Istorya ng Linggo

Sa kamay ng asenderong pangulo

Pangangamkam sa lupaing agrikultural. Kumbersiyon sa lupa. Kawalan ng repormang agraryo. Ngayon naman, pagrepaso sa Saligang Batas. Ito lamang ang ilan sa sunud-sunod na mga atake ng administrasyong Aquino sa karapatan at kapakanan ng mga magsasakang Pilipino.

Sinunog ng mga lilder-magsasaka at iba pang lider ng militanteng mga organisasyon ang larawan nina Henry Sy, Danding Cojuangco, Pang. Benigno Aquino III at imahen ni Uncle Sam (US) noong Oktubre 17. Simula ito ng protesta ng mga magsasaka para sa tunay na repormang agraryo at kontra sa landgrabbing at Charter Change na dudulo sa Oktubre 21 sa Mendiola, Manila. (KR Guda)
Sinunog ng mga lilder-magsasaka at iba pang lider ng militanteng mga organisasyon ang larawan nina Henry Sy, Danding Cojuangco, Pang. Benigno Aquino III at imahen ni Uncle Sam (US) noong Oktubre 17. Simula ito ng protesta ng mga magsasaka para sa tunay na repormang agraryo at kontra sa landgrabbing at Charter Change na dudulo sa Oktubre 21 sa Mendiola, Manila. (KR Guda)

Tahimik si Pang. Benigno Aquino III. Pero sa patuloy ang pag-usad sa Kongreso ng panukalang pagrepaso sa Saligang Batas, napaghahalata ang suporta niya. Mga alyado kasi ni Aquino ang pangunahing nagtutulak ng panukalang magbuo ng isang Constituent Assembly (Con-Ass) na siyang tatanggap ng mga panukalang pagbabago sa Konstitusyong 1987.

Kasama sa panukalang itinutulak: tuluyang pagbubukas ng mga lupain at industriya ng Pilipinas sa dayuhang mga negosyo.

Sinabi ng tagapangulo ng House Committee on Constitutional Amendments na si Misamis Occidental Rep. Loreto Leo Ocampos na nakapokus nga ang mga diskusyon sa mga “repormang pang-ekonomiya.” Sa pagbukas ng mga lupain ng bansa sa dayuhang pag-aari, magagawa raw ng ekonomiya na maiangat ang Foreign Direct Investments (FDI) sa bansa. Isa raw ito sa mga kondisyon ng International Monetary Fund (IMF) at Asian Development Bank (ADB) para patuloy na makapangutang ang gobyerno sa kanila: iangat mula 14 prosiyento tungong 20 porsiyento ang FDI sa bansa.

Nakatakdang iiskedyul na sa Kamara ang mga debate hinggil sa Charter Change (Cha-cha).

“Malinaw na sang-ayon ang mga kilos ng komite (Constitutional Amendments) sa kumpas ng partido ng administrasyong Aquino na pabilisin ang pag-amyenda ng Saligang Batas at ipatupad ang buong kontrol at monopolyo ng dayuhang mga negosyo sa lupa, utilities at serbisyo,” sabi ni Randall Echanis, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Serye ng atake

Pinakahuli lamang ang Cha-cha sa serye ng mga hakbang ng administrasyong Aquino para lalong gipitin ang mga magsasaka, ipagkait sa kanila ang repormang agraryo at agawin ang mga lupaing agrikultural.

Pinakamalinaw na halimbawa nito, ayon sa KMP, ang Hacienda Luisita na pag-aari ng pamilya ng Pangulo, mga Cojuangco-Aquino. Noong Hulyo 2011, nagdesisyon ang Korte Suprema na huwag ipamahagi ang mahigit 6,000 ektaryang asyenda. Sa halip na ipamahagi ang lupa sa mga magsasaka, sinang-ayunan ng korte ang kagustuhan ng mga Cojuangco-Aquino na magdaos ng referendum na ayon sa mga magsasaka’y kayang-kayang “lutuin” ng manedsment.

“Ang bawat magsasaka sa Luisita ay kumakatawan sa tunay na kalagayan ngayon ng sambayanan,” paliwanag ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP.

Dahil prominenteng kaso ang Hacienda Luisita, mistulang ginagawang ehemplo umano ito ng iba pang malalaking asendero at panginoong maylupa para di sila masakop ng repormang agraryo at maipamahagi ang lupa sa mga magsasaka.

Ngayong panahon na rin ni Aquino, umigting ang banta ng pangangamkam ng malalaking panginoong maylupa at negosyante sa mga lupain ng 10,000 magsasaka at mamamayan sa Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas.

“Nangangamba kami na parehong kapalaran ang sapitin namin. Maaaring maging “modelo” ang nangyari sa Hacienda Luisita sa amin at sa marami pang asyendang may usapin sa lupa sa buong bansa,” ayon kay Mandy Lemita, tagapagsalita ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pangwawasak ng Hacienda Looc (Umalpas-Ka).

Paliwanag pa ni Ramos, sinusundan ng mga korporasyong real estate ang yapak ng mga kamag-anak ni Aquino. Iba’t ibang politikal na pagmamaniobra, pagsasamantala at panlililang ang ginagamit nila laban sa mga magsasaka.

Pangangamkam rin sa lupa ang inirereklamo ng mga magsasaka laban kay Manuel “Mar” Roxas, kalihim ng Department of Transportation and Communication at malapit na alyado ni Aquino.

Brgy. Tungkong Mangga ang lugar ng inter-modal station ng MRT-7 o ang dulong istasyon na may terminal para sa mga bus na tutungo pa-hilaga sa NLEX. Sumasaklaw ito sa mahigit 100 ektaryang sinasaka ng mga magsasaka simula pa noong 1953. Plano ring magtayo ng mga Araneta sa lugar ng mga condominium, mall, atbp.
Brgy. Tungkong Mangga ang lugar ng inter-modal station ng MRT-7 o ang dulong istasyon na may terminal para sa mga bus na tutungo pa-hilaga sa NLEX. Sumasaklaw ito sa mahigit 100 ektaryang sinasaka ng mga magsasaka simula pa noong 1953. Plano ring magtayo ng mga Araneta sa lugar ng mga condominium, mall, atbp.

Sa isang piket na ginawa ng mga miyembro ng Sandigan Samahang Magsasaka (Sasamag), Tungkong Mangga Upland Farmers Association, Inc. (TMUFAI), at Samahan ng mga Magsasaka sa Dalandanan (Samagda) sa harapan ng DOTC noong Oktubre 6, nanawagan ang mga magsasaka na pigilan ni Roxas ang kanyang pamilya sa pangangamkiam sa mahigit 300 ektaryang sakahan sa Tungkong Mangga, San Jose Del Monte, Bulacan.

Ayon sa mga magsasaka, ang pagkabigo ni Roxas na pigilan ang mga kaanak niyang mga Araneta sa pangangamkam ng lupa ay nagpapakita lamang na hindi siya kaiba kay Aquino na naging inutil sa usapin sa Hacienda Luisita.

Si Roxas bilang kinatawan ng DOTC mismo, gumagamit ng landgrabbing para ipatupad ang mga plano ng administrasyong Aquino, laluna sa implementasyon ng mga proyektong Public-Private Partnerships o PPP. Kabilang sa mga proyektong ito ang planong 23-kilometrong Metro Rail Transit–7 (MRT-7)  ng DOTC, na sasagasa sa lupaing agrikultural ng 1,250 magsasaka.

Ang komersiyal at residensiyal na bahagi ng debelopment ng MRT-7 ay pangungunahan ng pamilya ni Roxas na siyang nagmamay-ari ng Araneta Properties at ng SM Land ni Henry Sy. Samantala, ang operasyon naman nito ay pamumunuan ng Universal LRT Corporation at San Miguel Corporation na pag-aari naman ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr, tiyuhin ni Aquino.