CBA deadlock ng Kowloon, tanggalan sa Philfoods, binatikos ng obrero
Kinondena ng mga grupo ng obrero ang pagkakahinto ng negosasyon ng unyon at manedsment ng Kowloon House sa Quezon City at nagbabadyang tanggalan sa PhilFoods sa Laguna.
Nagprotesta ang mga manggagawa ng Kowloon House West sa West Avenue, Quezon City, matapos umabot sa deadlock ang negosasyon para sa kanilang collective bargaining agreement (CBA).
Ayon sa Kowloon House West Chapter ng Genuine Labor Organization of Workers in Hotel, Restaurant, and Allied Industries-Kilusang Mayo Uno (Glowhrain-KMU), P10 lang kada araw ang iniaalok na dagdag-sahod ng pamunuan. Malayo ito sa naunang panawagan ng unyon na P50 at kalauna’y ibinaba sa P35 bilang kompromiso.
Pinabulaanan ng unyon ang pahayag ng kompanya na nalulugi ito. Anila, kumita ang kompanya ng humigit-kumulang P25 milyon mula sa produksiyon ng siopao, siomai at wanton sa loob ng dalawang taon habang nakakapagtayo pa ng mga bagong outlet.
Samantala, kinondena rin ng grupong Defend Workers Southern Tagalog ang pamunuan ng PhilFoods Fresh Baked Products Inc. matapos bigyan ng notice to explain ang mga kasapi ng Unyon ng mga Panadero sa PhilFoods Fresh Baked Products Inc.-Olalia-KMU na nagprotesta noong Marso 4. Ibig sabihin, nagbabadya ng tanggalan ang management dahil sa pag-oorganisa ng mga manggagawa.
Ayon sa unyon, tumututol ang mga manggagawa sa wage distortion sa ilalim ng kanilang CBA. Halos P1 lang umano ang agwat ng sahod ng matagal nang manggagawa at bagong empleyado o P601 kumpara sa P600.
Nanawagan ang mga manggagawa ng makatarungang sahod at paggalang sa mga napagkasunduang probisyon sa CBA.