Desisyon ng Korte Suprema sa Hacienda Luisita muling ipinagpaliban


Hindi dumating kahapon ang matagal nang pinakahihintay ng mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita; ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng pagkansela sa stock distribution option (SDO) na magbibigay-daan sa pamamahagi ng 6,543 ektaryang asyendang pag-aari ng pamilya ni Pangulong Aquino. Matapos ang buong araw na paghihintay sa labas ng tanggapan ng kataas-taasang hukuman, umuwing puno […]

Kinalampag ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang gate ng Korte Suprema matapos mapag-alaman nilang away pa rin ng korte na ilabas ang desisyon kaugnay ng pamamahagi ng lupain ng Luisita. (Soliman A. Santos)
Kinalampag ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang gate ng Korte Suprema matapos mapag-alaman nilang ayaw pa rin ng korte na ilabas ang desisyon kaugnay ng pamamahagi ng lupain ng Luisita. (Soliman A. Santos)

Hindi dumating kahapon ang matagal nang pinakahihintay ng mga manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita; ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng pagkansela sa stock distribution option (SDO) na magbibigay-daan sa pamamahagi ng 6,543 ektaryang asyendang pag-aari ng pamilya ni Pangulong Aquino.

Matapos ang buong araw na paghihintay sa labas ng tanggapan ng kataas-taasang hukuman, umuwing puno ng pagkadismaya ang mga manggagawang-bukid para lamang muling maghintay.

Ayon kay Midas Marquez, tagapagsalita ng Korte Suprema, hindi nakapagbotohan ang korte kaugnay ng isyu matapos magpasa ng magkakaibang opinyon ang apat sa mga hukom. Idinagdag niya na muling itinakda ang botohan sa Hunyo 21.

“Sa pagpapaliban ng kanilang desisyon, lalo lamang pinatatagal ng Korte Suprema ang kahirapan ng mga manggagawang-bukid. Lalo lamang nitong pinatatagal ang panliligalig sa aming hanay,” ayon kay Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers Union (ULWU).

Idinagdag ni Bais na sa pagkaantala ng desisyon, binibigyang pagkakataon ng korte ang mga Cojuangco-Aquino na magmaniobra sa loob ng Hacienda Luisita. “At ngayon, mukhang umaabot na sa Korte Suprema ang pagmamaniobra ng pamilya ni Pangulong Aquino,” sabi niya.

Anim na taon nang hinihintay ng mga manggagawang-bukid ang desisyon ng Korte Suprema matapos ipag-utos ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) ang pagkansela sa SDO noong 2005. Ipinag-utos ng PARC na kanselahin ang SDO at ipamahagi na ang Hacienda Luisita sa mga manggagawang-bukid matapos ang madugong pangmamasaker sa welga ng mga manggagawang-bukid noong Nobyembre 16, 2004. Hinarang naman ito ng Hacienda Luisita Inc. sa pamamagitan ng temporary restraining order (TRO) na umabot hanggang sa kasalukuyan.

Panibagong referendum?
Nagpahayag naman ng pangamba si Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), sa mga impormasyong kumakalat na hindi talaga magdedesisyon ang korte sa isyu, partikular sa pagkansela sa SDO, kundi papabor sa panukala ng mga Cojuangco-Aquino na magsagawa ng isang referendum sa loob ng Hacienda.

Idinagdag niya na ang pagkabigo ng Korte Suprema na magdesisyon sa isyu na pabor sa mga Cojuangco-Aquino ay hindi magwawakas sa deka-dekadang usapin sa lupa sa Hacienda Luisita kundi magpapaapoy pa sa pakikibakang agraryo.

Samantala, iginiit ni Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), na dapat nang magdesisyon ang korte para alisin na ang TRO at paboran ang mga magsasaka, “kung hindi, lalabas na kinukunsinti ng Korte Suprema ang pang-aapi at pagsasamantala,” aniya pa.

Sinabi pa ni Canlas na ipagpapatuloy nila ang laban maging anuman ang maging desisyon ng korte. Tiniyak din ni Canlas na ipagpapatuloy ng mga manggagawang-bukid ang kanilang ‘bungkalan’ kahit pa walang desisyon ang korte.

Simula nang mabimbin ang desisyon ng korte, nagsagawa na ng bungkalan ang mga manggagawang-bukid sa asyenda at nagtatanim ng palay at mga gulay sa malawak na lupain na dati’y tinatamnan lamang ng tubo.