Migrante

Aksiyon ng gobyerno sa ‘pinakamalalang panahon para sa mga OFW,’ hinahanap


Labing-anim na taon matapos mabitay si Flor Contemplacion sa Singapore, patuloy pa rin ang pagpapabaya at umano’y kataksilan ng gobyerno sa mga Overseas Filipino Worker (OFW), ayon sa Migrante International. “Ang mga nakaraang buwan ay naging mahirap para sa mga OFW at kanilang mga pamilya – nariyan ang mga OFW na nasa death row sa […]

Batayang panawagan ng mga migrante sa panahon sa tinaguriang 'pinakamalala' para sa mga OFW at kanilang pamilya (Ilang-Ilang Quijano)

Labing-anim na taon matapos mabitay si Flor Contemplacion sa Singapore, patuloy pa rin ang pagpapabaya at umano’y kataksilan ng gobyerno sa mga Overseas Filipino Worker (OFW), ayon sa Migrante International.

“Ang mga nakaraang buwan ay naging mahirap para sa mga OFW at kanilang mga pamilya – nariyan ang mga OFW na nasa death row sa China, gera sa Libya at iba pang bansa sa Gitnang Silangan at North Africa, at ang mga lindol sa New Zealand at Japan,” pahayag ni Gina Esguerra, pangkalahatang kalihim ng Migrante, sa protestang isinagawa ng grupo sa Mendiola Bridge noong Marso 17.

“Isabay pa ito sa pandaigdigang krisis na nagreresulta sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang papapatinding pribatisasyon, liberalisasyon at deregulasyon ng administrasyong Aquino–walang dudang ito na ang pinakamalalang panahon para sa mga OFW at kanilang mga pamilya,” dagdag ni Esguerra.

Mga larawan ng protesta, sa saliw ng tulang Bawat Flor sa Aming Dibdib na binigkas ng isang OFW:

Ang krisis sa Libya at Japan ay matingkad na halimbawa umano kung gaano ka-insensitibo at inutil ang administrasyong Aquino sa pagtataguyod sa proteksiyon at kagalingan ng mga OFW.

“Sa kabila ng lantarang pagsusulong ng labor export policy na nagsasamantala sa murang paggawa at iniaambag nitong remitans, walang ginagawang mabuti ang gobyerno para sa mga OFW. Dito, lumalabas na walang pinag-iba ang administrasyong Aquino sa mga nauna,” sabi ni Esguerra.

Dating mga OFW, nagsalita

Nagsalita sa protesta si Nerissa Neri, isang dating OFW sa Saudi Arabia na nakulong ng mahigit isang taon sa naturang bansa. Ani Neri, pinabayaan siya ng embahada ng Pilipinas sa kanyang gipit na kalagayan. Sariling pagsisikap umano niya ang dahilan ng pagpapalaya sa kanya.

“Patunay lamang ang aking sinapit na matapos ang sinapit ni Flor Contemplacion, patuloy pa rin ang kapabayaan ng gobyerno sa aming mga OFW,” sabi ni Neri.

Samantala, binatikos naman ni Lean Santos, miyembro ng Migrante at dating OFW sa Japan, ang pagpapabaya ng gobyerno sa mga Filipinong nasa naturang bansa. “Nagkukumahog na ang ibang bansa na pauwiin ang kanilang mga mamamayan sa kanilang mga bansa, pero wala pa ring malinaw na plano ang administrasyong Aquino para sa mga Pilipino sa Japan,” aniya.

Trabaho sa sariling bansa, iginiit

Ayon sa Migrante, ang kailangan ng OFW at kanilang pamilya sa ngayon ay aksiyon at mga programa mula sa gobyerno na lilikha ng trabaho sa loob ng bansa. Gayundin ang pagtigil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin para umano’y mabawasan, kundi man tuluyang mapigilan ang sapilitang migrasyon.

“Labing-anim na taon matapos ang pagkamatay ni Flor Contempacion, ang OFW at kanilang mga pamilya ay sama-samang haharapin ang kanilang mga pakikibaka at hamon ng kanilang kalagayan, at sama-sama, dapat nating panagutin ang administrasyong Aquino sa bawat buhay ng OFW  na nalalagay sa panganib,” ayon kay Esguerra.