Rebyu ng dalawang progresibong kuwentong pambata


Rebyu ng mga kuwentong pambatang Barako Baraking at ang Jamin, ang batang manggagawa

Inilunsad kamakailan ang 2 progresibong librong pambata na tumatalakay sa buhay at pakikibaka ng pamilyang Pilipino sa gitna ng matinding krisis pang-ekonomiya. (Macky Macaspac)

Sa mga magulang na nais matuto ang kanilang mga anak na bumasa o maging matalas ang pag-unawa sa mga bagay-bagay, binabasahan nila ang ang mga ito ng mga kuwentong pambata, bago matulog o kahit sa oras ng pamamahinga. Kadalasang mga kuwentong pambatang kumikiliti sa diwa ng mga bata, ambisyon at pantasya ang kanilang binabasa.

Pero ang masaklap, karamihan sa mga kuwentong pambata na likha ng mga dayuhan o nasa wikang Ingles, na kahit hindi halaw sa tunay na karanasan ng mga batang Pilipino, ang tinatangkilik ng marami– malinaw na bahagi rin nang kolonyalisadong kulturang Pilipino.

Kamakailan, inilunsad ang dalawang kuwentong pambata, ang Barako Baraking at ang Jamin, ang batang manggagawa. Mga batang mula sa pinagsasamantalahang uri ang bida sa dalawang maikling kuwento. At dahil mga bata ang pangunahing bida, mga bata rin ang unang nakinig sa pagkukuwento.

Sa Barako Baraking na pinagbibidahan ni Biboy, isang tipikal na batang Pilipinong iniwan ng kanyang ina upang magtrabaho sa ibang bansa, malinaw na idinetalye ang pagkasira ng batayang istruktura ng lipunan – ang pamilya, dahil sa pagkawala ng isa sa mga magulang upang maghanap nang ikabubuhay. Bagamat ang kuwento ay tila isang pantasya sa porma ng katatawanan, hinugot ng manunulat na si Cindy Gealogo, isang guro ng kursong Sikolohiya at Early Childhood Care and Development sa Kalayaan College, ang karanasan ng mga batang anak ng Overseas Filipino Worker (OFW).

Inilahad sa kuwento, ang tipikal na piyudal na pagtingin sa kababaihan – ang manatili sa loob ng bahay at gumampan sa mga gawaing para lamang sa mga kababaihan. At kung lalaki ang gagampan sa mga gawaing ito, kadalasang binabansagang Baraking – hindi Barako.

“Barako ang bansag kina Mang Joe at sa mga kasama niyang mga manggagawa. Matipuno ang kanilang pangangatawan.”

“Baraking naman ang tawag sa asawa ni Mang Joe na si Aling Estela. Namamalagi siya sa bahay
upang mag-alaga ng kanilang mga anak at nag-aasikaso sa kanilang bahay.”

Sa kaso ni Biboy, na may kalituhan dahil sa pagiging OFW ng kanyang ina na naiwan sa pangangalaga ng kanyang ama. Binigyang-hugis ng awtor ang kalituhang ito na dulot ng pagbabansag ng lipunan sa estado ng mga indibidwal sa kanyang paglahok sa produksiyon, na nauugat sa piyudal na relasyon.

“Simula ng magtrabaho sa US ang asawa kong si Sol, ako na ang NaTay sa bahay. Ako ang nagluluto, naglalaba at nagpaplantsa nang sa gayon makatipid din sa gastusin sa bahay.”

Sa bahagi ng awtor, motibasyon niya ang pagiging guro at dating mananaliksik sa isang non government organization (NGO) upang maisulat ang nasabing kuwento. “Nakita ko ang maraming karanasan ng pamilyang Pilipino, kung saan ang mga nanay ay nawawala dahilan na rin sa feminization of migrant labor, ang naiiwan ay ang mga tatay, na hindi handa sa pagkalinga ng mga anak,” aniya.

Maikli lamang ang kuwentong Barako Baraking, ngunit malinaw nitong sinasalamin ang kuwento ng bawat pamilyang OFW. Nagbibigay-aral din ang kuwento hindi lamang para sa mga bata, nagbibigay aral din ito sa mga kalalakihan na maging mapagkalinga sa mga bata.