Pangangamkam ng lupa sa Isabela isiniwalat


Isiniwalat ng isang internasyunal na grupo ang malawakang pangangamkam ng lupa sa komunidad ng mga magsasaka sa San Mariano, Isabela matapos itong magsagawa ng isang International Fact Finding Mission (IFFM) noong Mayo 29 hanggang Hunyo 3. Sa presentasyon ng grupo noong Hunyo 7 sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, kinumpirma nito ang ulat ng naunang fact finding […]

Isiniwalat ng isang internasyunal na grupo ang malawakang pangangamkam ng lupa sa komunidad ng mga magsasaka sa San Mariano, Isabela matapos itong magsagawa ng isang International Fact Finding Mission (IFFM) noong Mayo 29 hanggang Hunyo 3.

Sa presentasyon ng grupo noong Hunyo 7 sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, kinumpirma nito ang ulat ng naunang fact finding mission na isinagawa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), DAGAMI at Rural Missionaries of the Philippines (RMP) noong Pebrero 22-23, 2011 tungkol sa proyektong bio-ethanol ng kompanyang Green Future Innovations, Inc. (GFII) at Eco-Fuel Land Development Inc sa naturang lalawigan.

Ayon sa IFFM, nangangamba ang mga residente sa malawakang pangangamkam ng lupa, miltarisasyon at pagpapaunlad sa agro-industriyal na nagsisilbi sa interes ng mga korporasyong agribusiness. Dahil sa pangangailangan ng lupa para tamnan ng tubo ng GFII, nawawalan na umano ng lupa ang mga lokal na magsasaka na nagtatanim ng mais, palay, prutas at gulay na siya nilang ikinabubuhay.

Ang operasyon ng GFII ay inaasahang magtatapos sa Marso 2012. Sasaklaw ito sa 11,000 ektaryang lupaing agrikultural at kagubatan na paglalagyan ng plantasyon na itinuturing na magiging pinakamalaking proyektong bio-fuel sa bansa.

Kabilang sa internasyunal na delegasyon ng IFFM sina Jill Richardson ng Organic Consumers Association (USA), Simone Lovera ng Global Forest Coalition (Paraguay), Yasuo Aonishi ng Action Center for Development and Rights (Japan), Hozue Hatae ng Friends of the Earth (Japan), Tanya Roberts ng Philippine Solidarity Network (Canada), at nina Feny Cosico ng Agham, Edna Maguigad ng Searice, Cesar Arellano ng Sentra, Danilo Ramos at Wilfredo Marbella ng KMP, Rhoda Gueta ng Asian Peasant Coalition (APC), Cita Managuelod at Diony Yadao ng DAGAMI mula naman sa Pilipinas.

Sinabi ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP at APC, malaking bahagi ng 11,000 ektarya sa Isabela na target para sa plantasyon ay inookupa at linilinang ng libu-libong magsasaka sa San Mariano at kalapit na mga bayan. Karamihan din umano sa kanila ay benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at mga katutubo na may karapatan sa kanilang lupaing ninuno.

Idinagdag ni Ramos na naging saksi sila kung paano sinasamantala ng ilang tao, kasapakat ang ilang opisyal ng pamahalaan ang kawalan ng kaalaman ng mga magsasaka at katutubo sa pagtititulo ng lupa. Batay sa kanilang pakikipag-usap sa mga taga-San Mariano, mahalaga umanong bigyang-pansin na ang pagpasok ng proyektong bio-ethanol ay nangangahulugan ng higit pang pangangamkam ng lupa at panlilinlang. “Lalo na’t ang karamihan ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na hawak ng mga magsasaka ay iniilit na ng Land Bank,” sabi pa ni Ramos.

Ayon naman kay Yadao, tagapangulo ng DAGAMI-San Mariano, aabot sa 80-90 kaban ng palay kada ektarya sa lupang may irigasyon at 60 kaban kada ektarya ng upland rice ang potensyal na ani sa target na 11,000 ektaryang propyekto. “Kung magpapatuloy ito, mababawasan ang produksiyon ng pagkain ng mga komunidad at magdudulot ng pagkakalbo ng gubat dahil maghahanap na naman ng bagong lupang masasaka ang mga magsasaka para lamang may makain,” aniya pa.

Inireklamo rin ng mga taga-San Mariano ang pagdagsa ng militar sa kanilang lugar. Aniya, nagtayo na ng kampo ang mga sundalo sa kanilang barangay. Nagpetisyon na umano ang mga residente para paalisin ang mga militar sa matataong lugar tulad ng eskwelahan at barangay hall pero wala umanong nangyari.

Nangangamba ang mga residente dahil hinaharas umano sila ng mga sundalo, kabilang rito ang pagbibintang na kasapi sila ng grupong maka-Kaliwa kapag nalamang tutol sila sa itinatayong plantasyon.

Batay sa resulta ng IFFM, nanawagan ang grupo sa Kongreso, Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Agriculture (DA) na agad umaksiyon para dinggin ang panawagan ng mga magsasaka at katutubo na igalang kanilang karapatan sa lupa, wakasan ang pangangamkam at maanomalyang pagtititulo sa kanilang mga lupa at itigil ang proyektong bio-fuel sa Isabela gayundin ang militarisasyon.