Istorya ng Linggo

CCT, perwisyo, at panlulumo


Ang 1.4 milyong pamilya sa ilalim ng Conditional Cash Transfer program ay ginawa na ring parang mga pulubi—at lalo pa silang dadami, habang patuloy na tinatalikuran ng gobyernong Aquino ang responsabilidad nito sa tunay na kaunlaran.

Pagpila sa harap ng Landbank ng mga benepisyaryo ng Conditional Cash Tranfer program ng gobyernong Aquino, sa Malaybalay, Bukidnon (Walter I. Balane/Bukidnon News)

Sa kalendaryo ni Elsie Tapis, matagal nang nakareserba ang araw ng Hulyo 25. Araw ito ng kilos-protesta sa State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Benigno Aquino III, at minamahalaga niya ang pagdalo.

Ngunit noong araw ding iyon, biglang nagpatawag ng pulong ang mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na namamahala ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o Conditional Cash Transfer (CCT). Bilang parent beneficiary, obligado siyang dumalo. Kung hindi, mamemeligro ang aplikasyon ng 30 pang benepisyaryo sa kanyang komunidad sa Agora Village, Marikina.

Masama ang loob ni Elsie. Simula nang mapaloob sa CCT, hilung-hilo na siya sa paghahabol sa samu’t saring rekisito para makuha ang cash grant. Ramdam na niya ang pinakanegatibong idinulot ng ipinagmamalaking programa ng gobyernong Aquino: ang higit pang disempowerment o panlulumo ng mahihirap.

“Itong CCT, talagang inilalayo ka sa paglaban sa iyong karapatan. Imbes na umangat ka, parang lalo kang lumulubog sa kahirapan,” aniya sa panayam ng Pinoy Weekly.

Iregularidad sa programa

Sa pangalawang SONA ng pangulo, ipinagmalaki niya na 100,000 pamilya buwan-buwan ang “naiaahon mula sa kahirapan” ng nasabing programa. Iminungkahi niya sa Kongreso na itaas sa P49.4 Bilyon ang badyet ng 4Ps, mula sa P34.3-B ngayong taon. Target ng gobyernong Aquino na umabot sa tatlong milyong pamilya ang benepisyaryo ng CCT sa 2012. “Binibigyan natin ang mga maralitang pamilyang ito ng pagkakataong makaahon sa buhay, dahil ang pag-asenso nila ay pag-angat rin ng buong bansa,” ani Aquino noong SONA.

Ngunit malayo sa pag-asenso ang dulot ng 4Ps, ayon sa pag-aaral ng Center for Women’s Resources (CWR). Ang unang pag-aaral hinggil sa nasabing programa ng pangulo, isinagawa ito sa hanay ng maralitang kababaihan sa lungsod ng Maynila, Pasig, Muntinlupa, Malabon; probinsya ng Sorsogon, Camarines Norte, Nueva Vizcaya; at isla ng Negros at Mindoro.

Lumalabas sa pag-aaral na may problema sa distribusyon ng pera. Hindi pirmi ang halaga nito at nahuhuli ang distribusyon. Ayon sa website ng DSWD, ang buwanang cash grant ay dapat nagkakahalaga ng P500 kada pamilya para sa gastusing medikal, at P300 kada anak para sa gastusing pangedukasyon.

Hindi tumutugma rito ang aktuwal na halagang natatanggap ng mga benepisyaryo. Sa pag-aaral ng CWR, karaniwa’y kulang ito ng mula P400 hanggang P1,200.

Dahil hindi rin regular ang distribusyon, lalong nalilito ang mga benepisyaryo sa halagang dapat nilang natatanggap. Ang isang respondent na may tatlong anak, halimbawa, ay umaasang tatanggap ng P2,200 para sa dalawang buwan. Pero P2,400 ang natanggap niyang cash grant makaraan ang tatlong buwan—hindi niya alam kung para kulang ba ito ng P900 para sa tatlong buwan, o sobra ng P200 para sa dalawang buwan.

Jessica Lechones (kanan) at iba pang kababaihang benepisyaryo ng CCT na nagrereklamo hinggil sa programa (Ilang-Ilang Quijano)

Mas masaklap ang hindi pagdating ng ipinangakong pera. Kuwento ni Jessica Lechones, isa ring parent beneficiary sa Agora Village, Marso sila unang nakatanggap ng cash grant. Pinangakuan silang tatanggap nito kada dalawang buwan—pero nasundan lamang ito noong Hulyo 22, makaraan ang limang buwan.

Madaling araw pa lamang nakapila na sila sa harap ng Landbank para sa pamamahagi ng cash card. Kuwento ni Jessica, “Tuwang-tuwa kami dahil first time naming magkaroon ng ATM…Pero pag-check ko, isang malaking zero ang laman ng cash card.”

Dismayado ang mga benepisyaryo, lalo na at karamihan sa kanila’y ipinangutang na ang halagang dapat matatanggap. Ni wala silang pamasahe pauwi sa kanilang komunidad. “Nagmakaawa lang kami sa taga-Landbank, na binigyan kami ng P100. Pinaghati-hatian na lang namin ito para makauwi,” aniya.

Wala umanong paliwanag ang mga opisyal ng DSWD sa aberya. Giit ni Elsie, na hindi rin natanggap ang kanyang pangalawang cash grant, “Lahat naman ng requirements ibinigay namin. Buwan-buwan kaming nag-a-update.”

Mahirap na rekisitos

Lumalabas na hindi simple para sa mga maralita ang pagtupad sa samu’t saring rekisito ng programa.

Ayon sa pag-aaral ng CWR, karaniwang gumagastos ang mga benepisyaryo ng P350 para sa mga dokumento sa pag-a-aplay, gaya ng I.D., birth certificate, marriage certificate, cedula, at barangay clearance. Dahil wala o kapos ang kita, ipinangungutang pa ito ng karamihan.

Kailangan ding dumalo ng mga benepisyaryo sa tinatawag na family development sessions (FDS). Kung hindi, makakaltasan ng P500 ang kanilang cash grant. Walang pirming iskedyul ang mga FDS, at kapag ipinatawag na ito, napipilitan silang ipagpaliban ang kanilang mga gawaing pang-ekonomiya.

Lalong mabigat ang responsabilidad ng mga parent beneficiary. Mas maraming pulong ang kanilang dinadaluhan at dokumentong inaasikaso, kahit na walang alawans. “Siyempre, hindi ka laging may piso sa bulsa. Minsan, sa malalayong lugar ang meeting, hindi naman sinasabi kung ire-refund ang pamasahe,” ani Jessica.

Rekisitos ang buwanang medical check-up ng bata. Ngunit ayon sa pag-aaral ng CWR, puwersahan ito at hindi nakabatay sa aktuwal na pangangailangan. Kaya’t kahit umuulan, ayon sa isang respondent, dinadala pa rin niya ang anak sa health center para lamang makuha ang pirma ng doktor. Kapag may-sakit ang bata, “hindi nabibili ng mga magulang ang resetang gamot,” ayon naman sa isang impormanteng doktor na ayaw magpakilala.

Kailangan din ang 85 porsiyentong attendance ng bata sa eskuwelahan. Buwan-buwang kailangang kumuha ng sertipikasyon para rito. “Nakukulitan na nga ‘yung eskuwelahan sa amin, pabalik-balik kami,” kuwento ni Elsie.