Welga sa PAL na ‘di maiputok-putok: Pinsalang dulot ng dilaw na unyonismo?
Bumabagsak ang morale ng mga manggagawa ng Philippine Airlines sa tila atras-abante at serye ng mga kamalian ng ‘dilawang pamunuan’ ng unyon sa naturang kompanya. Naunang pagkakamali ang paghiling sa interbensiyon ni Pangulong Aquino. Nitong huli naman, ang pag-anunsiyo ng petsa ng welga.

Apat na beses na nagdeklara ng notice of strike. Apat na beses na binabaan ng Assumption of Jurisdiction (AJ) ng gobyerno para pigilin ang welga. At apat na beses na yumukod ang liderato ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA), ang unyong namumuno sa libu-libong manggagawa ng numero unong flag carrier sa bansa na humaharap sa banta ng tanggalan at kontraktuwalisasyon.
Nitong Marso 23, muling bumoto ang mga empleyado ng PAL na maglunsad ng welga dahil sa refusal to bargain o ‘di pagpayag na pumasok sa Collective Bargaining Agreement (CBA) ng manedsment ng PAL, na 13 tang nang hindi nakikipagnegosasyon sa mga manggagawa nito. Inanunsiyo ng PALEA- Partido ng Manggagawa na ilulunsad nito ang welga sa Abril 1. Tumugon ang mga manggagawa, at lumabas sa mga kalsada malapit sa opisina ng unyon noong araw na iyon.
Ngunit kinahapunan, nagtungo ang pinuno ng PALEA na si Gerry Rivera sa Department of Labor and Employment (DoLE). Bandang alas-nuwebe ng gabi, ibinaba ng DoLE ang AJ.
“Hindi nila ipinaliwanag sa amin (ng unyon), basta ang sabi sa amin, mag-disperse na raw,” kuwento ni Danilo Palomeno, tagapagsalita ng Anakpawis-PAL Chapter. Dahil dito, bagsak umano ang morale ng mga manggagawa.
Sa isang pahayag, sinabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na ito lamang ang huling pagkakamali ng liderato ng PALEA. Umano’y alam ng sinumang unyonista na hindi dapat inaanunsiyo ang petsa ng pagputok ng welga, para hindi mabigyan ng pagkakataon ang manedsment na makapaghanda.
Samantala, ang naunang pagkakamali ng PALEA ay noong nakaraang taon, nang hilingin nito kay Pang. Benigno Aquino III na mamagitan sa sigalot na dulot ng planong outsourcing ni Lucio Tan. Sa ilalim ng outsourcing, magiging kontraktuwal na lamang sa ibang mga kompanyang pag-aari rin ni Tan ang 2,600 na manggagawang may mahigit dalawang dekada nang nagtatrabaho sa PAL. Namagitan nga si Aquino, ngunit pumanig kay Tan—umano’y karapatan ng manedsment na gawin ang outsourcing para makatipid.
Gayundin, nang magbaba ang DoLE ng AJ sa inihain nilang notice of strike noong nakaraang Disyembre, pinuri pa ito ng PALEA at yumukod sa desisyon.
“Magandang pagkakataon sana noon para ituloy ang welga, dahil peak season. Talagang mapipilitan ang manedsment na makipag-usap sa amin,” sabi ni Palomeno.
Ngayon, wala nang tiwala ang mga manggagawa ng PAL na kaya pang pangunahan ng kanilang unyon ang laban. “Parang pinapatay ng unyon ang kanyang sarili. Ngayon, back to zero kami,” dagdag ni Palomeno.
Nangangamba siya na sa kalagayang ito, mas maging kaakit-akit sa mga manggagawa ang P100,000 gratuity na inaprubahan ni Pangulong Aquino. Nitong Marso, dinoble ito ng DoLE mula sa dating P50,000—isang taktika para ipatanggap sa mga manggagawa ang outsourcing at tuluyang isuko ang laban.
Ayon kay Roger Soluta, pangkahalatang kalihim ng KMU, ang mga unyong gaya ng PALEA ay bahagi ng bagong mga dilawang unyon na kung tawagin nila’y “queso de bola”—“pula sa labas, pero dilaw sa loob.” Ibig sabihin, pumuposturang militante, pero sa huli’y makikipagsabwatan rin sa mga kapitalista. Malaki umano ang dulot na pinsala ng mga ito sa kilusang paggawa.
Nababahala ang mahigit 200 manggagawang kaanib ng PAL- Anakpawis Chapter sa posibleng “pagbebenta” ng unyon sa kanilang laban. Isa si Rivera sa mga opisyal ng unyon na nakipagkasundo sa manedsment ng PAL na magkaroon ng 10-taong CBA moratorium noong 1998, at inaakusahang nakinabang dito.
Sa ngayon, sinasalo nila ang pagpapaliwanag sa mga pagkakamali ng unyon. Sinisikap nila na ibalik ang tiwala at kumpiyansa ng iba pang manggagawa para ipagpatuloy ang militansya at paglaban. “Kapag hindi kumilos ang unyon, kami na ang mangunguna sa laban,” pahayag ni Palomeno.
Hinikayat niya ang kanyang mga kapwa manggagawa na itransporma ang kanilang galit sa “sama-samang pagkilos, pagmumulat, at paglubog sa mga komunidad.”
Kuwento niya, ang pagbuhos sa lansangan ng kanilang mga tagasuporta mula sa komunidad ang tunay na nakapagpalapad ng kanilang hanay noong Abril 1. Ganito rin ang klase ng suporta na inaasahan nila kung sa wakas ay maiputok ang welga, gustuhin man o hindi ng liderato ng kanilang unyon.