Istorya ng Linggo

Iba’t ibang tinig sa iisang himig ng pakikibaka


Pagkakaisa laban sa imperyalismo at tiraniya, at para sa karapatan at kaunlaran ng mga mamamayan ng mundo ang nilayong mabuo ng mga aktibista mula sa iba’t ibang panig ng daigdig na dumalo sa ikaapat na pandaigdigang asembliya ng International League of Peoples’ Struggles o ILPS.

Mga delegado't personalidad ng International League of Peoples' Struggle o ILPS: Pagkakaisa sa paglaban sa imperyalismo at tiraniya sa mundo. (Raymund Villanueva)
Mga delegado't personalidad ng International League of Peoples' Struggle o ILPS: Pagkakaisa sa paglaban sa imperyalismo at tiraniya sa mundo. (Raymund Villanueva)

SAN MATEO, RIZAL – Iba’t ibang kulay, iba’t ibang tinig, pero iisa ang himig: Mabuhay ang internasyunal na pagkakaisa! Ito ang sigaw ng mga mamamayan mula sa 40 bansa sa Asya, Gitnang Silangan, Latin America, Africa, Canada, US at Europe sa ika-apat na asembliya ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) na ginanap sa bayang ito ng Rizal mula Hulyo 7 hanggang 9.

Mahigit 500 aktibistang internasyunalista ang nagkapit-bisig para sa samu’t saring pakikibaka ng mga mamamayan ng daigdig laban sa pagsasamantala at pang-aapi sa buong mundo.

Sa gitna ng lumalalang pandaigdigang krisis at kahirapan, naging positibo ang naturang asembliya sa tema nitong “Magtayo ng magandang kinabukasan! Pakilusin ang mga mamamayan para tutulan ang pagsasamantala at pang-aapi sa harap ng depresyon, terorismo ng estado at gera ng panghihimasok!”

Malcolm Guy, pangkalahatang kalihim ng ILPS. (Soliman A. Santos)
Malcolm Guy, pangkalahatang kalihim ng ILPS. (Soliman A. Santos)

Ayon kay Malcolm Guy, aktibista, manggagawang pampelikula mula sa Canada at pangkalahatang kalihim ng ILPS, walang panahong dapat sayangin. Hinimok niya ang mga kasapi ng liga na magpalawak at konsolidahin ang kanilang mga gawain kasabay ng pagpapakilala sa mga bagong miyembrong organisasyon ng ILPS sa Canada at Latin America.

Idinagdag niya na pinatutunayan lamang ng mga pag-aalsa sa Tunisia, Egypt at iba pang bansa na dumarami ang bilang ng mga maka-mamamayan at anti-imperyalista sa buong mundo na siyang dapat ugnayan ng ILPS.

“Ito ang tanging paraan para malabanan natin ang imperyalistang opensiba at ang mapangwasak nitong ‘gera sa terorismo’ at pagkiriminalisa sa paglaban,” sabi ni Guy, sa wikang Ingles.

Liga laban sa imperyalismo

Ang ILPS ay isang internasyunal na liga na binubuo ng hindi bababa sa 350 organisasyong masa na nagkaikaisa sa pakikibaka laban sa imperyalismo at para sa pambansa at panlipunang paglaya.

Pinalalaganap at sinusuporthan ng ILPS ang anti-imperyalista at demokratikong mga pakikibaka ng mga mamamayan ng daigdig. Nais nitong maisakatuparan ang pagkakaisa, kooperasyon at pag-uuganayan ng mga pakikibakang ito. Itinatag ang liga noong Mayo 2001 sa Zupthen, the Netherlands.

Lumalalang krisis ng sistemang kapitalista

Wahu Kaara, tanyag na aktibista sa Kenya at dating nominado para sa Nobel Peace Prize. (Soliman A. Santos)
Wahu Kaara, tanyag na aktibista sa Kenya at dating nominado para sa Nobel Peace Prize. (Soliman A. Santos)

Sa ulat sa pamamagitan ng video ni Prop. Jose Maria Sison, kasalukuyang tagapangulo ng International Coordinating Committee (ICC)  ng ILPS, binigyang-diin niya ang lumalakas na paglaban ng mga mamamayan at mga bansa sa tinawag niyang “lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.”

Inihapag din ni Sison ang tagumpay na natamo ng ILPS sa loob ng 10 taong pag-iral nito kabilang ang pampulitikang pag-aaral, paglaganap ng kasapian at mga pagkilos na pinangunahan ng liga.

Sinabi niya pang natugunan ng liga ang mahahalagang isyu tulad ng pagbagsak ng mga ekonomiya, pampublikong utang at pagbawas sa serbisyong panlipunan, ang pagkabangkarote ng neoliberal na globalisasyon at mga gera ng panghihimasok tulad ng nagaganap sa Afghanistan at Iraq.

Pinasin din niya ang paglulunsad ng welga at protesta ng mga kababaihan, kabataan, migranteng manggagawa at iba pang sektor sa France, Italy, Spain, Greece, Ireland at Portugal.

“Ang pinakanatatanging rebolusyonaryong armadong pakikibaka ay yaong ginagawa ng mga mamamayan ng Iraq at Afghanistan laban sa panghihimasok ng US sa kanilang mga bansa, ang mamamayang Palestino laban sa Zionist Israel na suprotado ng US, ang mga mamamayan ng Columbia, Peru, Pilipinas, India, North Kurdistan, Nigeria at iba pang bansa para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong US at lokal na mga reaksyunaryo,” ani Sison.

Pinuri din niya ang kakayahan ng mga bansang Democratic People’s Republic of Korea (DPRK), China, Cuba, Venezuela at Bolivia na igiit ang kanilang kasarinlan at lumaban sa US at iba pang imperyalistang bansa kaugnay ng mahahalagang isyu.

Kabilang naman sa mga gawaing inihanay niya para sa ILPS ang mga sumusunod: mga pag-aaral, seminar at kumperensiya sa mahahalagang isyu, pagpapalaganap ng kasapian sa Africa, Latin America, Central Asia, South Asia at Eastern Europe; at pagtutulungan ng mga kilusang pagpapalaya, organisasyon, institusyon at mga alyansa para makapagpakilos ng mga mamamayan.

Sinabi rin niyang “kumikilos ang malawak na bilang ng mga mamamayan ng daigdig tungo sa direksiyon ng bago at mas mainam na daigdig.”

Delegasyon mula Ecuador. (Soliman A. Santos)
Delegasyon mula Ecuador. (Soliman A. Santos)

Isyu ng mamamayan ng daigdig

Sa kabuuan ng pagtitipon, tinalakay ng mga delegado ang mga isyung kinakaharap ng mga mamamayan ng daigdig tulad ng migrasyon, karapatang pantao, karapatan sa paggawa, pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka, karapatan ng kababaihan, kabataan, katutubong mamamayan, propesyunal, gayundin ang usapin ng sining, kultura at midya.

Kabilang sa mga nagbahagi ng kanilang karanasan sa pakikibaka sina Wahu Kaara mula sa Kenya, isang tanyag na kampanyador para sa katarungang panlipunan. Kasama niya si si Mamdou Habashi ng African and Arab Reaserch na nagbahagi ng pakikibaka ng mga mamamayan ng Egypt, Gitnang Silangan at North Africa.

Nagsalita rin si O Ryong Il ng Korean Committee for Solidarity with the World People kaugnay ng kasalukuyang kalagayan sa Korean Peninsula kung saan nag-uudyok ng gera ang US laban sa DPRK.

Samantala, tinalakay naman ng mga bansang Europeo tulad ng Ireland, Greece, France at Spain ang kanilang mga pakikibaka laban sa anti-manggagawa at anti-mamamayang polisiya dulot ng pandaigdigang depresyon.

Para sa mga mamamayan ng iba’t ibang bansa, tunay na naging daan ang naturang asembliya sa pagbabahaginan ng iba’t ibang opinyon at ideya mula sa iba’t ibang lahi at lipunan na nagsama-sama para pagkaisahin ang kanilang mga pakikibaka para sa kalayaan at sa pagsasakatuparan ng pangako ng isang tunay na pagbabago.