Migrante

Sa pagbitay sa 3 OFW drug mules: Gobyerno, ‘dapat magising’


Inihayag ngayon araw ni Gabriela Rep. Luz Ilagan na dapat magsilbing “wake-up call” para sa gobyernong Aquino ang nakatakdang paggawad ng parusang kamatayan sa tatlong Overseas Filipino Worker (OFW) sa Tsina sa Marso 30. “Nakakalungkot ang balitang ito. Isang malaking trahedya at kapuna-puna na parami nang parami ang mga Pilipino na nagiging bulnerable sa mga […]

Candle-lighting noong Pebrero para sa pagsagip sa buhay ng 3 OFW drug mules sa Tsina (Soliman A. Santos)

Inihayag ngayon araw ni Gabriela Rep. Luz Ilagan na dapat magsilbing “wake-up call” para sa gobyernong Aquino ang nakatakdang paggawad ng parusang kamatayan sa tatlong Overseas Filipino Worker (OFW) sa Tsina sa Marso 30.

“Nakakalungkot ang balitang ito. Isang malaking trahedya at kapuna-puna na parami nang parami ang mga Pilipino na nagiging bulnerable sa mga sindikato ng droga dahil kakaunti ang trabaho sa Pilipinas at napakababa ng sahod dito,” ani Ilagan.

Iginiit ng kongresista na dapat maging prayoridad ng gobyerno ang paglikha ng lokal na trabaho at pagtigil sa polisiyang labor export.

Ang Pilipinas ang may pinakamataas na unemployment rate, nasa 7.4%, sa buong Timog Silanganang Asya. May 37% ng mga walang trabaho ay kababaihan, habang 7.1 milyon naman ang underemployed.

Sinabi ni Ilagan na batay sa ulat ng Philppine Drug Enforcement Agency at Department of Foreign Affairs, dumarami ang kababaihang Pilipino na nasasangkot sa drug smuggling simula noong 2007. Sa 689 naitalang insidente ng drug smuggling sa buong mundo, 431 ay kinasangkutan ng kababaihang OFW. Babae ang dalawa sa tatlong OFW na nakatakdang bitayin sa Tsina, sina Sally Ordinario-Villanueva at Elizabeth Batain.

OFWs, di pa rin sumusuko

Samantala, iginiit ng Migrante International na patuloy itong aapela sa gobyerno ng Tsina na itigil ang parusang kamatayan sa tatlong OFW, batay sa humanitarian grounds.

“Kapit sa patalim ang ating mga kababayan. Karamihan, kundi man lahat ng drug mules ay biktima ng illegal recruitment o human trafficking,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, pandaigdigang grupo ng mga OFW.

Inakusahan ng grupo ang gobyernong Aquino ng pagpapabaya sa mga OFW. “Darating na lang sila kapag may petsa na ng pagbitay…Pumapasok na lang sila kapag nasa Court of Appeals na, by that time, napaglagpas na ang due process para sa akusado,”dagdag ni Martinez.

Gayunpaman, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Migrante, at hinikayat nito ang gobyerno na gawin pa rin ang lahat para mailigtas ang buhay ng tatlong OFW. 

“Huwag nilang sayangin ang oras na nalalabi sa paghuhugas-kamay at pagsabi na wala na silang magagawa,” ayon sa lider-migrante.

Magdaraos ng vigil sa Marso 29 ang Migrante at pamilya ng mga OFW, na lulundo sa isang martsa patungong Mendiola sa susunod na araw, kung kailan nakatakdang bitayin sina Villanueva, Batain, at Ramon Credo.