Relasyon — Kerida, Kabit, Number 2, Mistress*
May bahagi sa akin na nasabik sa balita ng tagumpay sa takilya ng “No Other Woman” ni Ruel Bayani. Hindi pa dahil sa maganda ang pelikula (dahil hindi naman masyado) kundi dahil maaring ito ang maging simula ng panunumbalik ng mga adult drama sa ating mga sinehan. Winakasan ng “No Other Woman,” bilang pinakamalaking box office hit ngayong 2011, ang matagal na pamamayagpag sa takilya ng mga romantic comedies at family-oriented na pelikula.
May bahagi sa akin na nasabik sa balita ng tagumpay sa takilya ng “No Other Woman” ni Ruel Bayani. Hindi pa dahil sa maganda ang pelikula (dahil hindi naman masyado) kundi dahil maaaring ito ang maging simula ng panunumbalik ng mga adult drama sa ating mga sinehan. Winakasan ng “No Other Woman,” bilang pinakamalaking box office hit ngayong 2011, ang matagal na pamamayagpag sa takilya ng mga romantic comedies at family-oriented na pelikula.
Kung tutuusin, walang ispesyal sa “No Other Woman” kaya siguro maraming nasorpresa sa pagtabo nito sa takilya. Bagamat maayos ang pagkakagawa sa pelikula, hindi katangi-tangi ang production values nito o ang mga naging pagganap ng mga pangunahing aktor at aktres nito. Wala pang napapatunayang hatak sa takilya ang mga bida nitong sina Anne Curtis, Derek Ramsay at Cristine Reyes. Hindi na rin bago ang tema ng pangangaliwa sa pelikulang Pilipino. Sa isang banda, marapat na bigyan ng pagkilala ang mga manunulat nitong sina Kris Gazmen at Jay Fernando ang mahusay na script na maaaring nakatulong sa tagumpay ng pelikula. Naging viral sa mga social network gaya ng Facebook ang mga witty na linya ni Carmi Martin na gumanap bilang ina ni Cristine Reyes sa pelikula.
Ngunit hindi dapat pagtakhan ang tagumpay sa takilya ng “No Other Woman” na pinrodyus ng Star Cinema. Maliban sa mga family-oriented na pelikula at fantasy na ipinalabas sa Metro Manila Film Festival, pawang mga pelikula ng Star Cinema ang nasa listahan ng sampung pelikulang Pinoy na pinakamalaki ang kinita. Bilang nangungunang film producer sa bansa, kabisado na ng Star Cinema ang pormula ng mga box office hit. Batid na rin nito ang market ng mga bagong tagatangkilik ng sineng Pinoy. Mula sa dating bakya crowd ng mga masusugid na tagahanga, naging pangunahin nang target ng Star Cinema ang mga young professionals na may kakayahang magbayad ng P160 hanggang P200 presyo ng tiket sa sinehan.
Sa kabilang banda, higit sa tagumpay sa takilya ng isang mainstream na pelikula, mas kapana-panabik ang pagbabalik ng adult drama sa sinehan. Ilang linggo bago ang “No Other Woman,” ipinalabas ang pelikula ng Regal Films na “My Neighbor’s Wife” ni Jun Lana na may kaparehong tema. May pagtingin na ang pagbabalik ng adult drama ay maaaring senyales ng pagbabalik ng sigla ng pelikulang Pilipino (Kailan kaya makabangon muli ang Pinoy action hero?).
Maihahalintulad ang tagumpay ng “No Other Woman” sa pagtabo rin sa takilya noon ng “A Love Story” ni Maryo J. de los Reyes. Kapwa binabasag ng dalawang pelikula ang istiryutipo ng mga artistang gumaganap na kabit. Sa “A Love Story,” isang propesyonal at mas nakatatanda ang mistress (Maricel Soriano) habang nakababatang flight stewardess naman ang tunay na asawa (Angelica Panganiban). Sa “No Other Woman,” ang mas wholesome na dating na si Anne Curtis ang gumanap bilang kerida, habang si Cristine Reyes na malimit na ikahon bilang “sexy actress” ang siyang gumanap bilang matiising asawa.
Taliwas ito sa nakagisnan sa panahon ng kasagsagan ng adult drama noong dekada 80 at 90 kung saan mga artistang may imaheng seksi ang gumaganap na kabit tulad nina Nanette Medved (Narito ang Puso Ko), Alma Concepcion (Sa Ngalan ng Pag-Ibig) at Alice Dixson (My Other Woman).
Kapansin-pansin naman ang sekswal na pagganap ni Derek Ramsay bilang lalaking napapagitna sa asawa at kanyang kaulayaw. Sa mga sa mga eksena ng pagtatalik, karaniwang mas pinapaboran ng hagod ng kamera ang katawan ng babaeng bida, ngunit hindi ito ang masasabi sa “No Other Woman” kung saan nakipagsabayan kina Anne at Cristine sa pagpapakita ng “skin” si Derek. Subalit hindi ito indikasyon ng pagkakapantay-pantay ng representasyon ng babae at lalake sa pelikula. Sa halip, pinalawak lamang nito ang objectification hindi lamang sa mga babaeng artista kundi maging sa lalaking aktor.
Gayong may mga pagbalikwas ang “No Other Woman” sa mga kinagisnang naratibo ng pangangaliwa sa sa pelikulang Pilipino, marami itong hinalaw mula sa ibang pelikulang may kaparehong tema. Halimbawa nito ay ang pangangailangan ng isang madugong climax sa pelikula para maging katanggap-tanggap ang resolusyon sa pagitan ng mga tauhan. Sa pelikulang “Minsan Lang Kita Iibigin” ni Chito Rono, nauwi sa karahasan ang komprontasyon sa pagitan nina Maricel Soriano at Zsazsa Padilla. Katulad ng sinapit ni Nanette Medved sa “Narito ang Puso Ko” ang nangyari sa isa sa mga tauhan ng “No Other Woman.” Tila sinasabi ng karahasang ito sa mga nakikiapid at nangangaliwa na mabigat ang kabayaran bago ang kapatawaran.
Sa mga pelikula tungkol sa pangangaliwa, lagi’t laging pinatatampok ang pagkakaiba ng kerida at ng asawa. Tila pinamimili ang mga manonood kung ano ang dapat na karakter ng isang babae. Ito ang makikita sa payo ni Carmi Martin kay Cristine Reyes (“I-pack up mo na ‘yang Lucy Torres mo, ilabas mo na ‘yang si Gretchen Barretto.”). Sa “No Other Woman,“ hindi pa rin naiaalis ang ganitong mga istiryutipo at ang pagkakahon sa kababaihan.
Sa kabila nito, kaabang-abang ang pagbabalik ng adult drama sa pelikulang Pilipino. Sa genre na ito umusbong ang ilan sa mga natatanging pelikulang Pilipino tulad ng “Relasyon” at “Ikaw ay Akin” ni Ishmael Bernal at ng mga adult drama classics ni Danny Zialcita. Posible ito kung gagawing lunsaran ang mga ganitong pelikula para hamunin ang sensibilidad ng mga manonood.
* mula sa pelikulang Minsan Lang KIta Iibigin (1993)