‘Kataksilan’ ng embahada sa mga Pinoy sa Japan, sa gitna ng sakuna
Hindi pa man naililikas o natutulungan ang libu-libong Pilipino sa mga nasalantang erya sa Japan, hinihiling na ni Amb. Manuel Lopez na umalis ang buong istap ng embahada. Samantala, hindi man lang sasagutin ng gobyerno ang pamasahe pauwi ng mga Pilipino.

Nagngingitngit ang mga estudyanteng Pilipino na naka-base sa Sendai, isa sa mga lugar na pinakaapektado sa malakas na lindol at tsunami sa Japan. Sa isang pahayag, ikinuwento nila na dumating doon ang Emergency Response Team ng embahada ng Pilipinas noong Marso 13. Dalawang araw na ito makaraan ang sakuna, at nag-uumpisa nang ilikas ang ibang mga dayuhan ng kani-kanilang gobyerno.
Wala umanong dala ang mga opisyal ng embahada na suplay ng pagkain, gaya ng ipinangako nito. Wala rin ipinrisentang evacuation plan sina Vice Consul Ryan Pondoc at Defense Attache Col. Inocencio Silbol. Sa halip, sila pa—ang mga estudyante—ang ipinrisenta sa midya, at tinanong hinggil sa kung ano ang dapat gawin.
“With the magnitude of the damages and the threat we are exposed to, we [expected] a strong team of experts consisting of diplomats, medical personnel, psychology specialist and other experts to come and assess the area. [We] even expected them to provide us with food supply as they have promised when they first came in contact with us. Instead, we were handed over to the media without proper briefing. The first day of ‘rescue’ is nothing but an illustration of unpreparedness and lack of skills in decision making,” ayon sa Association of Filipino Students in Sendai.
Limang araw matapos ang trahedya sa Japan, lumilitaw na ang “kainutilan,” “kataksilan,” at “kawalan ng sinseridad” ng gobyerno sa pagtulong sa mga Pilipinong naninirahan doon.
“Is this the kind of people our government hires in this most critical situation? Is this the only assistance the government of the Philippines can do?” sabi pa ng mga estudyante sa Sendai na sina Lea Necitas Apostol, Rolando Bantaculo, Rochelle Coronel, Eli Enobio, at Genaro Peque.
Istap ng embahada, gustong ilikas
Tinatayang 250,000 ang bilang ng mga Pilipino sa Japan. Nasa halos 6,500 dito ang nasa Hilagang Silangang bahagi ng bansa na pinakaapektado ng lindol at tsunami, at humaharap sa lalo pang tumitinding panganib dulot ng posibleng meltdown mula sa tatlong nasalantang plantang nukleyar.
Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni Nestor Puno, tagapagsalita ng Migrante-Japan, na kinakailangan ang kagyat na paglikas ng mga Pilipino roon.
“Maraming mga balita na maraming kababayan natin ang na-trap sa area, either hindi naabot ng rescue operation ng gobyerno ng Japan o kaya ay hindi pinapayagang lumabas sa area. Marami din sa kanila ang nababalitang wala nang pagkain at hindi makabiyahe dahil sa walang available na gasoline station kung may sarili man silang sasakyan. Hihintayin pa ba nilang lumala ang radiation?” aniya.
Sa tala ng grupo, may 551 OFW sa Aomori; 906 sa Iwate; 1,039 sa Miyagi; 621 sa Akita; 694 sa Yamagata; at 2,366 sa Fukushima. Wala pa rito ang bilang ng di-dokumentadong mga manggagawa.

Sa kabila nito, hinihiling ni Ambassador Manuel Lopez na ilikas na ang buong istap ng embahada mula Japan. Tinanggihan ito ng Department of Foreign Affairs (DFA), ngunit ayon sa mga Overseas Filipino Worker (OFW), naipakita na ni Lopez ang kanyang tunay na kulay.
Ayon kay Puno, nakakadurog ng puso ang umano’y kataksilan at pagkaduwag na ito ng kinatawan ng gobyerno, samantalang napakarami pang mga kababayang Pilipino ang stranded at posibleng sugatan o namamatay.
Pagsisikap ng mga OFW, inangkin ng gobyerno
Samantala, may sarili ring pagsisikap ang mga OFW sa Japan na tugunan ang sakuna. Nagtayo sila ng Sagip Migrante Center sa mga lungsod ng Nagoya at Tokyo, na halos 24 oras tumatanggap ng mga tulong at apela para sa mga nawawala. Nagtayo rin ang Migrante ng Info Group for Quake and Tsunami Victims in Japan sa Facebook, na regular na naglalabas ng impormasyon hinggil sa mga Pilipinong biktima at sa krisis.
Ngunit ang impormasyong nakalap ng Migrante ang ginamit pa ni Lopez sa mga panayam sa midya para ipakita ang pagmonitor ng gobyerno sa sitwasyon. Sa listahan ng embahada ng 31 na Pilipinong nawawala, ang unang 24 dito ang umano’y mga pangalan na nakalap ng grupo.
Bagaman hinihikayat ng Migrante ang paglabas ng nasabing impormasyon sa publiko, umano’y hindi dapat ito inangkin ng gobyerno. “Ipinapakita lamang nito ang kainutilan ng gobyerno, na tila interesado lamang na magmukhang bida sa kabila ng kawalan ng ginagawa para sa mga OFW,” ayon pa kay Puno.
Ramdam nila ang hungkag na pagbibidang ito. Noong Marso 11, tinawagan na umano ng Migrante-Japan ang embahada para iulat ang 20 stranded na Pilipinong seafarer sa isang hotel sa Fukushima. Sinabihan ang grupo na natulungan na ang mga biktima—ngunit ayon kay Puno, umabot pa ng dalawang araw bago napuntahan ng gobyerno ang nasabing mga seafarer.
Samantala, noong Marso 14 lamang nagpadala ng pangkat ang embahada sa Miyagi and Iwate, na pinangunahan naman nina Consul General Sulpicio Confiado at Consular Assistant Anthony Cornista.
“Hindi natin alam kung ano ang ginagawa nila doon…wala pa tayong nababalitaang may tulong na ibinibigay ang gobyerno natin sa mga Pilipino,” dagdag ni Puno.
Walang badyet?
Sa kasalukuyan, voluntary evacuation pa lamang ang ipinapanawagan ng gobyerno para sa mga Pilipino sa Japan, at wala pang malinaw na plano para sa forced evacuation ng mga OFW sa pinakaapektadong mga erya. Ayon sa website ng embahada, “Sa gitna ng mga pangyayari sa bansang Hapon, ang mga Pilipinong nagnanais na kusang lumikas palabas ng bansang Hapon ay hinihikayat na gawin ito.”
Inihayag pa ni Lopez na walang badyet ang gobyerno para sa pamasahe. Ibig sabihin, aasa lamang sa sariling rekurso o sa kanilang employer ang mga Pilipino na nais lumikas—taliwas sa sinasaad ng Amended Migrants Act na responsabilidad ng gobyerno na ilikas ang mga mamamayan nito “sa oras ng kagipitan (emergency)”.
Binatikos ito ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International. “Ang taas ng kinikita ng gobyerno mula sa mga OFW sa Japan at tapos ngayon ang sasabihin ay walang pondo para sa kanila? Una sa Libya, wala na raw silang magagawa. Ngayon naman sa Japan, wala raw silang pera. Anong gusto nilang gawin ng mga OFW at kanilang mga pamilya?” aniya.
Pinunto ng grupo na umaabot sa 12 porsiyento ng kabuuang remittances ang inaambag ng mga migrante sa Japan, na nagkakahalagang $883 Milyon noong 2010.
Sa gitna ng pinakahuling mga pangyayari, ipinanawagan ni Martinez ang pagsibak kay Lopez. Ayon naman kay Puno, mismong si Pang. Benigno Aquino III mismo ang mananagot kapag may masamang nangyari sa mga Pilipino roon.
Bukas, Marso 17, gugunitain ng mga OFW ang anibersaryo ng pagkamatay ni Flor Contemplacion. Sa martsa patungong Mendiola Bridge sa Maynila, gagamitin umano nila ang pagkakataon para singilin ang gobyerno sa kapabayaan sa mga Pilipino hindi lamang sa Japan, kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Inaaasahang dadalo ang mga migrante mula Libya at kaanak ng mga OFW sa Gitnang Silangan, na naiipit sa patuloy ding krisis doon.