Maralitang Lungsod

Dinedemolis na residente sa BIR Road, pinaputukan ng pulisya


Pinaputukan ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga residente ng BIR Rd., East Triangle sa tangkang demolisyon sa kanilang mga kabahayan.

Mga basyo ng bala ng M-16 na narekober sa BIR Rd. (Ilang-Ilang Quijano)

Pinaputukan ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga residente ng BIR Rd., East Triangle sa tangkang demolisyon sa kanilang mga kabahayan.

Pasado ala-12 ng tanghali nitong Nob. 28 nang magkagirian ang mga residente at mahigit-kumulang 30 pulis, kasama ang isang pangkat ng demolition team mula sa lokal na gobyerno ng QC. Nagkabatuhan sa magkabilang-panig, at maya-maya pa, narinig ang sunud-sunod na mga putok ng baril.

Ayon sa mga residente, nagmula ang mga putok sa isang pulis na naka-damit sibilyan, na hindi nila matiyak ang identidad.

“Bigla silang nagpaputok ng baril. Miyembro ng pulis yon, naka-sibilyan. Sila ang nagpaputok, kaya nagkagulo,” kuwento sa Pinoy Weekly ni Antonio Marinas, isang tagasuporta ng mga residente ng BIR Rd. Natamaan si Marinas sa ulo ng bato na inihagis umano ng miyembro ng demolition team.

Ipinakita ng mga residente sa Pinoy Weekly ang mga basyo ng M-16 na narekober sa lugar. Ilan sa mga pulis na naroroon ay may sukbit na armalayt.

Inaresto rin ng pulisya ang isang dating residente ng BIR Rd. na si Patricio Otaza.

Ayon kay Supt. Chris Mendoza ng QCPD, ang inarestong residente na kanilang dinala sa Station 10 ay nahulihan umano ng sumpak o homemade gun. “We are just here to maintain peace and order. Nagkagulo lang noong pumasok yung mga militante,” aniya, na tinutukoy ang mga tagasuporta mula sa iba’t ibang komunidad kabilang na ang katabing Sitio San Roque, na nahaharap din sa demolisyon.

Mahigit-kumulang 30 pulis, ang ilan armado ng matataas na kalibre ng baril, ang kasama ng demolition team na lumusob sa BIR Rd. (Ilang-Ilang Quijano)

Ngunit pinabulaanan ito ni Gilbert Clamor, miyembro ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) at residente ng San Roque.

Aniya, nakita niya si Otaza na nakaupo lamang sa isang tabi nang damputin at bugbugin ng pulisya. Tinutukan din sa ulo si Clamor ng .45 kalibreng baril ng isang pulis.

Kuwento pa ng kapatid ni Otaza na si Rosalyn, “Nagpa-relocate na siya sa Montalban, pero bumalik siya dito ngayong araw dahil concerned siya sa mga kabahayang idedemolis daw ngayon. Wala siyang armas, imposible yun at posibleng itinanim na lamang ng pulisya,” aniya.

Paliwanag ni Jen Mendoza, media liason officer ng Courage (Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees), hindi tumupad ang lokal na gobyerno at pulisya sa kasunduang hayaan na lamang ang mga residenteng nagpa-relocate na boluntaryong baklasin ang natitira nilang mga kabahayan, sa halip na puwersahang gibain.

“Nangangamba ang mga residente na idemolis din nila ang iba pang kabahayan na hindi nagpapa-relocate,” aniya. Dagdag pa niya, marami sa mga nagpa-relocate ang bumabalik sa komunidad dahil kawalan ng kabuhayan sa relocation site sa Montalban, Rizal.

Bahagi ang Courage ng Contra-CBD Alliance o alyansang tumututol sa proyektong Quezon City Central Business District na sanhi ng kaliwa’t kanang demolisyon sa lungsod.

(Basahin ang artikulo sa Pinoy Weekly hinggil sa paglaban ng mga residente sa BIR Road, sa mga tangkang demolisyon.)

Matapos ang insidente ng pamamaril, itinuloy ng demolition team ang paggiba sa ilang kabahayan ng mga relocatee.

Sa isang pahayag, kinondena ng Kadamay ang umano’y “demolition rampage” ng gobyernong Aquino sa ngalan ng mga Public-Private Partnership gaya ng QC-CBD.

Marahas na dinemolis din kanina ang komunidad ng Brgy. Kaligayahan, Sitio Looban, Novaliches, kung saan may ilang mga residenteng sugatan at inaresto rin ng pulisya.