Migrante

Migrante: 6% pa lang ng OFWs sa Libya ang nakakauwi


Tinuligsa ng Migrante International ang maagang dedlayn na ibinigay ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa paglikas ng mga Overseas Filipino Worker (OFW), gayong 6 porsiyento pa lang ng 26,000 na Pilipino sa Libya ang nakakabalik ng bansa. Inihayag kahapon ni Acting DFA Sek. Alberto del Rosario na inaasahan niyang matatapos ang paglikas ng […]

Mga OFW na lumikas mula sa Libya, sa border ng Djerba, habang hinihintay na maiuwi ng gobyerno. (Contributed Photo/ Gil Lebria)

Tinuligsa ng Migrante International ang maagang dedlayn na ibinigay ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa paglikas ng mga Overseas Filipino Worker (OFW), gayong 6 porsiyento pa lang ng 26,000 na Pilipino sa Libya ang nakakabalik ng bansa.

Inihayag kahapon ni Acting DFA Sek. Alberto del Rosario na inaasahan niyang matatapos ang paglikas ng mga Pilipino sa Sabado. Umano’y 11,045 OFW na ang nakalikas mula Libya at 1,625 naman ang nakauwi ng Pilipinas. Pinayuhan ni del Rosario ang natitirang mga OFW na manatili sa Libya sa gitna ng umiigiting na labanan doon.

Pero ani Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, “Ano ang balak nila sa mga natitira pang mga kababayan natin doon, iwanan na lang?”

Sa partikular, kailangan umanong ilikas pa ang mga domestic helper na walang kaparehong benepisyo ng mga manggagawang nagtatrabaho para sa mga kompanya, na nag-asikaso ng paglikas ng kanilang mga manggagawa. Gayundin din ang mga Pilipinong nars, na inoobligang magtrabaho sa mga ospital sa Libya.

“Waang karapatan o dahilan ang DFA at gobyerno ng Pilipinas na magtakda ng dedlayn sa paglilikas hangga’t nananatili sa panganib ang mga Pilipino,” ani Martinez.

Kasama ang ilang mga OFW mula Libya na nakauwi na ng bansa, at iba pang grupo sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan, nagsagawa ang Migrante ngayong tanghali ng kilos-protesta sa Mendiola Bridge sa Maynila.

Binatikos nila ang umano’y pagpapabaya ng gobyerno sa mga migranteng Pilipinong naipit sa Libya, gayundin, ang kawalan nito ng lokal na trabaho para sa nakauwi at papauwing mga OFW.

P10,000 cash grant ang inaalok ng Overseas Workers Welfare Administration sa mga OFW mula sa Libya.

“(Marami sa mga OFW) ang hindi na nakuha ang kanilang mga sweldo, ang baba pa ng palit ng Libyan dinar ngayon sa mga bangko…Hindi magtatagal ang P10,000 dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin. Kung hindi mababaon sa utang, mapipilitan lang ang returned OFWs natin na umalis na naman ng bansa dahil walang kabuhayan dito,” dagdag ni Martinez.

Ngayon pa lamang, naghahanda na ang Department of Labor Employment ng trabaho sa iba pang bansa sa Gitnang Silangan, para sa mga OFW mula Libya.

“Nag-aalala kami nagpapatuloy ang gobyerno sa pagpapadala ng ating mga manggagawa sa ibang bansa habang bigo naman silang protektahan ang kanilang kapakanan sa kritikal na mga panahon,” sabi ni Martinez.

Sa Marso 17, anibersaryo ng pagkamatay ni Flor Contemplacion, magsasagawa ang mga grupong migrante sa buong daigdig sa simbolikong pandaigdigang protesta laban sa pagpapabaya ng gobyerno sa mga OFW.