Pluma at Papel

Isang Kutsaritang Luha


di ko maiiwasang alayan ka / ng isang kutsaritang luha / nang yakapin ka / ng amarilyo’t mahamog na damo / koro lamang ng mga kuliglig / musikang naghatid / sa himlayang dibdib / ng katawang-lupang / nagtigis ng dugo sa pakikibaka / upang maisulong adhika ng masa.

di ko maiiwasang alayan ka
ng isang kutsaritang luha
nang yakapin ka
ng amarilyo’t mahamog na damo
koro lamang ng mga kuliglig
musikang naghatid
sa himlayang dibdib
ng katawang-lupang
nagtigis ng dugo sa pakikibaka
upang maisulong adhika ng masa.

oo, isang kutsaritang luha
sa iyo’y pabaon
ng pusong simbigat ng mundo
muling magbabalik sa higaang papag
mga alaala ng pakikitalad
habang sinisilip kapirasong langit
sa butas na pisngi ng bubong na pawid
at ipinipinta sa telon ng isip
hubad na kariktan
ng isang lipunang walang tanikala
ng dusa’t dalita
hininga’y mabango tulad ng pinipig
sariwang binayo
sa mulawing lusong ng layang sagrado.

oo, isang kutsaritang luha lamang
sa iyong paglisan aking tanging alay
ngunit naroroon
himagsik ng diwang laging naglalamay
at sulak ng dugong laging kumikiwal
upang pagngalitin dahas ng habagat
at wasaking ganap kuta ng bagabag
bulok na imperyo ng mga katalad
sa lupaing kanilang niwakwak
isang kutsaritang luha’y
magiging perlas ding marilag
ng pangarap nating pantay na sosyedad!