong mamamayan kundi maging sa mga mamamayan ng buong Central Luzon.

Naninindigan ang Katribu na kailangang kagyat nang ibasura ang Oplan Bayanihan na anila’y pangunahing dahilan sa nagpapatuloy na pampulitikang pamamaslang sa mga aktibista at sa mga mamamayang lumalaban at tumutuligsa sa mga anti-mamamayang polisiya ng rehimeng Aquino.

Samantala sa ibang bansa, kinondena rin ng iba’t ibang grupo ang pagpaslang kay Geertman.

Sa pahayag ng Philippines Solidarity Network of Aotearoa (PSNA), Auckland Philippines Solidarity (APS), at Wellington Kiwi Pinoy (WKP), sinabi nilang napatanyag ang Pilipinas bilang isa sa pinakamapanganib na mga lugar para sa mga mamamahayag at daan-daang pampulitikang pamamaslang sa panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo. Sa pagkakapaslang kay Geertman, at kay Fr. Fausto “Pops” Tenorio noong nakaraang taon,  ang Pilipinas umano ay isa na sa pinakamapanganib na lugar para sa mga misyonero.

“While the Aquino government promotes that ‘It’s More Fun in the Philippines,’ it’s not fun when foreign nationals serving amongst poor and deprived sectors in the Philippines are also targeted by armed forces that operate in defense of the interests of government, mining, big business and landlords instead of the protection of the rights of the poor,” pahayag ni Murray Horton, kalihim ng PSNA.

Inihambing pa ng PSNA si Geertman kay Tenorio, na 33 taong nakipamuhay sa mga magsasaka at katutubo sa Pilipinas, sa pag-iwan ng komportableng buhay sa Holland para makatulong sa mga magsasaka at katutubo sa Central Luzon.

Sinabi naman ni Cameron Walker, tagapagsalita ng APS, na pangungunahan nila ang isang protesta sa Auckland, New Zealand para ipanawagan ang katarungan para kina Geertman at Tenorio.