‘Pagkulong kay Arroyo dapat matagal nang ginawa’

November 19, 2011

Piket ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa harap ng Korte Suprema, habang nagdedesisyon ang huli hinggil sa Temporary Restraining Order sa pag-alis ng bansa ni dating pangulong Gloria Arroyo. (Macky Macaspac)

Piket ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa harap ng Korte Suprema, habang nagdedesisyon ang huli hinggil sa Temporary Restraining Order sa pag-alis ng bansa ni dating pangulong Gloria Arroyo. (Macky Macaspac)

“Abot-kamay na ang matagal-nang-hinihintay na araw na makikita nating inaaresto, kinukuhanan ng mug-shot, at ikinukulong si Gloria Macapagal-Arroyo.”

Ito ang reaksiyon ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), matapos maglabas ang Pasay Regional Trial Court (RTC) ng warrant of arrest laban sa dating pangulo at maibigay sa huli sa kanyang kuwarto sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig.

Nakiisa ang komedyante at aktres-sa-teatro na si Mae Paner, a.k.a. "Juana Change" sa pagkilos sa harap ng Korte Suprema. (Macky Macaspac)

Nakiisa ang komedyante at aktres-sa-teatro na si Mae Paner, a.k.a. "Juana Change" sa pagkilos sa harap ng Korte Suprema. (Macky Macaspac)

Sinabi pa ni Reyes na ipinakita ng mga kaganapan noong Nob. 18 na posible ang mabilis na pagsampa ng mga kaso laban sa dating presidente. Nakakapanghinayang na pinaabot pa ng 500 araw, at ang naunsiyaming pag-alis ni Arroyo sa bansa, para magawa ito.

“Umaasa tayong hindi una at huling kasong isasampa laban kay GMA ang electoral sabotage,” ani Reyes.

Nais din ng Bayan na umabante sa pagsampa ng kaso laban kay Arroyo ang mga kaso ng pandarambong at paglabag sa karapatang pantao ng dating pangulo noong nasa panunungkulan siya.

Sinabi naman ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na unang hakbang pa lamang ang kasong isinampa ng Commission on Elections at Department of Justice laban kay Arroyo.”Ang pag-asang makakamit ang hustisya ay magandang pamaskong regalo para sa ating mga mamamayan,” ani Tinio.

Sinabi ni Bayan Muna Rep. Teodoro Casiño na hindi pa rin naaaksiyunan ang kasong pandarambong na isinumite niya laban kay Arroyo kaugnay ng maanomalyang kasunduang National Broadband Network (NB)-ZTE Corp.

“Hihilingin natin kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales na isampa (laban kay Arroyo) ang kasong NBN-ZTE sa lalo’t madaling panahon,” sabi pa ni Casiño.

Sinabi pa nina Casiño at kapwa Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na hindi nila susuportahan ang plano ng dating mga alyado ni Gloria Macapagal-Arroyo sa Kamara na magsumite ng reklamong impeachment laban kay Pang. Benigno Aquino III dahil sa isyu ng travel ban sa dating pangulo.

Nais ng Bayan at militanteng mga grupo na sampahan na rin ng kaso si Arroyo kaugnay ng mga paglabag ng kanyang rehimen sa karapatang pantao at pandarambong. (Macky Macaspac)

Nais ng Bayan at militanteng mga grupo na sampahan na rin ng kaso si Arroyo kaugnay ng mga paglabag ng kanyang rehimen sa karapatang pantao at pandarambong. (Macky Macaspac)

Sinuportahan ang tindig na ito ng mga kapwa progresibong mambabatas sa Kamara na sina Tinio, Gabriela Reps. Luzviminda Ilagan at Emmi de Jesus, Anakpawis Rep. Rafael Mariano at Kabataan Rep. Raymond Palatino.

“Habang kakatwa ang banta ng impeachment na ito laban kay Pangulong Aquino, ipinapakita nito ang hirap ng pagpapanagot sa tuso at korap na dating pangulong Arroyo,” sabi pa ni Casiño.

Payo pa ni Casiño sa administrasyong Aquino, mas maging resolbado na usigin si Arroyo at tapatan ang pagkilos ng Korte Suprema bilang “Arroyo court” ng mabilis at mahusay na mga taktikang legal.

Sinabi naman ni Reyes na dapat bantayan ng mga mamamayan ang kasong ito laban sa dating pangulo. “Hinihikayat namin ang publiko na maging mapagmatyag dahil hindi titigil ang kampo ni Arroyo sa pagmamaniobra nito para takasan ang hustisya,” sabi pa ng lider-militante.