OWWA, ipinagkait ang financial assistance sa mga manggagawa mula Madagascar
Inireklamo ng mahigit 300 na Overseas Filipino Worker (OFW) ang patuloy na pagkakait sa kanila ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa P10,000 financial assistance, matapos sapilitang mapauwi dahil sa epidemikong malaria sa Madagascar. Ngayong araw, muling dumagsa ang mga manggagawa sa tanggapan ng OWWA sa Pasay City para singilin si OWWA Administrator Carmelita Dimzon […]

Inireklamo ng mahigit 300 na Overseas Filipino Worker (OFW) ang patuloy na pagkakait sa kanila ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa P10,000 financial assistance, matapos sapilitang mapauwi dahil sa epidemikong malaria sa Madagascar.
Ngayong araw, muling dumagsa ang mga manggagawa sa tanggapan ng OWWA sa Pasay City para singilin si OWWA Administrator Carmelita Dimzon sa ipinangako para sa daan-daang OFW na na-repatriate noong Pebrero.
Sa pagdinig ng House Committee of Overseas Workers’ Affairs noong Marso, inihayag ni Dimzon na ilalapit nito sa Board of Trustees ng OWWA ang hinggil sa tulong-pinansiyal para sa mga manggagawa mula sa Madagascar. Pero nang magtungo sa OWWA dalawang linggo ang nakaraan, ibinalita sa kanila ni Dimzon na tinanggihan ng Board ang kanilang hiling.
Pero ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, may karapatan ang mga OFW mula Madagascar sa tulong-pinansiyal, gaya ng natanggap ng mga OFW na pinauwi mula sa Libya.
“Napakasaklap na parang nagmamakaawa ngayon ang ating mga OFW sa OWWA. Ang pondo ng OWWA ay pondo ng mga OFW at may karapatan sila rito, lalo sa panahon ng krisis,” ayon sa lider-migrante.
Hindi umano sapat ang livelihood training at pautang na inaalok sa ilalim ng OFW reintegration program ng gobyerno, dahil karamihan sa mga OFW mula Madagascar ay sapilitang napauwi nang hindi man lamang nakuha ang kanilang sahod, at wala namang mga trabahong naghihintay sa bansa.
Matatandaan na noong Disyembre 2010, daan-daang manggagawang Pilipino mula Madagascar ang umuwi dahil sa pagwewelgang dulot ng hindi pagsahod nang tama ng kompanyang Kentz Engineers and Contractors.
Tinukoy ng Migrante na dapat may awtomatikong tulong-pinansiyal sa mga OFW na biktima ng giyera, epidemiko, kalamidad, at mga paglabag sa karapatang pantao.
“Dapat may konkretong programa ang gobyernong Aquino para sa mga OFW na bumalik sa bansa dahil sa nasabing mga krisis, at hindi mamili kung sino lamang ang bibigyan nito ng tulong,” dagdag pa ni Martinez.
Inihayag ng grupo na sasama ang napauwing mga OFW mula sa Madagascar, Gitnang Silangan at Japan sa People’s and Workers’ Day of Outrage sa Mayo 1 para igiit sa gobyernong Aquino ang makabuluhang dagdag-sahod at pagbaba sa presyo ng mga bilihin.