Parangal sa Mga Bayaning Magbubukid
Ang laban para sa tunay na reporma sa lupa ay isang masalimuot na pakikibaka. Pinagbuwisan na ito ng maraming buhay. Tampok sa Ped Xing ngayong ikalwang linggo ng Oktubre ang pagpaparangal sa ilang bayaning magbubukid.
Ang laban para sa tunay na reporma sa lupa ay isang masalimuot na pakikibaka. Pinagbuwisan na ito ng maraming buhay.
Tampok sa Ped Xing ngayong ikalwang linggo ng Oktubre ang pagpaparangal sa ilang bayaning magbubukid. Narito ang tula para kay ka Pedring Laza, isang lider magbubukid sa Hacienda Luisita at ama ng isa sa mga napaslang sa nangyaring masaker noong Nobyembre 2004. Narito rin ang tula para kay Rogelio “ka Mamay” Galit, tagapagsalita ng Kalipunan ng mga Magsasaka sa Kabite, na kahit pumanaw na ay nagawa pa ring isama sa mga kinasuhan ng gobyernong Cojuangco Aquino. Tulad ni Apo Laza, karamdaman din ang kumitil sa kanyang buhay.
Brutal namang napaslang si Fermin Lorico, lider magsasakang kasapi ng Kahugpongan Alang sa Ugma sa Gagmay’ng Mag-uuma sa Oriental Negros (Kaugmaon) at isang masugid na tagapagsulong ng Genuine Agrarian Reform Bill. Matapos dumalo sa isang anti-Charter Change rally noong June 10, 2009 ay binaril ng ilang beses na dagli niyang ikinasawi.
Magsisilbing inspirasyon at hamon ang kanilang buhay upang igiit ang kawastuhan na maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka. Ang tunay na nagmamay-ari nito.
STATUS MESSAGE
Stum Casia
Pwede bang paminsan minsan,
kahit ngayun lang,
wag muna nateng pag-usapan kung gaano ka katalino,
kung gano kataas ang iyong IQ,
kung sinong matinee idol ka nung 80’s,
kung anung sexual position ka,
kung gaano mo kakilala si ganoon at ganito,
kung gaano ka katunay na lalake.
O kung ano ang suot mong panty,
kung ano ang kinakain mo,
kung saan ka pupunta mamaya,
kung gaano kasakit ang ulo mo,
kung ano ang bibilhin mo pag tumigil na ang ulan,
at kung gaano kabagal ang connection sa iyong pinag-iinternetan.
Wag muna natin asikasuhin ang mafia wars.
Isang lider magsasaka sa Dumaguete ang pinaputukan sa ulo.
Hindi na nakapagpalit ng damit
matapos magbitbit ng anti-Chacha na streamer.
Katarungan kay Ka Fermin Lorico.
Pwede bang ito ang maging status mo?
Isa sa mga tagapagtatag ng grupong Kilometer 64 Poetry Collective si Stum Casia. Bahagi rin ng Artists’ Arrest.
Tuwid Na Daan Ng Hustisya
(Tanaga kay Apong Laza)
Pia Montalban
Pitong taong hinintay
Hustisya’y di dumantay
Sa kanilang naglakbay
Nadatnan nila’y hukay
Pia Montalban. Babae. Edad bente-otso. Romantic Heart Disease Survivor. Rice Terminator. Dating Model ng Rejoice, nasesante at nasampahan ng asunto sa nilikhang trapik sa EDSA. Hindi pa convicted yet on-bail, tambay sa Facebook at Multiply.
Pangalan ( Ka Rogelio “Mamay” Galit)
Kislap Alitaptap
Hindi sila natatakot
Sa naka-armalayt na lamok,
Hindi ito makalulusot,
Sa pulburado nilang mga suntok.
Hindi sila kinakabahan
Sa mga kombatant na langgam,
Sa mga ito’y kanilang ipararamdam
Ang huling tagay ng tanduay rhum.
Hindi sila nayayanig
Sa protesta ng mga kuliglig,
Sa kanila’y kanilang iparirinig,
Ang kalibreng otomatik.
Hindi sila kinikilabutan
Sa pagpagaspas ng ulan,
Mayroon silang mapagtataguang
Sanga-sangang hukay sa kampuhan.
Hindi sila nababahalang
Magutom sa pulutan!
‘Wag na ‘wag lang nilang
Maririnig ang ‘yong pangalan!
‘Pagkat ang ‘yong pangala’y
Ang bawat butil ng hamog na nakasampay
Sa mga dahong, tinapak-tapakan
Ng kanilang kalasingan sa karahasan.
‘Pagkat ang ‘yong pangala’y
Ang hangin ng pag-asang umaagapay
Sa mga talibang nakasubaybay
Sa mga ‘di karaniwang paggalaw ng madaling-araw.
‘Pagkat ang ‘yong pangala’y
Ang Tambang sa kanilang pananghalian,
Ang Kubkob sa kanilang kasayahan,
Ang pag-agaw sa kanilang kampuhan.
Ang ‘yong pangalan, Ka Mamay,
Ay ang paghuhukom ng Kidlat, habang
Sila’y nakasilong sa katahimikan
At pinupulutan ang kapayapaan.
Si Kislap Alitaptap ay unang naging kasapi ng Alpha Sigma Fraternity, dun rin unang namulat, hanggang sa maging kasapi ng Anakbayan. Taong 2009 ay sumali siya sa Gawad Palanca, hindi nanalo. Maliban sa hilig sa pagsusulat ng tula at kuwento, mahilig din siyang magbasa, at mahilig ding makinig.
Hindi Nalumpo ang Iyong Paninindigan
(sa alaala ni Rogelio “Ka Mamay” Galit, lider-magsasaka sa Cavite, 1957-2010)
Alexander Martin Carteciano Remollino
Sa iyong mga huling araw,
tila ka iginapos sa luklukang may gulong.
Gayunman,
hindi nalumpo ang iyong paninindigan —
bagkus, nanatiling kasintatag
ng mga katawang “nagpapala
sa mga pinitak”
upang dugtungan ang hininga
ng buong daigdig.
2010, Hunyo 11
Si Alexander Martin Remollino ay isinilang noong Agosto 6,1977 sa Mandaluyong. Nag-aral ng Legal Management sa University of Santo Tomas. Ang kanyang mga tula ay lumabas na sa Arkibong Bayan, frictionmagazine.com, Emanilapoetry.com, Matanglawin.org, Poets Against the War, at sa mga chapbook ng KM64. Nagsulat din siya para sa online newsmagazine na Bulatlat.com. Naging bahagi din siya ng Bagong Alyansang Makabayan bilang public information staff at researcher. Pumanaw siya noong Setyembre 3, 2010.