Istorya ng Linggo

Morong 43 nagsampa ng kaso vs GMA, iba pang opisyal ng militar


Dahil sa paglilingkod sa mga mahihirap, pinahirapan at di makatarungang kinulong sila mahigit limang buwan bago bumaba sa poder si Gloria Macapagal Arroyo. Ngayon, sila ang isa sa mga unang naghabla ng kasong sibil laban sa dating pangulo. Hangad nila: Katarungan, di lamang para sa kanila, kundi para sa lahat ng biktima ng karapatang pantao noong nagdaang rehimen.

Anim sa Morong 43 na nagsampa ng kasong sibil laban kay Pangulong Arroyo. (Kontribusyon)
Anim sa Morong 43 na nagsampa ng kasong sibil laban kay Pangulong Arroyo. (Kontribusyon)

Nagsampa ng kasong sibil ang anim na miyembro ng tinaguriang Morong 43 na sina Dr. Merry Clamor, Dr. Alexis Montes, Gary Liberal na isang rehistradong nars, Ma. Teresa Quinawayan, Reynaldo Macabenta at Mercy Castro sa Quezon City Regional Court  laban  kay Pang. Gloria Macapacal-Arroyo.

“Napagpasyahan naming magsampa ng pormal na kaso laban kay dating Presidente Arroyo at kanyang mga opisyal-militar hinggil sa paglabag sa aming mga karapatan. Maliit na hakbang lamang ito upang matigil ang impunidad sa ating bansa. Ngunit ang hakbang ay pagsulong sa aming mahabang martsa para sa katarungan,”  pahayag ni Liberal.

Maliban sa dating Pangulong Arroyo, isinama din sa naturang kaso ang dating National Security Adviser Norberto Gonzales, Gen. Victor Ibrado, Gen. Delfin Bangit, Gen. Jorge Segovia, Lt. Col. Victorino Zaragoza, Maj. Manuel Tabion, Col. Aurelio Baladad, Lt. Col. Jaime Abawag, P/Supt. Marion Balonglong, and P/Supt. Allan Nubleza.

Pagsampa ng mga abogado ng Morong 43 sa korte sa Quezon City. (Kontribusyon)
Pagsampa ng mga abogado ng Morong 43 sa korte sa Quezon City. (Kontribusyon)

Ayon sa National Union of People’s Lawyers (NUPL) na tumulong sa anim na miyembro ng Morong 43 sa pagsampa ng kasong sibil, ito umano ang kauna-unahang kontra demanda laban kay Arroyo hinggil sa paglabag umano nito sa karapatang pantao sa loob ng siyam na taong termino nito.

“Malinaw na inamin ng gobyerno na ang pag-aresto sa Morong 43 ay walang batayang legal.  Dapat harapin ngayon ng administrasyong Arroyo ang  kahihinatnan ng kanilang aksyon,” ani Edre Olalia, abogado ng Morong43.

Sinuportahan naman ng mga organisasyong nagtataguyod sa karapatan pantao at mga pamilya ng mga biktima ng paglabag ang aksyon ng  Morong 43. “Simula pa lamang ito. ng pagsampa ng kasong sibil ay hindi nagsasara upang sampahan  si Arroyo at kanyang mga opisyal ng kasong kriminal, sa pagpapatupad nila ng planong kontra-insurhensiyang Oplan Bantay Laya , na kumitil ng mahigit isanlibong buhay, pagdukot, pagkulong at pagtortyur,” ani Jigs Clamor, tagapagsalita ng Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao.

“Magsisilbi itong mitsa ng paniningil ng mga biktima sa mga pangunahing lumabag sa karapatang pantao ng mamamayan,” ayon naman kay Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng Hustisya, organisasyon ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.  Sinabi pa ni Guevarra na hindi umano nila hahayaang makatakas sa katarungan ang dating pangulo na ngayon ay nasa kongreso bilang kinatawan.

Bahagi ng isinampang kaso ang paghingi ng anim na miyembro ng Morong 43 ng bayad-pinsala na aabot sa P2.5 Milyon bawat isa, dahil sa inabot umano nilang tortyur sa kamay ng mga military.

Bukod dito, humihingi din sila ng actual damages para sa mga personal na kagamitang kinumpiska nang sila ay arestuhin sa Morong, Rizal.  Aabot sa P15-M halaga ang bayad-pinsalang kanilang hinihingi. Pero ayon sa anim na nagsampa ng kaso, hindi sapat upang maalis ang malagim na karanasang kanilang sinapit.

Mga grupong pangkarapatang pantao na sumusuporta sa laban ng Morong 43. (Kontribusyon)
Mga grupong pangkarapatang pantao na sumusuporta sa laban ng Morong 43. (Kontribusyon)