Istorya ng Linggo

‘Balikatan walang pakinabang sa sambayanan’


Walang pakinabang sa mga mamamayang Pilipino ang 27 ehersisyong militar na Balikatan sa pagitan ng armadong puwersa ng US at Pilipinas, ayon sa militanteng mga organisasyon. Puro kapahamakan lamang ang presensiya ng tropang US sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kabilang na rito ang panghihimasok ng tropang Kano sa Libya, Afghanistan, Iraq at siyempre, Pilipinas.

Martsa ng Bayan at ILPS Philippines laban sa Visiting Forces Agreement. (Gregorio B. Dantes Jr.)
Martsa ng Bayan at ILPS Philippines laban sa Visiting Forces Agreement. (Gregorio B. Dantes Jr.)

Muling nagprotesta ang militanteng mga organisasyon para igiit ang pagtigil sa ehersisyong militar na Balikatan ng armadong puwersa ng US at Pilipinas, gayundin ang pagbasura sa RP-US Visiting Forces Agreement.

Sa pagkilos sa harap ng embahada ng US, inihayag ng mga militante sa pangunguna ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) – Philippines at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang kawalan umano ng pakinabang ng naturang ehersisyong militar. Anila, pinatunayan sa iba’t ibang bansa na kapahamakan lamang ang dala ng interbensiyong militar ng US.

“Bahagi ng projection ng kapangyarihan ng US sa rehiyong Southeast Asia ang ehersisyong militar ng US sa Pilipinas. Pinanatili nito ang presensiyang militar sa lugar at inihahanda ang mga tropang US para sa posibleng interbensiyon kung hihilingin ito ng mga interes ng US,” paliwanag ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.

Itinulak ng mga pulis ang mga miyembro ng League of Filipino Students (LFS) at Anakbayan na nakalapit sa embahada ng US. (Gregorio B. Dantes Jr.)
Itinulak ng mga pulis ang mga miyembro ng League of Filipino Students (LFS) at Anakbayan na nakalapit sa embahada ng US. (Gregorio B. Dantes Jr.)

Inanunsiyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na mas maliit ang delegasyon ng tropang US sa ika-27 ehersisyong militar ng Balikatan sa Gitnang Luzon.

“Matapos ang 27 installment ng Balikatan, mas mabuti na ba ang Pilipinas? Bakit nananatiling atrasado ang ating armadong puwersa at sa pangkalahata’y umaasa sa ayudang militar ng US? Nasaan ang sinasabing mga benepisyo?” sabi pa ni Reyes.

Sinabi pa ni Reyes na US lang ang pangunahing nagbenepisyo sa pagpayag sa akses ng tropa nito sa mga teritoryo ng Pilipinas sa rehiyon.

“Kahit pa sinasabi ng press release ng mga puwersang US na nagtatayo sila ng mga klasrum, hindi ibig sabihin na hindi na sila lalahok ng iba pang aktibidad tulad ng paniniktik at paglikom ng impormasyon, at kahit combat support para sa mga operasyong kontra-insurhensiya sa mga probinsya,” dagdag ni Reyes.

Binatikos din ng mga nagprotesta ang mga agresyong militar ng US sa iba’t ibang bahagi ng mundo kabilang ang pagbomba nito sa Libya.

Kinondena ng mga militante ang interbensiyong militar ng armadong puwersa ng US sa Libya. (Tudla Productions)
Kinondena ng mga militante ang interbensiyong militar ng armadong puwersa ng US sa Libya. (Tudla Productions)

“Walang ibang bansa sa mundo ang may hukbo na nakadeploy sa buong mundo na sangkot sa maraming giyerang agresyon, at nakialam sa internal na mga usapin ng ibang bansa — sa pamamagitan man ng direktang aksiyon o pagtulong sa mga rehimeng papet ng US ngayon,” paliwanag naman ni Joms Salvador, pangalawang pangkalahtang kalihim ng Gabriela.

Kuha ng Tudla Productions
Lumahok ang iba't ibang sektoral na organisasyon sa pagkilos. (Tudla Productions)