Tanggalan sa PAL na may basbas ng Palasyo, sumpa sa manggagawa


Tutol sa pagpabor ng Malakanyang sa malawakang tanggalan sa Philippine Airlines (PAL), na pag-aari ni Lucio Tan ang isang bagong network ng mga taong simbahan, obrero at labor advocates.

Bishop Alminaza. (cbcpnews.com)
Bishop Alminaza (gitna) (cbcpnews.com)

Tutol sa pagpabor ng Malakanyang sa malawakang tanggalan sa Philippine Airlines (PAL), na pag-aari ni Lucio Tan ang isang bagong network ng mga taong simbahan, obrero at labor advocates.

Ayon sa grupo, isang sumpa para sa manggagawang Pilipino ang desisyon. Hudyat din umano ang hakbang na ito ng Malakanyang para sa iba pang kompanya na magpatupad nang iskemang outsourcing.

Sa gitna ng nakaambang pagpapaalis sa mahigit 2,600 manggagawa ng PAL,  “pinapahintulutan ng kontraktuwalisasyon ang kapital na labagin ang batayang karapatan ng mga manggagawa sa seguridad,” deklarasyon ng Church People-Workers’ Solidarity  na sa kanilang pahayag-kasunduan (covenant statement) sa katatapos na pambansang kumperensiya nila.

Nakalulungkot umano ang piniling desisyon ni Pangulong Aquino hingil sa pagpabor nito sa kompanya ng PAL, sabi ni Auxiliary Bishop Gerardo Alminaza ng Jaro, Iloilo.

“Nalulungkot kami na pinili ni Pang. Benigno Aquino III  na pakawalan ang delubyo na wawasak sa kaseguruhan sa trabaho ng libu-libong Pilipinong mangagagawa, sa pamamagitan ng pagbibigay basbas sa pagtanggal sa 2,600 manggagawa ng PAL,” ani Bishop Alminaza, na isa rin sa mga convenor ng CWS.  Aniya pa, “ang ganitong hakbangin ay magpapalakas-loob sa iba pang kumpanya na gayahin ang kaparehong di-makatarungang iskema.”

Dismayado rin si Alminaza na sa kabila ng malawakang pagtutol ng mga manggagawa, magaganap pa rin ang malawakang tanggalan sa PAL habang ipinagdiriwang  ang ika-30 taong anibersaryo ng  Laborem Exercens ni Blessed Pope John Paul II, isang doktrinang Katoliko hinggil sa dignidad at karapatan ng mga manggagawa.

“Tatlong dekada na nakaraan isinulat ni Santo Papa, higit na pangunahin ang mga manggagawa o ang paggawa kaysa sa kapital sa proseso ng produksiyon. Ang kagalingan nang sangkatauhan ang dapat na patunguhan ng anumang patakaran o desisyong pang-ekonomiya.  Naalarma kami sa deklarasyong nagpapanguna sa kagustuhan ng mga manedyer kasya sa karapatan ng mga manggagawa,” sabi pa ni Bishop Alminaza.
Ayon pa kay Bisjop Alminaza, itinutulak ng Santo Papa ang pag-oorganisa sa mga unyon ng manggagagawa na tinawag niyang “indispensable element of social life.”

“Ngunit ang pag-apruba umano sa iskemang outsourcing sa PAL ay magdudulot nang pagkalusaw ng unyon dahil sa malawakang pagtanggal sa mga kasapi ng unyon,” aniya.

Kinatatakutan ng CWS ang pangitain na maaaring gamitin ang kaso ng PAL bilang kumbenyenteng dahilan upang ipatupad ang mga iskema ng labor flexibilization tulad ng kontraktuwalisasyon at outsourcing upang mapahina ang sahod, kaseguruhan sa trabaho at iba pang karapatan ng mga manggagawa.

Plano ng pambansang kumperensiya ng mga taong simbahan at mga manggagawa na idulog sa mga ahensiya ng gobyerno ang pagbasura sa mga batas na nagtataguyod ng kontraktuwalisasyon at outsourcing.

“Kaisa kami ng aming mga kapatid na naglilingkod sa PAL sa kanilang pagtutol laban sa bantang malawakang tanggalan at sa paggiit ng katarungang panlipunan,” ani Bishop Alminaza.