Migrante

Direktiba ng DFA para sa naiipit na OFWs sa Syria, hinahanap


Hindi lamang pagtataas ng alarm level, kundi kongkretong mga direktiba mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang hinahanap ng libu-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) na naiipit sa gulo sa Syria. Itinaas na ng DFA ang Alert Level 3 sa Homs, Latakia at Daraa sa Syria, sa gitna ng malawakang crackdown ng gobyerno ng Syria […]

Hindi lamang pagtataas ng alarm level, kundi kongkretong mga direktiba mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang hinahanap ng libu-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) na naiipit sa gulo sa Syria.

Itinaas na ng DFA ang Alert Level 3 sa Homs, Latakia at Daraa sa Syria, sa gitna ng malawakang crackdown ng gobyerno ng Syria sa mga mamamayang nagpoprotesta. Tinatayang may 17,000 na OFW sa Syria, na mahigit 15,000 ay kababaihan.

“Hindi sapat na itaas lamang ng DFA ang alert level at iutos ang voluntary repatriation. Ano ang dapat gawin ng ating mga OFW? Sino ang kanilang tatawagan, saan sila pupunta? Gayundin sa mga pamilya nila dito–sino ang kanilang lalapitan para malaman ang kalagayan ng kanilang mga kaanak?” tanong ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International.

Inilinaw ni Martinez na ang embahada at konsulado ng Pilipinas sa Syria ay nasa Damascus, na daan-daang kilometro ang layo mula sa apektadong mga lugar.

“Gobyerno raw ang sasagot sa pamasahe ng mga gustong umuwi. Pero ano ang gagawin ng mga opisyal sa embahada at konsulado, maghihintay lang ba silang dumating sa kanila ang mga kababayan nating naipit sa gulo?” ani Martinez.

Nangangamba ang grupo na mauulit ang sitwasyon na dinanas ng OFWs sa Libya noong Marso. Nang pumutok ang gulo sa Libya, na-stranded ang maraming Pilipino sa malalayong lugar, na nagkanya-kanya ng diskarte para makarating sa border kung saan naghihintay lamang ang mga opisyal ng embahada.

Sinabi rin ni Martinez na may malinaw dapat na direktiba at suporta ang DFA para sa di-dokumentadong OFWs at OFWs na hindi miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Sa 17,000 na Pilipino sa Syria, daan-daan lamang ang nakarehistro sa OWWA, ayon sa Migrante.

Samantala, nananatili umanong bukas ang Middle East-North Africa Sagip Migrante Hotlines. Maaaring kontakin ng OFWs at kanilang mga pamilya ang Migrante sa 0932-3995952 o menacrisiscenter.migrante@gmail.com. Agad na ibinabato ng grupo ang lahat ng mga tanong, ulat, o reklamong natatanggap sa kaukulang ahensiya ng gobyerno.