Hacienda Tinang, ipapamahagi na sa mga magsasaka


Inabot ng humigit-kumulang 30 taon ang laban ng mga magsasaka para mapasakanila ang nasa 68 ektaryang lupain na dating pagmamay-ari ng Dominican Province of the Philippines.

Matapos ang urong-sulong ng Department of Agrarian Reform Tarlac (DAR Tarlac), nakatakda na ang pagbibigay ng mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa may 90 benepisyaryo sa Hacienda Tinang sa bayan ng Concepcion sa Mayo 8.

Napinal ang petsa ng pamamahagi ng CLOA at pagtatalaga ng apat na bisor matapos ang isang diyalogo kay Undersecretary Napoleon Galit sa DAR Central Office sa Quezon City noong Abril 15.

Inabot ng humigit-kumulang 30 taon ang laban ng Malayang Kilusang Samahang Magsasaka ng Tinang (Makisama-Tinang) para mapasakanila ang nasa 68 ektaryang lupain na dating pagmamay-ari ng Dominican Province of the Philippines.

Ilang beses ding nabalam ang pamamahagi ng lupa sa mga benepisyaryo dahil sa sabwatan umano ng DAR Tarlac at pamilyang Villanueva na kumakamkam sa lupain at mga politiko rin sa nasabing bayan.

Dumulog sa DAR Central Office ang Makisama-Tinang dahil sa sabwatan ng DAR Tarlac at pamilyang Villanueva na pumipigil sa pamamahagi ng lupa kahit malinaw na mga benepisyaryo sila ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

“Matagumpay man ang huling paghaharap, walang dahilan para makampante,” ani Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA) national president Ariel Casilao.

“Tandaan natin, 1995 pa sila unang naging [benepisyaryo]. Kung nasabotahe na sila noon ng mismong mga burukrata ng gobyerno, maaari pa rin silang masabotahe ngayon,” sabi pa ni Casilao.

Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura/Facebook

Patuloy din ang panawagan ng mga grupo ng magsasaka sa Central Luzon na ipamahagi na ang mga lupang sakahang matagal na nilang tinatamnan at malaon ng bahagi ng programa sa reporma sa lupa.

Dagdag ni Casilao, ipinapakita lang ng ganitong kalakaran na hungkag ang programa ng gobyerno sa reporma sa lupa dahil sa hindi epektibong pamamahagi at pangingialam ng mga mangangamkam at armadong puwersa ng estado sa lehitimong paggigiit ng mga magsasaka para sa sariling lupa.

Muling napukaw ang atensiyon ng publiko sa laban sa lupa ng mga magsasaka sa Hacienda Tinang noong Hun. 9, 2022 nang marahas na arestuhin ng pulisya ng Tarlac ang 83 magsasaka at tagasuporta nila habang nagsasagawa ng bungkalan.

Isinasagawa noon ng mga magsasaka sa Tinang kasama ang iba’t ibang grupong sumusuporta sa kanila ang bungkalan bilang tugon sa kagutuman dahil sa pandemyang Covid-19 nang biglang nanghimasok, nangdahas, nang-red-tag at nang-aresto ang pulisya. Ilan sa mga inaresto, menor de edad pa.

Nangyari ang pag-aresto sa utos ng noo’y Tarlac 3rd District Representative at ngayo’y Concepcion Mayor Noel Villanueva.

Ayon sa UMA, ito ang pinakamalaking mass arrest mula noong panahon ng batas militar. Labag din umano sa joint circular ng DAR, Department of the Interior and Local Government at Department of National Defense ang panghihimasok ng pulisya.

Sinampahan ng limang gawa-gawang kaso ang 83 inaresto, kabilang si dating Makisama-Tinang chairperson Felino Cunanan Jr. na pumanaw dahil sa atake sa puso noong Nob. 6, 2022.

Naibasura man ang dalawa sa limang kaso, nagsampa naman ang pulisya ng karagdagang mga kaso ng human trafficking at child exploitation laban sa mga sinasabi nilang “lider” sa lugar.

Patuloy din ang kontrol ng pamilyang Villanueva sa may 200 ektaryang lupain sa Tinang sa pamamagitan ng kanilang pekeng kooperatiba para makialam at pigilan ang pamamahagi ng lupang sakahan sa mga benepisyaryo.