Komunidad ng maralita sa San Juan marahas na dinemolis
Sa brutal na pagsalakay ng mga pulis at demolition team sa maralitang komunidad ng Brgy. Corazon de Jesus sa utos ng lokal na pamahalaan ng San Juan City, naipamalas ang malinaw na pagpapabor ng kasalukuyang kaayusan sa iilang makapangyarihan at mayayaman.
Nanghihina na sa magdamag na pagbubuhat ng gamit papalabas ng kanilang bahay, pero di pa rin nawalan ng lakas si Aling Trina, 45, na umiyak.
Isa siya sa daan-daang maralitang residente ng Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan City na natulog sa kalsada matapos muling brutal na salakayin ng demolition team ng lokal na gobyerno ng San Juan, kasama ang bata-batalyon ng mga pulis, SWAT at kahit militar, ang kanilang komunidad, umaga ng Enero 11.
“Ngayon ko lang naranasan — ganito pala ang inaapi. Ansakit,” sabi ni Aling Trina, sa gitna ng mga hagulhol. Higit pa sa pisikal na sakit na dinaranas ang kanyang pagtangis sa pang-aapi diumano ng lokal na pamahalaan ng San Juan sa kanilang mga residente ng Corazon de Jesus. Matagal na nilang alam na hindi naman totoo ang katagang “Para sa Mahihirap” ng namumunong pamilyang Estrada, pero nagulat pa rin sila sa brutalidad na ginamit nito para itaboy sila.
Di bababa sa 31 ang sugatan, dalawa ang seryoso, ayon sa Health Alliance for Democracy (HEAD), sa pananalakay ng demolition team at pulis. Di pa kasama rito, ayon kay Ian Mostales ng HEAD, ang mga bata, matatanda at iba pang nasulasok ng pinasabog na tear gas ng mga pulis.
“Itinuring kaming parang mga langgam, ganun-ganun na lamang paalisin,” sabi ni Aling Trina.
Lumaban ang mga residente ng Corazon de Jesus, sa pamamagitan ng barikada sa P. Narciso Street papasok sa komunidad. Pinaulanan din nila ng bato at bote ang sumasalakay na demolition team at pulis, na karamiha’y protektado ng helmet at shield. Ibinalik naman ng mga pulis at miyembro ng demolition team ang mga bato at basag na bote — ibinabato sa mga residente at kabahayan, bahala na kung sino ang matamaan.
Sa tindi ng atake, bandang alas-10:30 ng umaga, nagawang makapasok ng demolition team sa komunidad at agad na pinagbabaklas ang mga bahay, habang patuloy namang nanggiit ang natitira pang residente.
Samantala, sinalakay din ng mga pulis ang mga residenteng nakalabas na sa komunidad at nakaantabay sa malapit na kalsada. “Pinaghuhuli nila kung sino man yung nakita nilang may sugat o pasa,” kuwento ni Mang Jim, 47 anyos, na residente ng Corazon de Jesus at electrician. Tantiya ng mga miyembro ng Sandigan ng Maralitang Nagkakaisa (Samana), organisasyon ng mga maralita sa naturang barangay, di-bababa sa 24 ang hinuli. Kasama rito ang mga lider-kabataan, ordinaryong residente, at kahit na iyung hindi naman daw talaga kasama sa barikada na nagkataong nakita ng mga pulis.
Kasama rin sa dinampot ng mga pulis ang isang miyembro ng midya na si Shane Davide ng Tudla Productions, na pinakawalan lamang matapos igiit ng mga kasamahang mamamahayag mula sa Tudla, Bulatlat.com at Pinoy Weekly ang pagiging mamamahayag ni Davide.
Halos isang taon na, noong Enero 2011, nang tangkain ding idemolis ng lokal na pamahalaan ng San Juan ang Corazon de Jesus. Nanlaban ang mga residente, pero marami ang sugatan at apektado, kabilang ang isang 13-anyos na anak ni Mang Jim na nag-aaral noon sa karatig na San Juan National High School.
“Pagkatapos ng (tangkang) demolisyon noong nakaraang taon, parang nag-iba na siya (anak niya). Ayaw na niyang pumasok at laging natatakot,” sabi pa ni Mang Jim. Inilipat niya sa mga kamag-anak sa Cavite ang anak para doon mag-aral.
Gigil ang lokal na pamahalaan ng San Juan na idemolis ang Corazon de Jesus para bigyang daan ang isang konstruksiyon ng mga bilding na kasama sa compound ng karatig na bagong City Hall. Sinasabi ng lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor Guia Gomez at ang anak niyang si Rep. JV Ejercito, na maaaring patayuan nila ang lugar ng isang medium-rise housing building. Pero ayon sa mga residente, walang maipakitang blueprint ang lokal na pamahalaan. At kung may ipapatayo man dito, tiyak na hindi libre o mura. Hinala pa nila, isang komersiyal na bilding na di-nalalayo sa Greenhills Mall, sa San Juan din, ang itatayo.
Tanaw mula sa kalsadang kinalalagyan nina Aling Trina at Mang Jim ang bagong gahiganteng City Hall. “Saan ka ba naman nakakita ng City Hall na may helipad pa,” sabi ni Mang Jim.
Samantala, matagal nang ipinagpipilit silang ilipat sa relokasyon sa Montalban, Rizal. Siyempre, sabi ni Aling Trina, hindi papayag ang mga residente, laluna’t karamihan sa kanila’y nagtatrabaho sa Maynila.
“Halimbawa, P350 ang suweldo mo (sa isang araw) sa construction. Sa pamasahe pa lang papuntang Cubao, ubos na ito. Papaano pa kung sa Maynila pa ang trabaho mo?” sabi ni Mang Jim.
Dalawang taon pa lamang sa Corazon de Jesus si Aling Trina. Pero natuto na rin siyang lumaban. Naramdaman niya kung papaano “tapak-tapakan” at ituring na mistulang “mga langgam” ng mga makapangyarihang tao sa lipunan. May pangangailangan nga sa paggiit at paglaban, dahil karapatan din naman nilang mga maralitang mabuhay.
“Sa kalsada kami matutulog ngayong gabi, at sa mga susunod pa siguro,” sabi ni Mang Jim. Hindi nila tiyak kung ano ang hinaharap nila, laluna’t hindi man lamang umano sila kinakausap ng mga nasa poder at kahit alukan man lang nang kaunting suporta.
Dahil sa brutal na demolisyong ito, tanging iilang makapangyarihan at mayaman lamang ang nakatitiyak na may lugar sila — sa mga gusaling itatayo mula sa winasak na tahanan ng mga residente ng Brgy. Corazon de Jesus.
Ilan pang mga larawan ng naganap na brutal na demolisyon: