Biktima ng demolisyon sa San Juan nanawagan ng mabilisang imbestigasyon
Nagmartsa ang mahigit 500 residente ng Brgy. Corazon de Jesus, San Juan patungong Mendiola, Manila para kondenahin ang marahas na pagbuwag sa protesta na kontra sa demolisyon sa kanilang mga bahay noong Enero 25.

Nagmartsa ang mahigit 500 residente ng Brgy. Corazon de Jesus, San Juan patungong Mendiola, Manila para kondenahin ang marahas na pagbuwag sa protesta na kontra sa demolisyon sa kanilang mga bahay noong Enero 25.
Hinamon ng Sandigang Maralitang Nagkakaisa (Samana) ang gobyernong Aquino na kagyat na mag-imbestiga sa naganap na demolisyon. Hiniling din ng grupo na disiplinahin ng gobyernong Aquino ang administrasyon ng lungsod San Juan, sa pamumuno ni Mayor Guia Gomez at Rep. JV Ejercito, dahil sa marahas na demolisyon na nagresulta sa pagkakasugat ng 50 residente, kabilang ng mga matatanda at bata, at pag-aresto at pagdetine sa mga tumututol na residente.
Ayon kay Anthony Caber, residenteng nasugatan sa demolisyon, nagsimula ang pandarahas alas-otso ng umaga noong Enero 25, nang dumating ang demolition crew kasama ang pulis na may dalang dalawang trak na bombero.

Pilit umanong binubuwag ng demolition crew ang barikadang kanilang itinayo bilang depensa sa kanilang kabahayan. “Pagkababa pa lang ng demolition team sa kanilang mga trak, napansin na naming may intensiyon silang saktan kaming mga taga-Corazon de Jesus,” ani Caber.
Unti-unti umanong binabaklas ng demolition team ang kanilang barikada. “Hindi kami pumayag na mabuwag ang barikada. Dumepensa lang kami kahit inaakyat nila ang barikada, bigla na lamang silang nambato ng bote,” aniya.
Aminado siyang napilitan umano silang gumanti ng pagbato sa kapulisan at demolisyon team bilang depensa. “Kitang-kita ko po ang ang isang pulis na bumato sa akin. Tinakpan ko kasi ang kapatid kong mayroong kapansanan dahil siya ang tatamaan,” ani Caber, na nagtamo ng sugat sa kanang mata, na kasalukuyan pa ring natatakpan ng gasa.
Sa kanyang pahayag sa midya, inakusahan ni Rep. Ejercito ang mga residenteng nagbarikada na sila umano ang nagbato ng tear gas sa mga pulis.
Pinabulaanan ito ni Caber, na nagsabing imposibleng magkaroong sila ng akses sa tear gas. Kitang kita rin umano sa mga dokumentasyon na pulisya at demolition crew ang nandahas sa mga nakabarikada.
“’Yung mga sinasabi nilang mga gamit tulad ng mga itak, nakuha nila ang mga iyon sa mga bahay na nademolis nila. Hindi naman basta-basta nakakabili ang ordinaryong tao ng tear gas,” paliwanag niya.
Ayon naman kay Arnold Repique, tagapangulo ng Samana, sa kabila umano ng kautusan ni Pangulong Aquino na itigil ang demolisyon sa Corazon de Jesus, ipinagpatuloy pa rin umano nina Gomez at Ejercito ang pagwasak sa mga kabahayan. Binakuran umano ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang komunidad na dinemolis kinaumagahan.

“Nagpapakita lamang ng pampulitikang arogansiya ang mga Estrada, sa pagtanggi nilang sumunod sa kautusan ng Malakanyang na moratoryo sa demolition.” ani Repique.
Ipinunto rin ni Repique na hindi pa tapos ang kanilang laban para sa kanilang mga batayang karapatan sa pabahay, trabaho at panlipunang katarungan.
“Ang makabagong laban sa Pinaglabanan ay hindi pa tapos. Handa ang mga residenteng ipagtanggol ang kanilang mga karapatan,” pagtatapos niya.
