Ika-anim na Sundang: GABUD
Matapos maghawa’t mangahoy maghapon tayo ay nangagtitipon upang hasain ang ating mga sundang. Sa labí ng gabi sa malumot na burol sa tabi ng bukal ng talangka at kuhol tayo ay nangagtitipon upang hasain ang ating mga sundang. Noon pa man ay atin nang batid ang hibang na sumpang hatid ng pingas at purol, ng […]
Matapos maghawa’t mangahoy maghapon
tayo ay nangagtitipon
upang hasain ang ating mga sundang.
Sa labí ng gabi sa malumot na burol
sa tabi ng bukal ng talangka at kuhol
tayo ay nangagtitipon
upang hasain ang ating mga sundang.
Noon pa man ay atin nang batid
ang hibang na sumpang hatid
ng pingas at purol,
ng gibang at kalawang—
ng walang-taning na pagpapaubaya
sa hindi nagsasawa sa pag-angkin;
ng wagas na pagka-awa sa sariling pagka-ulila
habang nag-aabuloy, nagpapabuya,
Nagpapatawad at umaawit ang salarin;
ng pagdadalawa, pagdadal’wang-libong-isip
hanggang mabulag na’t malupig
sa tagal ng pagkakatitig sa apoy;
ng pagkakanya-kanya
gayong iisa lamang naman
ang kinakampay na kumunoy—
kaya’t tayo ay nangagtitipon
upang hasain ang ating mga sundang.
Magdamag kung s’yang dapat,
sabay-sabay, walang-humpay nating pinupudpod
ang lahat ng mahawakang gabud
hanggang malusaw nang lubos
sa pawis natin at tangis—
pagkat tayo ay nangagtitipon
upang hasain ang ating mga sundang.
Hanggang sa kaya nang magpanggap
na ‘sangkawang alitaptap
ang kinang ng ating mga tabak,
tayo ay nanagagtitipon
upang hasain ang ating mga sundang.
Hanggang sa kaya na ng ating mga talim
na ang hangin ay paduguin,
tayo ay nangagtitipon
upang hasain ang ating mga sundang.
Hanggang mangusap ang isa sa ating mga anak—
ang hubad at pinaka-abo sa mga apo ng ilaya;
ang pinaka-ubuhin, tuod at utal na tagapagmana
ng malawak na kawalan
at lahat ng pagkakasala.
“Bukas,” wika niya,
“kung ilan tayo sa ating balak ngayon,
s’ya ring dami ng tarak
sa leeg ng panginoon.”
* GABUD – batong panghasa ng sundang.