Istorya ng Linggo

Komunidad ng LGBT nagparada kontra diskriminasyon, para sa pagkilala


Sa araw na ginugunita ang Stonewall Riots sa New York 42 taon na ang nakararaan, nagmartsa ang mga miyembro ng LGBT community sa UP Diliman at Baguio kamakailan para ipagdiwang ang kanilang identidad at ipaglaban ang kanilang karapatan at labanan ang diskriminasyon.

Martsa ng mga miyembro ng LGBT community sa Baguio City noong Hunyo 26. Nakilahok sa martsa at nakiisa sa ipinaglalaban ng LGBT community si Bayan Muna Rep. Teddy Casino. (Kontribusyon)
Martsa ng mga miyembro ng LGBT community sa Baguio City noong Hunyo 26. Nakilahok sa martsa at nakiisa sa ipinaglalaban ng LGBT community si Bayan Muna Rep. Teddy Casino. (Kontribusyon)

Nagparada ang mga lesbiyana, bakla, bisexual at transgender (LGBT) sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman upang gunitain ang ika-42 taon ng Stonewall Riot na kinikilalang nagpasimula sa pandaigdigang kilusan para sa karapatan ng mga LGBT.

Stonewall Riot ang serye ng espontanyo at mararahas na komprontasyon laban sa reyd na isinagawa ng mga pulis sa Stonewall Inn, Greenwich Village sa New York noong Hunyo 28, 1969.

Sa pangunguna ng University Student Council ng UP, ang parada ay naglayon umanong itaas ang kamalayan ng mga mamamayan sa mga isyung kinakaharap ng LGBT tulad ng hate-crime, same sex marriage at diskriminasyon sa mga institusyong akademiko.

“Minamarkahan nito ang pagpapatuloy ng pakikibaka namin laban sa mardyinalisasyon na ang batayan ay ang seksuwalidad,” pahayag ng grupo.

Ipinanawagan rin ng grupo ang kagyat na pagsasabatas ng Anti-Discrimination Bill na panukalang batas ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino.

Samantala, pinangunahan naman ng Baguio Pride Network ang parada ng mga LGBT sa Baguio City kamakailan.