Pandaigdigang kumperensiya sa pakikibaka ng mamamayan, isinagawa sa Maynila

July 6, 2011

Bilang paggunita ng mga pakikibaka sa gitna ng palalang krisis pandaigdigan, ginanap ang International Festival of People’s Rights and Struggles (IFPRS) noong Hulyo 4-6 sa Maynila.

Naging layunin ng IFPRS ang paggunita sa nagdaang mga kaganapan sa iba’t ibang panig ng mundo na nagpakita ng palalang kalagayan ng pandaigidgang situwasyon, tulad ng mga naranasang food riot sa Algeria, Morocco, at Chile, at mga kilos protesta laban sa mga austerity measure tulad sa Pilipinas, at sa Greece, France, at iba pang bansa sa Europa.

Naging pagkakataon din ang IFPRS para makapagpalitan ng kani-kanilang karanasan ang mga kalahok na magmula sa iba’t ibang bansa, at upang bigyang-pugay din sa mga tagumpay at aral mula sa pakikibaka ng sambayanan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Inilunsad ang programa noong Hulyo 4 sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City. Pinangunahan ng tanyag na progresibong mga personalidad ang pambungad na mga talumpati kasama na rin ang panel ng mga eksperto sa karapatang pantao at pakikibaka. Susundan ito ng iba’t ibang mga kaganapan sa mga piling lugar sa naturang kampus.

Kasama sa mga organisador ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Concerned Artists of the Philippines, Habi Arts, Ibon Foundation, International Migrants Alliance (IMA), International Women’s Alliance (IWA), League of Filipino Students, Peace for Life, Peoples’ Action Network, People’s Coalition on Food Sovereignty (PCFS), People’s Movement on Climate Change (PMCC), RESIST, at ng UP College of Mass Communication.

Halos kasabay naman ng IFPRS na naganap ang unang Agitprop International Film Festival, na pista ng mga pelikulang nagpapakita ng mga pakikibaka sa daigdig.

Ginanap din sa naturang panahon ang makasaysayang mga asembliya ng IMA at IWA.

Isang International Conference on Progressive Culture naman ang inilunsad para tipunan ang iba’t ibang manggagawang pangkultura at artista sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Sunod na gaganapin ang asembliya ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) sa Hulyo 7-8.

Narito ang ilang larawan ng pagbubukas ng IFPRS sa UP Diliman nitong Hulyo 5 ng umaga. Mga kuha ni Kyle Hamilton, isang Canadian na litratista at delegado sa ICPC.

Pangkulturang presentasyon ng mga katutubo mula sa Kordilyera. (Kyle Hamilton)

Pangkulturang presentasyon ng mga katutubo mula sa Kordilyera. (Kyle Hamilton)

Dramatikong presentasyon ng mga pakikibaka ng sambayanan sa Pilipinas. (Kyle Hamilton)

Dramatikong presentasyon ng mga pakikibaka ng sambayanan sa Pilipinas. (Kyle Hamilton)

Kuha ni Kyle Hamilton

Kuha ni Kyle Hamilton