Sa ika-8 na anibersaryo ng paglusob sa Iraq: Panghihimasok naman ng US sa Libya
Minarkahan ng iba’t ibang grupo ang anibersaryo ng paglusob ng US sa Iraq sa pagmartsa sa sa harapan ng embahada ng Estados Unidos sa Maynila. Kinondena nila ang no-fly zone na idineklara ng UN—isang resolusyon na anila’y hudyat ng interbensiyong militar ng US. Lumalabas na hindi sila nagkamali.

Nagsimula na ang pinangangambahang interbensiyong militar ng Estados Unidos sa Libya, isang araw makaraan ang ika-walong anibersaryo ng paglusob ng US sa Iraq.
Sa kabila ng ceasefire na idineklara ni Muammar Gaddafi bunga ng resolusyon ng United Nations Security Council na magdeklara ng no-fly zone sa bansa, nagpakawala ng mahigit 100 cruise missiles mula sa mga barko at eroplanong pandigma ang US, Great Britain, at France sa operasyong binansagan ni US Pres. Barack Obama na “Odyssey Dawn.”
“Today, I authorized the armed forces of the United States to begin a limited military action in Libya,” pahayag ni Obama sa kanyang pagbisita sa bansang Brazil.
Bagaman target umano ng operasyon ang mga pasilidad pangmilitar ni Gaddafi, iniulat ng state television ng Libya na may mga sibilyan na nasawi sa mga atake sa Tripoli.

Kahapon, minarkahan ng iba’t ibang grupo ang anibersaryo ng paglusob ng US sa Iraq sa pagmartsa sa sa harapan ng embahada ng Estados Unidos sa Maynila. Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), kinondena nila ang no-fly zone na idineklara ng UN—isang resolusyon na anila’y hudyat ng interbensiyong militar ng US. Lumalabas na hindi sila nagkamali.
Inihayag ng Bayan na madadagdagan ng Resolution 1973 ng UN ang panganib sa mga sibilyan, dahil pawang binibigyan nito ng blanket authority ang North Atlantic Treaty Organization, sa pangunguna ng US, na wasakin sa anumang paraan ang kapabilidad pangmilitar ni Gaddafi.
Inihalintulad ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, ang naganap sa Iraq sa kasalukuyang nagaganap sa Libya.
“Sa likod ng posturang humanitarian ng US ay ang pagnanais nitong alisin si Gaddafi at makontrol nito ang malawak na yamang langis ng Libya…Lubha kaming nababahala na tulad ng paglusob ng US sa Iraq, ang interbensiyong militar sa Libya ay magdudulot ng matinding pananakit sa mga sibilyan,” aniya.
Ito rin ang pagtingin ng mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na nagmartsa naman sa mga lansangan ng Baguio City, matapos ang kanilang pambansang kongreso na idinaos sa naturang lunsod.
“Nakakalungkot na ginagamit ng US ang karahasan sa mga mamamayan ng Libya ng rehimeng Gaddafi upang mabigyang katwiran ang paggamit ng mas matinding karahasan sa mamamayan… Hindi maibibigay ng air strikes ang kahilingan ng mga mamamayan na mas demokratikong lipunan,” ayon kay Elmer Labog, muling-halal na tagapangulo ng KMU.

Binatikos ni Labog ang umano’y kampanya ng US “para mapagsamantalahan ang pampulitikang kaguluhan sa Libya at isulong nito ang pang-ekonomiya at pampulitikang interes nito sa rehiyon ng Gitnang Silangan.”
Samantala, inilinaw ng Bayan na “may karapatan ang mamamayan ng Libya na ipaglaban ang tunay na kalayaan at demokrasya,” laban man sa kanilang sariling pinuno, o sa mga dayuhang nais yurakan ang soberanya nito.
Matagal na kumontra sa neoliberal na mga patakarang pang-ekonomiya ng US si Gaddafi, na ginawang pambansa ang industriya ng langis ng Libya nang pabagsakin ang lumang monarkiya noong 1969. Pero dahil sa matinding economic sanctions, napilitan din itong makipagkompromiso sa US nitong nakaraang mga taon, na tinitingnan na kabilang sa nagdulot ng diskuntento sa mga mamamayan ng Libya. (Basahin ang kaugnay na istorya)
Lumahok din sa kilos-protesta sa harapan ng embahada ng US ang mga grupong Migrante, Gabriela, Anakbayan, League of Filipino Students, Promotion of Church Peoples Response, at iba pa.
