Franchise films at Metro Manila Film Festival
Wala namang duda na ang Metro Manila Film Festival (MMFF) ang pinakamalaking film festival sa bansa. Ayon sa balita, ito ay kumita ng P530 milyon noong 2010. Ito lamang ang limitadong panahon na exklusibong nakalaan para sa pelikulang Filipino. Pero ito ay film festival para sa komersyal na pelikulang Filipino.
Wala namang duda na ang Metro Manila Film Festival (MMFF) ang pinakamalaking film festival sa bansa. Ayon sa balita, ito ay kumita ng P530 milyon noong 2010. Ito lamang ang limitadong panahon na exklusibong nakalaan para sa pelikulang Filipino. Pero ito ay film festival para sa komersyal na pelikulang Filipino.
Heto ang nangyayari formulasyon ng pitong pelikulang kalahok sa line-up taon-taon: pinakamatagumapay na franchise na pelikula’t pailan-ilan na iba pang standard na komersyal nap pelikula. Sa 2011, ang franchise na pelikula ay lima sa pito: Ang Panday, at ngayong taon ang combo meal na Enteng Kabisote at Tanging Ina Mo sa iisang pelikula, triptych horror na Shake, Rattle and Roll at ang mas malaking budget na horror mula sa Star Cinema na si Kris Aquino (ang horror queen) ang bida, at ang domestic saga nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo.
Tunay na value-for-money ang apila ng MMFF. Dalawang blockbusters sa loob ng isang pelikula sa kaso ng tambalang Vic Sotto at Ai-ai Delas Alas, three-in-one sa pinakamatagumpay na horror franchise sa kasaysayan ng pelikula (ika-13 edisyon na ito), fantasy na may First-World look sa kaso ni Bong Revilla na nireberso ang proseso ng icon at politiko (kay FPJ, icon sa pelikula na nagtangkang maging politiko; kay Revilla, bida na naging politiko na gustong maging icon kaya gumamit ng iconikong pelikula para maganap ito), at horror film na taon-taong pinagkakagastusan.
Ang nagaganap sa MMFF ay ang pagkasaid ng komersyal na pelikula’t industriya na makapagprodyus ng bago’t kikita pa kahit naman cornered market na ang film festival para sa mas malaking katiyakang kumita ang ganitong mga pelikula. Sa kasagsangan nga nito sa kasalukuyan, ang repetisyon ng dati nang blockbuster ay nagbabadya na wala na itong bagong masasabi. Masasabi na lamang ang luma sa mas teknikal na pulidong kapamamaraan.
At ito ang isang anyo ng trahedya na rin para sa manonood ng pelikulang Filipino. Sa ibang mga panahon, ang preferensiya ng gitnang uring manonood ay ang Hollywood blockbuster. At sa panahong may kaunting kalabisang kita ang manonood sa kapaskuhan, ang mga pelikulang tiyak na magpapakita sa takilya: ang mga pelikulang makakapanghimok na bitawan ng manonood ang kanyang Christmas bonus at 13th month pay para sa exceptional na panahong maisama niya ang kanyang pamilya’t mahal sa buhay sa loob ng sinehan.
Ang MMFF ay nagsisimula sa mismong araw ng pasko, na nagpapaigting pa ng komersyalisasyon ng diwa ng pasko. Sa tanging paggasta sa pangunahin, sa pagtangkilik ng mga konsumeristang produkto lamang madadanas ang tunay na diwa ng kapaskuhan. At walang patumangging pang-pasko ang mga pelikula: nagsisimula o dili kaya’y nagtatapos sa kapaskuhan, kundi man may eksena ng pasko sa loob ng pelikula.
Ang referensiya ng takdang araw ng paglabas, ang panlabas na kontexto ng pagdanas ng panonood sa loob ng sinehan ay ibinubuyanyang na para nga paigtingin ang diwa’t tagumpay ng konsumerismo’t kapitalismo. Pinapanood ang kapaskuhan sa kwentong nakapaloob sa pelikula, na pinapanood sa sinehan, na kabahagi ng infrastrukturang nagpapadiwang ng kapaskuhan sa konsumeristang spero ng pagdanas!
Ang dalawang natitirang pelikula sa pitong nakalaan para sa MMFF ay isang pagbabalik ng pelikulang aksyon at bakbakan (ang readaptasyon ng buhay ng gangster na si Asiong Salonga) at ang mala-teleseryeng Yesterday, Today and Tomorrow. Namumukod-tangi ang dalawang ito dahil nga ito lang ang wala pa sa formulasyon ng isang matagumpay na franchise. Ang Asiong Salonga ay isang black-and-white at art film na treatment ng beteranong direktor na si Tikoy Aguiluz. Ang ikalawa naman ay isang condensed version ng isang teleserye tungkol sa buhay ng babaeng president nito at ng kanyang pamilya.
Sa kalaunan, ang manonood ay hindi lang naman nanonood ng pelikulang sulit sa kanilang binayad. Kailangan, una sa lahat, may natatangi itong kritikal na value na kalahok. Naganap naman ang proliferasyon ng mga maka-sining na pelikula sa mismong kasagsagan ng diktaduryang Marcos. Marami sa mga ito ay may sinasambit na tasitong mensahe hinggil sa buhay ng bansa sa diktadurya.
Hindi sulit sa manonood, sinusulit ang manonood dahil ang mga pelikula ay itinakda, una sa lahat, para sa kita. Bonus na lamang kung ito ay may sinasabi pa lampas sa panonood ng pelikula. At ito ang hindi maganda sa mga aparato ng estado: ang gawing bonus ang kalidad ng karanasan at buhay kanilang pinamamayagpagan.