Migrante

1st National Congress of OFWs and Families, sinugod ng mga demonstrador

Dinahas ng mga guwardiya ng SM Mall of Asia sa Pasay City ang mahigit 30 na Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya na nagsagawa ng demonstrasyon laban sa programang pautang ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na inilunsad sa 1st National Congress of OFWs and Families. “Grabe ang tulakan, ilan sa amin ang […]

Umabot sa 15 minuto ang kiskisan ng mga guwardiya at demonstrador sa protesta laban sa programang pautang ng Overseas Workers Welfare Administration (Contributed Photo)

Dinahas ng mga guwardiya ng SM Mall of Asia sa Pasay City ang mahigit 30 na Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya na nagsagawa ng demonstrasyon laban sa programang pautang ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na inilunsad sa 1st National Congress of OFWs and Families.

“Grabe ang tulakan, ilan sa amin ang sinuntok ng mga guwardiya. Pilit nila akong kinukuha,” kuwento ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, hinggil sa protesta kaninang umaga sa harap ng SMX Convention Center kung saan idinaos ang nasabing kongreso.

Kabilang din sa mga sinuntok ng mga guwardiya si Melith Ante, OFW na biktima ng human trafficking sa Jordan at nakauwi noong nakaraang taon.

Sa kabila ng pandarahas, may 15 minuto pa ring nairehistro ng Migrante ng kanilang mga panawagan, bago sila tuluyang napaalis ng mga guwardiya na pilit ding kinukumpiska ang mga banner at placard na tumutuligsa kay Pang. Benigno Aquino III at sa OWWA.

Garry Martinez (pinaka-kanan) at iba pang kasapi ng Migrante, matapos dahasin ng mga guwardiya sa 1st National Congress of OFWs and Families (Contributed Photo)

Sa nasabing kongreso, inilunsad ng OWWA ang P2-Bilyong Reintegration Program, kung saan pauutangin ng gobyerno ang mga OFW na bumalik ng bansa. “The program offers different enterprises flexible and easy loan term payments for its OFW availees.  This is in support of the President’s desire to give sustainable businesses to the OFWs and their families,” pahayag ng OWWA.

Isang joint venture ng Department of Labor Employment, OWWA, Land Bank of the Philippines, at Development Bank of the Philippines, magmumula ang pondo ng nasabing programa sa membership fee na ibinabayad ng mga OFW sa OWWA.

Ngunit ayon kay Martinez, “Pambabalahura iyon sa amin. Pera namin iyon eh…Ang OFW na ang siningil, sila pa rin ang pagbabayarin sa pautang na galing mismo sa kanilang pagod at pawis.”

Dagdag pa ng lider-migrante, hindi sinosolusyunan ng pautang ang kawalan ng trabaho sa bansa, na siyang nagtutulak sa mga Pilipino na mangibang-bansa.

Bagaman imbitado ang Migrante sa kongreso ng OWWA, pinili ng mga kasapi nito na irehistro ang kanilang pagtutol sa programang pautang at sa OWWA Omnibus Policies (OOP) na umano’y lalong nagpahirap sa mga OFW.

Simula nang maipatupad ang OOP noong 2003, naging per contract na lamang ang pagiging miyembro sa OWWA, sa halip na lifetime. Nabawasan din ang mga serbsiyo para sa mga OFW sa ilalim ng General Financial Assistance Program.

Dagdag pa ng Migrante, sa halip na “trust fund” ay naging “investment fund” ang pondong inilalagak ng mga OFW sa OWWA. Dahil dito, naging bulnerable ang pondo  sa korupsiyon.

“Kahit ano na lang pwedeng i-‘charge to OWWA’, kahit na wala namang kinalaman sa kapakanan ng OFWs,” paliwanag ni Martinez.

Ang maling paggamit sa pondo ng OWWA ang isa sa mga isyung bibitbitin ng Migrante sa inaasahang malakihang protesta sa State of the Nation Address ni Aquino.