Istorya ng Linggo

Barya-baryang ayuda na programang Pantawid Pasada


Dahil sa militanteng mga pagkilos ng mga tsuper, operator at iba pang sektor ng mga mamamayan laban sa walang patid na taas-presyo ng langis, napilitan ang administrasyong Aquino na maglaan ng pondo para sa programang “pantawid pasada.” Pero tila hindi ito ang hinihiling ng mga mamamayan.

Programang "Pantawid Pasada" na ipinamimigay ng administrasyong Aquino sa mga tsuper at operator ng pampublikong mga sasakyan: Di makakatugon sa pasanin ng mga tsuper, operator at komyuter, ayon sa Piston. (Darius R. Galang)
Programang "Pantawid Pasada" na ipinamimigay ng administrasyong Aquino sa mga tsuper at operator ng pampublikong mga sasakyan: Di makakatugon sa pasanin ng mga tsuper, operator at komyuter, ayon sa Piston. (Darius R. Galang)

Alas-tres pa lamang ng madaling araw ay pumasada na si Mang Robin Lopez. Maaga pa ngunit marami nang pasaherong nag-aabang sa tapat ng Starmall Alabang. Kailangang bumiyahe ni Mang Robin ng mas maaga upang mabawi ang kitang mawawala dahil sa kanyang pagluwas sa araw na iyon.

Matapos ang mahigit tatlong oras na pamamasada, sumakay na ng bus pa-Quezon City si Mang Robin. Ikalima ng Mayo noon, at kabilang siya sa naka-iskedyul na kumuha ng Public Transport Assistance Program (PTAP) Card sa Kampo Crame. Alphabetical ang iskedyul ng pamimigay ng PTAP card, na nakabatay sa pinanggagalingang ruta ng dyip. Alabang-Pacita ang ruta ni Mang Robin.

Makatatanggap ang mahigit 214,000 tsuper ng rehistradong pampasaherong dyip  ng tig-isang PTAP card sa ilalim ng proyektong Pantawid Pasada ng Department of Energy (DOE). Nakatakdang maglaman ang card ng P1,050 na maaaring gamitin ng mga tsuper upang ipambayad sa krudo o diesel sa mga gasolinahan. Ang nasabing proyekto ang pansamantalang tugon ng gobyerno sa patuloy na tumataas na presyo ng langis, ani Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau ng DOE.

Sa ilalim ng Executive Order No. 32 na nilagdaan ni Pang. Benigno Aquino III noong Marso 31, naglaan ang gobyerno ng P450 Milyon para sa PTAP, mula sa kita ng gobyerno sa Malampaya Natural Gas Project. Sa nasabing halaga, P300-M ang mapupunta sa mga tsuper ng pampasaherong dyip habang P150-M naman ang nakalaan para sa mga drayber ng traysikel.

“Ang fuel subsidy ay inaning tagumpay sa pakikipaglaban ng mga driver at mga mamamayan. Simula sa ‘wala tayong magagawa sa mataas na presyo ng langis sa abroad’ at ‘walang pera ang gobyerno’, nangako ang administrasyong Aquino na tutulong sa pagbibigay ng fuel subsidy. (Naganap ito) nang tumampok ang Pambansang Kilos Protesta ng drivers at mamamayan ng Marso 31, 2011, na kinatangian ng welgang transportasyon sa Mindanao, Angeles City at Masbate, at mga malaking protest-caravan rally sa NCR at iba pang mayor na lungsod sa Luzon at Visayas,” ani Steve Ranjo, pambansang tagapangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston).

Suot ang isang manipis na puting t-shirt at maong, nakipila si Mang Robin sa Grandstand sa Kampo Crame, kung saan ipinproseso ng DOE ang PTAP cards. Sa saliw ng tugtog ng mga nag-eehersisyong pulis, matyagang nag-abang si Mang Robin sa pila, kasama ang ilan pang tsuper na gaya niya at mga operator ng dyip.

Pamimigay ng "fuel subsidy cards" sa Kampo Crame, Quezon City kamakailan. (Darius R. Galang)
Pamimigay ng "fuel subsidy cards" sa Kampo Crame, Quezon City kamakailan. (Darius R. Galang)

Dagdag na perwisyo

“Malaking bagay na rin ito sa mga drayber namin. Isipin mo, ’yung mababawas sa pagpapakrudo ay dagdag na sa kita nila,” ani Doris Olleres na mula sa Muntinlupa. Hindi tulad ni Mang Robin, pusturang-pustura si Aling Doris, na operator ng labintatlong dyip na rutang Alabang hanggang GMA, Cavite. Kasama ni Aling Doris sa pagkuha ng PTAP cards ang kanyang asawa, na kapansin-pansin dahil sa makapal na gintong bracelet nito.

“Buti nga may ganitong tulong. Ito na nga siguro ‘yung sinasabi ni Noynoy na matuwid na daan,” dagdag ni Aling Doris.

Gayundin ang pahayag ni Rogel Fernandez, pambansang tagapangulo ng Pasang Masda. “Admittedly, maliit at kulang ang ibinibigay na tulong ng PTAP. But it really has an immediate effect for jeepney drivers,” paliwanag ni Fernandez. Suot ang isang de-tatak na t-shirt at sapatos na Nike, nakisabay si Fernandez sa mga tsuper ng dyip upang kumuha ng PTAP card.

Hindi naman sang-ayon si Mang Gerardo Agudo, na operator din ng dalawang dyip na biyaheng Alabang-GMA. “Siguro kung pang-isang linggo ang P1,050, oo makatutulong. Pero pang-isang buwan? ‘E pagpunta pa nga lang dito sa Kampo Crame, magkano na ang pamasahe, tapos siyempre ‘yung ibang drayber ‘di pa makakapasada sa araw na kukunin nila ‘yung card. Kung susumahin, malaki pang nawala sa mga drayber sa pagkuha ng card kaysa mismong laman noon,” paliwanag ni Mang Gerardo.

Ramdam ni Mang Robin ang sitwasyong inilarawan ni Mang Gerardo. Sa araw na kumuha siya ng card, napaiksi ang oras ng kanyang pamamasada at sa buong araw na iyon, P840 lamang ang kinita niya sa pamamasada. Ang P200 ay kanyang pinanggasolina, dahil hindi naman agarang nagkakalaman ang PTAP card. Ibinayad naman niya ang P600 sa kanyang operator bilang boundary. Tanging P40 na lamang ang natira sa kanya.

“Ang hirap ng ganito. May dalawa akong anak na nag-aaral tapos P40 lang ang iuuwi ko sa maghapon? Kapos talaga,” sabi ni Mang Robin.