Barikada (para sa Corazon de Jesus)


Isang tula para mga residente ng Corazon de Jesus na pinalalayas sa kanilang mga tahanan.

ni Roselle Pineda

Bilangin ang gamit na nakatiwangwang –
Limang platong plastik
Apat na tasang basag ang tatangnan
Tatlong bangkong gumegewang
Dalawang daster na tagpi-tagpi
Isang pares ng kumot at banig sa maliit na tampipi
Ngayong tila bundok ng basura sa lansangan.
Bilangin ang maragsang hakbang
ng masang nangaripas sa takbuhan
Bilangin ang bawat putok na bumbunan, bukol sa tagiliran,
mga pasa sa buong katawan.

Sa prente,
masdan ang gera
kamao sa kamao
sa pagitan ng estado at mamayan
pumapailanlang ang mga hiyaw
ng pagkakaisa’t paglaban.

Palisin ang nangis
Ng mga Inang nawalan
Pahirin ang luha
Ng Kabataang nasaktan
Punasan ang dugo
Ng mga Amang nasugatan
Dahil,
Sa barikada iminamarka
Ang lakas ng masa
Sa makauring tunggalian
Sa pagitan ng nagpapasasa
At pinagsasamantalahan
Sa barikada iginuguhit
Ang pag-aklas
Laban sa mapanupil na pamahalaan
At
Sa barikada ipinagtatagumpay
Ang lakas
Ng nakikibakang bayan.