P6k umento, panalo ng unyon sa Nestlé-Wyeth
Ayon sa unyon, makatarungan ang panawagan nilang dagdag-sahod lalo’t tumaas pa ang produksiyon ng kompanya habang “parang robot” namang ituring ang mga manggagawa.
Inanunsiyo ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU) ang matagumpay na pagsasara ng anim na buwang negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA) nito sa management ng Nestlé-Wyeth Nutrition Philippines nitong Dis. 9.
Makakakuha ng P6,000 dagdag-sahod ang mga manggagawa ng Nestlé-Wyeth para sa taong 2025-2028. Naitulak rin ng unyon ang pagkakaroon ng P30,000 signing bonus at iba pang benepisyo na naunang tinangkang bawiin ng kompanya.
“Binigwasan natin ang [pambabarat], ang pananakot, at ang pagsikil sa ating karapatan—at tayo ang nagwagi,” sabi ng WPPWU.
Ayon sa unyon, mas mataas ng 43% ang nakuha nilang umento ngayon kumpara sa nakaraang CBA.
Para kay Debie Faigmani, pangulo ng WPPWU, panimulang tagumpay pa lang ito na bunga ng pagkakaisa ng mga manggagawa. Kulang pa aniya ang P6,000 na umento kumpara sa kinita ng kompanya mula sa kanilang lakas-paggawa.
Sa tala ng Securities and Exchange Commission, kumita ng P19 bilyon ang Nestlé-Wyeth noong nakaraang taon. Tinataya namang nasa P17 bilyon ang taunang kita ng kompanya mula 2020 hanggang 2024.
Naunang iginiit ng mga manggagawa ang P15,000 umento. Sa pag-aaral ng WPPWU, katumbas lang ito ng .0069% ng kita ng kompanya noong 2024. Pero P5,400 umento at retained benefits lang ang counter-proposal ng management. Ibinaba pa ng unyon hanggang P9,000 ang hirit na umento, na tinanggihan pa rin ng kompanya.
Ayon sa WPPWU, makatarungan ang panawagan nilang dagdag-sahod lalo’t tumaas pa ang produksiyon ng kompanya habang “parang robot” namang ituring ang mga manggagawa.
Mula nang tanggalin ang 125 manggagawa noong 2023, nangalahati ang P300,000 na arawang gastos sa pasahod ng Nestlé-Wyeth.
Nasa 130 manggagawa na lang ang lumilikha ng lampas pa sa output na dating ginagawa ng mahigit 300 katao. Umaabot sa anim na makina ang pinapaandar ng kada isang manggagawa.
“Sinuong ng mga manggagawa ang pagkaganid ng Nestlé-Wyeth. Nakamit namin na maging makabuluhan ang CBA dahil nagkakaisa at sama-samang dinesisyonan ng buong unyon. Kaya panimulang tagumpay pa lamang ito na aanihin para suungin ang mga susunod na laban,” sabi ni Faigmani sa panayam ng Pinoy Weekly.
Hindi naman nasarhan ang usapin sa regularisasyon sa higit 200 kontraktuwal na manggagawa ng kompanya, na kasama sa mga inilaban ng WPPWU.
“Naninindigan ang management na legal ang pinasok ng kompanya sa pagpapakontrata. Sa negosasyon, malinaw ang tindig ng unyon, dapat gawing regular ang mga kontraktuwal dahil mahalaga o kailangan ang trabaho nila sa operasyon ng kompanya. ‘Di tatakbo ang planta kung wala sila,” ani Faigmani.
Kabilang sa mga inilalaban nilang maregular ang mga manggagawa sa warehouse, waste water, boiler at sa production. Ayon sa lider-manggagawa, hindi man nagtagumpay dito ay patuloy ang pagsisikap ng unyon para ilaban ang regularisasyon.
Hindi naman natalakay sa negosasyon ang plano ng Nestlé na magtanggal ng mahigit 16,000 manggagawa nito sa buong mundo, kabilang ang sa Wyeth Philippines.
Pagdiskaril, binigo
Masalimuot ang anim na buwang itinakbo ng CBA dahil sa pagmamatigas ng kompanya sa panawagan ng unyon. Lampas 20 beses kinsansela ng management ang mga nakatakdang negosasyon habang nagpapatupad ng mga patakarang magpapahina sa pagkakaisa ng mga manggagawa.
“Matigas o parang ‘di na mababago ang unang posisyon ng management panel. Isa sa mayor na naging bara ay ang kagustuhan ng management na alisin o bawasan ang tinatamasang premium sa differential ng mga Saturday-Sunday at night shift. Dito nagsimulang magkilos protesta ang unyon. Binigo ito sa sama-sama naming pagkilos,” ani Faigmani.
Una nang itinakda ng management sa ground rules na 10 negosasyon lang ang gagastusan ng kompanya. Ipinalagan ito ng unyon dahil mabawasan ang panahon ng mga manggagawa na talakayin at aralin ang mga usapin sa CBA.
Sa gitna naman ng negosasyon, pinahaba ng management ang oras ng trabaho at binago ang iskedyul ng mga rest day sa flexible labor na iskemang “clustering.” Tinanggihan din ang mga aplikasyon para sa union leave at inipit ang pondo ng unyon. Ayon sa WPPWU, paraan ang mga ito para pahirapan silang magtipon.
“Binigo natin ang tangkang pagbabawas sa sahod at premiums, ang patuloy na paggigipit sa demokratikong karapatan sa paggamit ng union leaves, ang pangigipit sa pondo ng unyon, at anumang tangkang panghahati sa ating hanay,” sabi ng WPPWU.
Maraming beses nang tinangkang buwagin ng Nestlé-Wyeth ang WPPWU na isa sa pinakamatandng unyon sa bansa. Noong 2021, nakipagtulungan ang kompanya sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) para ipatiwalag ang unyon sa Kilusang Mayo Uno (KMU) at sa pananakot, harassment at red tagging sa mga lider ng WPPWU.
Tuloy ang laban
Para kay Faigmani, bukod pa sa pang-ekonomiyang pakinabang, tagumpay din ng unyon na muling naibalik ang kompiyansa ng mga manggagawa sa sariling lakas.
“Naibalik natin muli ang sama-samang pagkilos bilang epektibong paraan para igiit ang kahilingan naming mga manggagawa. Nagawa na nating ma-recover ang unyon mula sa magkakasunod na atake ng NTF-Elcac at malawakang tanggalan noong 2023,” aniya.
Nagpaabot naman ng pagbati si KMU chairperson Jerome Adonis sa matagumpay na CBA ng WPPWU. Napakahalaga aniya nito lalo ngayon na gustong durugin ng estado at mga kapitalista ang unyonismo sa bansa.
“Inspirasyon ito. Inaatake tayo ng rehimen, ayaw dagdagan ang sahod, pero puwede palang makamit sa pamamagitan ng CBA. Mahalaga ang pagkakaroon ng unyon para maipaglaban ng mga manggagawa ‘yong kanyang karapatan sa usapin ng nakabubuhay na sahod at iba pang benepisyo at katiyakan sa hanapbuhay,” aniya.
Sa huling tala ng Bureau of Labor Relations, 13.63% o 6.7 milyong manggagawa lamang ang organisado sa ikatlong kuwarto ng 2025. Nasa 1.7 milyon o 6.82% lang ng mga manggagawa sa pribadong sektor ang may unyon habang 334,750 o 1.34% lamang ang may CBA.
“Isinasalarawan ng mga datos ng pamahalaan at ng dokumentasyon ng iba’t-ibang pangmanggagawang institusyon na ang estado ng unyonismo sa Pilipinas sa ilalim ni Marcos ay sinisikil, at sistematikong sinusupil ng mga neoliberal na polisiya na pumapabor sa malayang pagpasok ng dayuhang kapital, deregulasyon ng paggawa, at malawakang kontraktwalisasyon, pleksibilisasyon ng paggawa, at napakababang antas ng sahod sa lahat ng rehiyon,” ani Rochelle Porras ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research.
Mahalaga naman, ayon kay Adonis, na kilalanin na nag-ambag din sa tagumpay ng WPPWU ang malawak na suporta ng mamamayang Pilipino at maging mga kapwa manggagawa sa iba’t ibang bansa.
“Anumang laban ng mga manggagawa, lalo na kung ito ay pagsasabatas ng pambansang minimum na sahod, hindi talaga ito mapagtatagumpayan ng solo ng mga manggagawa. Laban ito ng buong bayan. Inaatake tayo, may paraan para labanan ang atake sa pamamagitan ng masigabong pag-oorganisa ng mga unyon at pag-ugnay ng laban ng mga manggagawa sa struggle ng buong bayan,” aniya.
Bagama’t may tagumpay, hindi pa rin lubos ang kasiyahan nina Faigmani at WPPWU ngayong Pasko. Pero aniya, gagamitin nilang pagkakataon ito para higit na magpalakas sa pagharap sa nagpapatuloy na laban sa susunod na taon.
“Oportunidad ito para pansamantalang magpahinga, makasama ang pamilya, mga kasamahan, magtipon-tipon at magsasalo-salo para makaipon muli ng lakas at inspirasyon,” sabi ni Faigmani.
“Dahil pagsapit ng susunod na taon, hindi pa rin naman nagbabago ang kalagayan naming mga manggagawa, barat ang sahod, araw-araw pangamba ang tanggalan, at patuloy pa rin ang pakikibaka sa karapatan sa malayang pag-uunyon.” /May ulat ni Arabella Mariano