Planking bilang Protesta

September 24, 2011

Hindi ko inakalang magiging ganito ka-sikat ang planking. Noong ipinapakilala pa lang ito ng mga kabataang aktibista sa bansa, ang inisip ko, uso lang ito na lilipas din. May reserbasyon pa nga ako dahil pasibo ang itsura, hindi palaban. Tapos mas madalas ay iilan lang ang gumagawa, hindi maramihan. Parang mas indibidwal na kalokohan kaysa sama-samang pagkilos o paglaban. Parang mas pakikiuso kaysa pakikibaka. Peace!

Utang ng planking ang kasikatan nito ngayon sa bansa hindi lang sa mga aktibistang gumawa nito. Kundi sa gobyernong Aquino, partikular kay Edwin Lacierda, tagapagsalita ng pangulo, na nangmaliit dito. Sa mga pulitikong moralista at mapanupil sa mga kabataan at estudyante, tulad ni Kong. Winnie Castelo ng Quezon City. At sa mga kontra-maralita at kontra-aktibistang taong-midya tulad ni Mike Enriquez.

Alam na natin ang istorya: sa protestang bayan at welgang pantransportasyon noong 19 Setyembre, nag-planking ang ilang kabataan sa España Avenue. Kahit pa maraming sentro ng protesta sa Kamaynilaan at buong bansa, minaliit ni Lacierda ang protesta sa España bilang “photo ops lang.” Pinapalabas niyang larawan ng kabuuan ang larawan ng bahagi lang ng kabuuan. Napakaraming “photo ops” lang pala ang araw na iyun.

Pero bago siya, habang nagaganap ang planking, nagwala sa programa niya sa radyo si Enriquez. Kahit pa tuwing red signal lang nag-planking ang mga aktibista, planking ang sinisi niya sa matinding trapik sa kalsada. Kahit pa ang dapat sisihin, sabi ni Terry Ridon, tagapangulo ng League of Filipino Students, ay ang pagsuspinde ng gobyerno sa color-coding scheme – dahil labis itong nangamba na magiging malakas ang protesta.

Nauso ang planking bilang laro o paligsahan ng mga kabataan sa mga bansang abanteng kapitalista. Naghahanap ng mga pinaka-orihinal o pinakakakaibang lugar at doon nagpapa-picture nang nakadapa at tuwid na tuwid. Kadalasan, mga lugar na walang katao-tao ang paligid. Pagkatapos, ilalagay ang larawan sa Facebook o social networking sites. Hinikayat ito ng mga bagong teknolohiya ng kamera at Internet.

Bilang praktika, mas nagpapatawa ito, hindi nagpoprotesta. Mas nang-iisa sa awtoridad, partikular marahil sa mga security guard, nang hindi nagiging banta rito, at hindi talaga direktang kumokontra lalo na sa gobyerno. Ang mga karaniwang lugar ng mga eksena ng dangal, paggalaw at pagmamadali, ginagawang larawan ng pagtigil at katatawanan. Kakaiba itong larawan ng mga tao sa mga social networking sites.

Lagi’t lagi, ang layunin ay makita. May ganyan din namang paligsahan sa Facebook at ibang social networking sites. Kumakain ng ganito, may suot ganyan, kumakain kung saan, nagbabakasyon doon. Ang lahat, nakadireksyon sa pagiging “glamoroso,” na tineorya ni John Berger sa Ways of Seeing [1972]: ang pagiging kainggit-inggit dahil may kung anong mayroon na wala ang iba. At dito, mahalaga ang makita, “being seen.”

Sa isang banda, nagpapatianod dito ang planking, pero lumilihis din. Bagamat gusto rin niyang makita, hindi tradisyunal na “glamoroso” ang dating ng taong naka-planking. Ginagawang tanawin, itinatanghal, ang katawang nakatigil at nakadapa – posisyong hindi “natural” sa lipunan na nagbibigay-halaga sa produktibong paggalaw, sa paggawa, o kung magbigay-halaga man sa hindi paggalaw ay para pa rin paglaon sa paggawa.

“Perwisyo” ang pinawalang pagtingin ng gobyernong Aquino, sa bibig ni Sek. Mar Roxas ng Department of Transportation and Communications, sa kilos-protesta sa araw na iyun. At maagang naghain si Enriquez ng “patunay,” kahit walang batayan. Batay sa paghahanda nito sa pulisya at militar, gusto ng gobyerno na supilin ang mga magpoprotesta at takutin ang publiko. At naghain si Enriquez ng madaling palusot.

Madali kasing naidikit ang planking sa pagpigil sa mga pumapasadang sasakyan kapag welgang pantransportasyon. Pero ang totoo, kapag pinipigilan ang mga pumapasada kapag welga, sa mga terminal iyan, hindi sa gitna ng kalsada. At kung pinipigilan man sa gitna ng kalsada ang mga sasakyang pampubliko, iyan ay para magpaliwanag sa mga tsuper at hikayatin silang huwag nang pumasada, hindi ang pisikal na pigilan sila.

Sabay-eksena si Castelo. Parang hindi pa nasiyahan sa batikos na inabot sa panukalang gawing apat na araw ng pagtatrabaho sa isang linggo, naghain siya ng panukalang batas na patawan ng regulasyon ang planking. Mas malamang, nabahala siya sa dating ng planking na palaban sa gobyerno pero uso sa kabataan, bagong porma ng pagkilos na pwedeng magdala ng mga lumang panawagan. At lalo lang niyang ginalit ang kabataan.

Kahapon, nagmartsa ang libu-libong estudyante at kabataan sa Mendiola para iprotesta ang pagkaltas ng gobyerno sa subsidyo sa mga kolehiyo at unibersidad na pampubliko. Nag-planking sila papunta at nag-planking sila pagdating sa Mendiola. Dahil ginagawa nila ang tinutuligsa at sinisiraan ng mga nasa awtoridad, militante ang dating nila. Dahil marami sila, hindi sila mukhang nagkakatuwaan lang, kundi lumalabag, lumalaban.

24 Setyembre 2011