Pamamaalam sa mga di naman talaga nakilala
Dumalo ako sa parangal para sa pambansang alagad ng sining si Salvador “Badong” Bernal sa 29 Oktubre 2011. Hindi ko naman ito talaga ka-close. Minsanan lang ang aming bonding nang maaya kaming dalawa ng kaibigan ko (na mas kaibigan niya) para sa pananghalian sa kanilang bahay sa Cubao.
Dumalo ako sa parangal para sa pambansang alagad ng sining na si Salvador “Badong” Bernal sa 29 Oktubre 2011. Hindi ko naman ito talaga ka-close. Minsanan lang ang aming bonding nang maaya kaming dalawa ng kaibigan ko (na mas kaibigan niya) para sa pananghalian sa kanilang bahay sa Cubao.
Production at costume designer si Badong. Tasteful ang interiors, gaya ng inaasahan. Pero tulad ng maraming bahay, may natatanaw ding work room sa may sala. May tatlong sewing machine, at may mga mesa pwedeng trabahuin ang tela at materyales. Labas-masok ang kanyang mga manggagawa, kumportable sa pagtahak ng sala at work area.
Naalaala ko pa ang tanghalian. Steamed lapu-lapu, may kaunting soya at ilang kinchay. Sariwa dahil sa Farmer’s lang binili ng umaga. Madalas ko na ring makita si Badong bago pa man itong tanghalian, at madalas ko rin siyang makita matapos.
May kurot sa puso kapag yumayao ang mga taong tulad ni Badong: pinakamagaling sa kanilang piniling gawain, simpleng buhay, matalas mag-isip, matalas din ang dila. Kaya ng umaga ng parangal sa Cultural Center of the Philippines bago siya ilibing, nalungkot ako sa kanyang pagyao.
Nabalitang yumao si Gregorio “Ka Roger” Rosal noong maagang bahagi ng Oktubre. At nalungkot din ako. Sa hindi ko lubos na maipaliwanag, bakit ako nalulungkot sa pamamaalam ng mga taong hindi ko naman lubos na nakilala?
Inisip ko, kung si Gloria Arroyo ito, hindi ako malulungkot. Poetic justice pa nga ito. Nang mamatay si Amy Winehouse, hindi naman ako nalungkot. O baka dahil din naman hindi ako tunay na fan ng ska.
Baka rin naman tumatanda ako, nagiging sentimental sa mga taong tinitingala kaya ang pagyao ay kawalan ng titingalain. Parang isang napamahal na imahen o painting, kapag nawala, may puwang sa nakagawian. Ang matitira sa dating tinitingala ay ang kakulangan at kawalan. Gaya nga ng tag-line ng dating horror series sa radyo, “Ano ang naroon sa dakong paroon?”
Hindi naman ito isang metapisikal na angst, o baka rin. Nalulungkot tayo sa kanilang namaalam dahil may kabawasan ang kanilang pagyao sa ating pagkatao. At labas sa konsepto ng pag-ibig, ang tao marahil ang may kapasidad na magluksa sa pagyao ng kapwa, lalo na yaong hindi niya kilala.
Naapektuhan tayo dahil nasasapul nito ang ating anxiedad sa kasalukuyan: ang mabuhay (at nagiging tunay na posibilidad, ang mamatay) sa agam-agam ng kasalukuyan. At hindi tulad ng ordinaryong pagkamatay at pamamaalam, may nagpapatuloy na lungkot sa hindi matatapos na pamamaalam.
Malamang, ito ang dagdag sa pagiging ordinaryong taong namamatay araw-araw. Hindi ordinaryong ang pamamaalam ng mga naiwan. At lampas ito sa individual na pagluluksa. Tulad ng parangal para kay Badong at Ka Roger, may komunidad na naghanda at naging saksi sa parangal, na namaalam, at na magpapatuloy ng kanilang adhikaing sinimulan at pinaunlad.
Itong labi ang nagpapaangat sa mga hindi ordinaryong mga tao. Ang makakatumbas lamang sa kanilang antas ay ang mga politikal na pinaslang: ang namatay dahil sa kanilang paniniwala, paninindigan at pakikibaka; at dahil kontra-estado ang eksena ng pagpapatuloy ng laban sa kanilang ngalan at sa ngalan ng mas malakihang panlipunan at historikal na causa.
Ito ang makauri namang pamamaalam at pagsasabuhay ng diwa ng buhay at kamatayan ng mga politikal na martir na nauna. Hindi rin natin sila isa-isang kilala, pero ang kabawasan ng bawat isang pinaslang at sapilitang dinukot ay kabawasan sa ating pagkatao at humanidad. Sa antas na ito, hindi lamang kinukurot ang ating dibdib pero sinasaksak na rin ng estado.
Ipinagluluksa natin ang mga yumao hindi dahil lamang sa ngalan nila at ng kanilang ipinaglalaban. Ipinagluluksa rin natin ang bahagi natin na napukaw at patuloy na naninindigan para sa katuwang at kahalintulad na ipinaglalaban ng mga naunang yumao. At ito ang responsibilidad ng mga naiwan ng mga nauna: ang buhayin at higit na paunlarin ang siya nang naunang pinaunlad ng mga nawalay sa atin.
Sa kanilang ngalan at sa ngalan ko at ng mga kasamang nagpapatuloy, magsisindi ako ng kandila ngayong todos los santos.