Migrante

Ibang migrante sa HK, makikinabang sa pagpabor ng korte sa Pinay DH


Isang positibong hakbang para sa lahat ng foreign domestic workers (FDWs) ang desisyon ng High Court ng Hong Kong kahapon na pumapabor sa karapatang manirahan sa nasabing bansa ni Evangeline Banao Vallejos, isang Pilipinong domestic helper. “This decision is a positive step towards the promotion of better treatment for foreign domestic workers who have been […]

Right of abode o karapatang manirahan sa Hong Kong, isa sa mga karapatang matagal nang ipinaglalaban ng mga migranteng manggagawa. Kamakailan, nagdesisyon ang High Court pabor sa paninirahan sa HK ng OFW na si Evangeline Vallejos. (Contributed Photo)

Isang positibong hakbang para sa lahat ng foreign domestic workers (FDWs) ang desisyon ng High Court ng Hong Kong kahapon na pumapabor sa karapatang manirahan sa nasabing bansa ni Evangeline Banao Vallejos, isang Pilipinong domestic helper.

“This decision is a positive step towards the promotion of better treatment for foreign domestic workers who have been integral to Hong Kong’s development. We hope that this decision will jumpstart the reevaluation of other policies and practices in Hong Kong that marginalize the FDWs,” pahayag ni Norman Carnay, program officer ng Mission for Migrant Workers (MFMW).

Ang MFMW ay grupong nagtataguyod sa karapatan ng FDWs sa Hong Kong, kabilang na ang Overseas Filipino Workers.

Matagal nang ipinagkakait ng Immigration Department ang right of abode sa mga migrante na nagtatrabaho sa Hong Kong nang lampas sa pitong taon. Sa desisyon ng High Court, iniutos ang gobyerno ng HK na repasuhin ang nasabing polisiya, na labag umano sa Basic Law ng bansa.

Ayon sa grupo, umaasa silang hindi mag-aapoy ang mga sentimiyentong kontra-migrante bunsod ng nasabing desisyon. Umano’y pinapaypayan ng ilang mga pulitiko sa Hong Kong ang mga sentimiyentong kontra-migrante.

Nagpahayag ng “pagkadismaya” sa desisyon si Hong Kong Chief Executive Donald Tsang, ayon sa mga ulat.

Inamin ng MFMW na nag-uumpisa pa lamang ang laban para sa pagkakapantay-pantay ng mga manggagawa sa Hong Kong. “The advocacy for equality and genuine multiculturalism is still long,” ani Carnay.

Samantala, pinuri naman ang desisyon ng mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas.

Tinatayang may 200,000 na FDWs sa buong Hong Kong. Ayon sa pag-aaral ng MFMW noong 2009, ginagastos ng mga manggagawa ang 50 porsiyento ng kanilang kita sa Hong Kong, at kung gayon ay malaki ang inaambag sa nasabing bansa.

Samantala, pinapurihan ng Asian Migrants’ Coordinating Body (AMCB) ang mga migranteng nakipaglaban para sa pantay na mga karapatan. “The court’s ruling has affirmed the stand of FDW groups that discrimination indeed exists in Hong Kong. We commend the FDWs who have taken up the cudgels of the judicial review and the organizations who have expressed support to the fight,” ayon sa AMCB.

Ayon sa grupo, isa itong positibong hakbang para sa mas mabuting pagtrato sa mga migranteng manggagawa, kabilang na ang libu-libong OFWs sa Hong Kong.