Rasismo laban sa mga Pinoy sa Libya, pinangangambahan
Nangangamba ang Migrante International sa kaligtasan ng mga Pilipinong nananatili sa Libya, sa gitna ng mga ulat na tinatarget ng mga rebeldeng kontra-Gaddafi ang mga migrante at mga mamamayan mula sa ibang nasyunalidad. “Dapat pabilisin ng gobyerno ang repatriation ng tinatayang 14,000 Pilipino pa sa Libya, at maglabas ng regular na ulat hinggil sa kanilang […]

Nangangamba ang Migrante International sa kaligtasan ng mga Pilipinong nananatili sa Libya, sa gitna ng mga ulat na tinatarget ng mga rebeldeng kontra-Gaddafi ang mga migrante at mga mamamayan mula sa ibang nasyunalidad.
“Dapat pabilisin ng gobyerno ang repatriation ng tinatayang 14,000 Pilipino pa sa Libya, at maglabas ng regular na ulat hinggil sa kanilang kalagayan,” ani Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.
Naalarma ang grupo sa serye ng mga atake ng mga rebelde sa mga embahada at teritoryo ng Kenya, Africa, Venezuela, Vietnam at Pilipinas. “Nakatanggap kami ng mga ulat na pinapatay at tinatarget ng mga rebelde ang mga kayumanggi dahil pinagsusupetsahan silang mersenaryo at tagasuporta ni Gaddafi,” aniya.
Umano’y pinagsusupetsahan ang mga Vietnamese, Venezuelan at Pilipino dahil hindi pa opisyal na kinikilala ng kani-kanilang gobyerno ang itinayong Transitional National Council sa Libya.
Kamakailan, inatake at ni-ransack ang embahada ng Pilipinas sa Tripoli. Walang Pinoy ang naiulat na nasugatan, ngunit indikasyon ito ng tumitinding kaguluhan sa Libya.
“Hindi tuloy kapani-paniwala ang sinasabi ng gobyerno na kakaunting mga Pilipino ang kumokontak sa kanila para sa repatriation,” ani Martinez.
Kalahati pa lamang ng tinatayang 30,000 Pilipinong nagtatrabaho sa Libya bago pumutok ang gulo ang naiuuwi ng gobyerno. May tinatayang 1.5 milyong migranteng manggagawa sa Libya.
Samantala, nanawagan din ang Migrante na tanggalin sa puwesto si Labor Attache Nasser Mustafah at iba pang mga opisyal ng gobyerno sa Libya, na ayon sa mga kontak ng grupo ay patuloy na nag-aayos ng job orders para sa mga Pilipino sa kabila ng kasalukuyang deployment ban sa nasabing bansa.
Ayon sa Migrante, may kuwestiyonableng ugnayan si Mustafah sa Fastlink Agency, na pagmamay-ari umano ng isang Al Hadih.
“Nakatanggap kami ng ulat na kasalukuyang inaayos ni Mustafah ang posibilidad ng pag-eempleyo ng Pilipinong medical workers ng Al Nahar Company. Nananawagan kami sa gobyerno na imbestigahan ang mga ulat na ito,” sabi ni Martinez.