Detenidong artista umaawit para sa kalayaan


Nagsusulat din at umaawit ang detenidong manggagawang pangkulturang si Ericson Acosta — para sa kalayaan.

Ericson Acosta (Larawan mula sa Free Ericson Acosta Campaign)
Ericson Acosta (Larawan mula sa Free Ericson Acosta Campaign)

Sa tradisyon ng nabilanggong mga alagad ng sining tulad nina Francisco Balagtas, Jose Rizal, at Amado V. Hernandez, nagsusulat din at umaawit ang detenidong manggagawang pangkulturang si Ericson Acosta — para sa kalayaan.

Kasama ni Renato Reyes, Jr, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) nakapagrekord na ng mga awitin si Acosta na tinawag na “Prison Sessions,” na nalikhang lahat habang siya ay nakapiit sa Calbayog Sub-provincial Jail sa Samar.

Si Acosta ay inaresto ng mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Pebrero 13, sa San Jorge, Samar. Laptop lamang dala niya nang panahong iyon pero naging sapat na iyon para dalhin siya sa isang kampo ng militar at isailalim sa interogasyon. Matapos ang dalawang araw, dinala siya sa isang istasyon ng pulis at kinasuhan ng illegal possession of explosives.

Kasalukuyang nakasampa ngayon sa Department of Justice ang inihain niyang petition for review.

Si Acosta ay dating editor sa kultura ng Philippine Collegian, assistant section editor ng Manila Times, at lider kabataan sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ay makata, mandudula, kompositor at mang-aawit.

Kumpara kina Hernandez na nagpupuslit ng kanilang mga manuskrito sa mga piraso ng papel  para maabot ang kanilang mambabasa, inaabot naman ni Acosta ang kanyang tagapakinig sa pamamagitan ng Facebook and Twitter na maaari ring ma-download. Bukod sa rekording, nagba-blog din si Acosta na naglalaman ng kanyang mga sulatin mula sa piitan.

Ang Prison Sessions ay naglalaman ng mga orihinal na kanta tungkol sa iba’t ibang usaping panlipunan. Nagkober din ng ilang kanta si Acosta kabilang ang I read the news ni Binky Lampano, Patay na ang kabayo ng Tambisan sa Sining, Halina ni Jess Santiago at Kailan ng Eraserheads.

“Kay Hirap ng Buhay”

“Pambihira”

“Duyan”

Ito ang ilan sa mga kantang inawit nina Ericson at Nato. Para sa iba pang bidyo ng “Prison Sessions 2,” maaaring bumisita sa kanilang YouTube page.