Atake sa pondo sa serbisyo


Habang papalaki ang inilalaan sa pambayad-utang at militar, papaliit naman ang pondong para sa serbisyong panlipunan. Ito ang dikta ng IMF-WB na sinusunod ni PNoy.

Nagprotesta ang mga kabataang estudyante para sa sapat na badyet sa serbisyong panlipunan, suot ang mga costume na ala-Harry Potter. (Darius Galang)
Nagprotesta ang mga kabataang estudyante para sa sapat na badyet sa serbisyong panlipunan, suot ang mga costume na ala-Harry Potter. (Darius Galang)

Pinipilit ng mga administrador sa mga pampublikong pamantasan at kolehiyo tulad ni Presidente Alfredo Pascual ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na maging optimistiko hinggil sa badyet ng kanilang mga institusyon.

“Kailangang makumbinsi ang pambansang gobyerno na mabuting maglaan ng pondo para sa UP,” sabi ni Pascual, sa isang diyalogong inilunsad ng administrasyon ng UP sa mga mamamahayag na dinaluhan ng Pinoy Weekly noong Mayo 2011.

Gayunman, inamin ni Pascual na polisiya ng gobyerno ang pagkaltas ng badyet ng edukasyon at mga batayang serbisyong panlipunan.

Pinagkakaitan ng pondo

Nitong nakaraang Hunyo, naging isyu sa UP ang mas istriktong implementasyon ng isang iskema para sa tuition and financial assistance ng pamantasan na ayon sa mga estudyante ay dumudulo sa mistulang pagtaas ng matrikula sa UP.

Isa lamang ito sa mga paghihigpit ng sinturon ng state universities and colleges (SUC), at pinaka-apektado ang mga estudyante. Bunsod ng patuloy na pagbaba ng subsidyo ng pamahalaan ang pagtaas ng matrikula, pati na rin ang pagdadagdag ng iba’t ibang bayarin. At kung ang UP ay nagtitipid sa batayang serbisyo at nagdadagdag pa ng ibang bayarin, ano pa ang nararanasan ng ibang SUC?

Naranasan ng iba pang mga SUC gaya ng Polytechnic University of the Philippines, Philippine Normal University at Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology ang pagkaltas sa subsidyong matatanggap nila sa pamahalaan. Kaya naman iba’t ibang paraan upang kumita ang ginagawa ng mga ito, tulad na lamang ng pagtataas ng matrikula sa mga ito. At sa gitna ng patinding krisis pang-ekonomiya, dinagdagan pa ito ng iba’t ibang mga bayarin sa paaralan.

Kapos ang badyet hindi lamang sa mga SUC, kundi kahit sa dapat mas pinaprayoritisa na batayang edukasyon. Ngayong taon, inamin ng administrasyong Aquino na kulang ng 100,000 guro, 150,000 klasrum, 13.5 milyong upuan at 95.5 milyong teksbuk. Sa kabila ito ng implementasyon ng “programang K+12,” na naglalayong pahabain nang dalawang taon ang primary at secondary education sa bansa.

Kapos panggastos sa kalusugan

Hindi lamang edukasyon ang kinaltasan ng badyet para sa taong 2011. Kasabay ng pagkaltas ng 26 porsiyento ng badyet ng mga SUC, kinaltasan din ng 3.5 porsiyento ang badyet para sa mga serbisyong pangkalusugan, mula sa P40-Bilyon noong 2010 tungong P38.6-B ngayong taon.

Kinaltasan din ang badyet sa agrikultura ng 26 porsiyento; badyet sa enerhiya ng 65 porsiyento; at badyet sa transportasyon ng 5 porsiyento.

Bumaba rin ang badyet ng Department of Foreign Affairs na nakalaan para sa legal assistance sa Overseas Filipino Workers. Mahigit 50 porsiyento ang kinaltas sa badyet nito, mula P200-M patungong 109.3-M.

Samantala, sa kabila ng kakulangan ng sapat na abot-kayang tirahan para sa mga maralita, pinangunahan pa ng National Housing Authority (NHA) ang mga demolisyon at tangkang demolisyon sa mga lugar tulad ng North Triangle sa Quezon City at Diosdado Macapagal Tenement sa Tondo, Manila. (Basahin ang kaugnay na artikulo hinggil sa demolisyon.)

Ipinagpapatuloy naman ni Aquino ang paglaan ng pinakamalaking bahagi ng badyet sa bayad-utang panlabas at militar. Aabot sa P823.27-B ang pambayad utang ng gobyerno, kung isasama sa pambayad-interes ang pinambabayad sa principal amortization ng mga utang. Ibig sabihin, aabot ng 38.9 porsiyento ng pambansang badyet nito ang inilaan ni Aquino sa pambayad-utang.

Lumobo naman sa 81% (P104.5-B mula sa P57.67-B) ang badyet ng militar. Sa kabila ng masamang rekord ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagrespeto sa karapatang pantao sa pagkondukta nito ng programang kontra-insurhensiya, tinaasan naman ng badyet ni Aquino ang militar at pulisya.

Bakit patuloy na kinakaltasan ng administrasyong Aquino ang badyet sa mga serbisyong panlipunan?

Sa kabila ng mga pangako nitong “pagbabago” sa paggogobyerno, tali pa rin si Aquino sa programang neoliberal bilang landas para sa ekonomiya. Ang programang ito, siyempre, ay itinutulak ng mga institusyong tulad ng IMF at World Bank, na pumupuno sa kakulangan ng pondo ng gobyerno sa badyet nito. Kapalit ng pagpapautang ang structural adjustment programs na, sa kadulu-duluha’y papabor sa mga korporasyong gustong magnegosyo sa Pilipinas, o iyung tinaguriang monopolyo-kapitalista.

Kongkretong manipestasyon ng pagpabor na ito ang tinagurang private-public partnerships na papasok sa pagnenegosyo ng mga serbisyong pampubliko.

Sa madaling salita, hindi makakaasa ang mga tulad ni UP Pres. Alfredo Pascual, ang mga SUC, at ang kabataang Pilipino – at ang mamamayang Pilipino – na biglang gigising na lamang si Aquino at makukumbinsing paglaanan ng sapat na pondo ang serbisyong panlipunan.