Para ipagtanggol ang kanilang benepisyo, mga kawani dumulog sa Korte Suprema


Patuloy na di-pinakikinggan ng administrasyong Aquino ang hinaing ng mga kawani ng gobyerno kaugnay ng isang sirkular ni Sek. Florencio Abad na naglilimita sa mga insentibong matatanggap nila. Kung kaya, dumulog sila sa institusyong binabangga ngayon ng Palasyo–ang Korte Suprema.

Nagpiket ang mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa harap ng Korte Suprema, kasabay ng pagsampa ng petisyon para sa temporary restraining order laban sa DBM Budget Circular 2011-5. (KR Guda)
Nagpiket ang mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa harap ng Korte Suprema, kasabay ng pagsampa ng petisyon para sa temporary restraining order laban sa DBM Budget Circular 2011-5. (KR Guda)

“Pinambili na namin ng mga pagkain! Pinang-tuition na ng aming mga anak!”

Ito ang sabi ni Gloria Almazan, empleyado ng Department of Agrarian Reform (DAR), sa harap ng tanggapan ng Korte Suprema noong Pebrero 21. Galit siya at ang mga kapwa kawani ng gobyerno sa Department of Budget and Management (DBM) at administrasyong Aquino sa paglabas ng isang budget circular na naglilimita sa mga insentibong natatanggap ng mga empleyado ng gobyerno.

Pagsampa ng mga lider-kawani, sa pangunguna ni Ferdinand Gaite, ng petisyon sa Korte Suprema. (KR Guda)
Pagsampa ng mga lider-kawani, sa pangunguna ni Ferdinand Gaite, ng petisyon sa Korte Suprema. (KR Guda)

Bilang public relations officer ng DAR Employees Association (Darea), kasama ni Almazan sa Korte Suprema ang mga kapwa kinatawan iba’t ibang ahensiya at tanggapan ng pamahalaan. Nagsumite sila sa Kataas-Taasang Hukuman ng petisyon para sa temporary restraining order (TRO) sa implementasyon ng Budget Circular 2011-5 ng DBM.

Iniutos ng naturang sirkular ang pagtakda ng cap o limitasyon sa pagtanggap ng mga kawani ng insentibo sang-ayon sa napagkasunduang Collective Negotiation Agreement (CAN) ng mga kawani at ng gobyerno. Ayon sa sirkular, di maaaring tumaas sa P25,000 ang maaaring matanggap ng kuwalipikadong mga kawani bilang insentibo, at kailangang kunin ito sa mismong savings ng kani-kanilang mga ahensiya—taliwas sa iniutos ng Salary Standardization Law III na maglaan ng CNA Incentive ang pambansang gobyerno para sa mga ahensiyang nakagawa ng trabaho sa mas mababang gastos kaysa unang ibinadyet para rito sa taon.

Inirereklamo nina Almazan ang naturang sirkular dahil, anila, ang mga insentibo na nga  lang ang kakaunting pabuya sa kanilang mga kawani sa mahusay na paglilingkod sa gobyerno sa pagtatapos ng taon. “Samantalang iyung mga opisyal namin, marami ang natatanggap (na mga insentibo), kami ito lamang,” sabi niya.

Pinare-refund ng DBM sa mga empleyado na nakatanggap ng lampas sa P25,000 na insentibo ang sobra umanong ibinigay sa kanila noong nakaraang taon. Pero sabi ni Almazan, halos lahat sa kanila’y nagastos na ang naturang mga halaga noong nakaraang taon dahil sa dami ng mga gastusin na di sapat na natutugunan ng maliliit nilang mga sahod.

“Alam naman po natin na ang suweldo ng kawani ay di sapat sa pang-araw-araw nating (pangangailangan),” sabi ni Gerard Tubao, pangulo ng National Food Authority Employees Association sa National Capitol Region (NFAEA-NCR). Sa kasalukuya’y nagmamatigas pa rin ang administrasyong Aquino sa kahilingan ng mga kawani, sa pangunguna ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), na P6,000 dagdag sa kanilang buwanang suweldo.

Hawak ng mga lider-kawani ang petisyon para sa TRO sa sirkular ng DBM na naglilimita sa kanilang mga CNA Incentive. (KR Guda)
Hawak ng mga lider-kawani ang petisyon para sa TRO sa sirkular ng DBM na naglilimita sa kanilang mga CNA Incentive. (KR Guda)

Ayon kay Tubao, dumulog na sila sa DBM, pati sa Malakanyang, para ireklamo ang di makatarungan at di makatwirang paglimita sa insetibong napagwagian na ng kanilang pakikibaka sa CNA. “Pero binalewala nila kami,” sabi niya.

Noong Enero, sinabi ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ni Pangulong Aquino, na sinusuportahan nila ang paglabas ng DBM, sa ilalim ni Sek. Florencio Abad, ng naturang sirkular. “Sa usapin ng legal na awtoridad, mayroong legal na awtoridad ang DBM na mag-isyu ng naturang mga sirkular. Ang isyu ay kung may awtoridad siya (Abad) na ilabas ito at ilimita (ang mga insentibo) at ang sagot ay oo, mayroong awtoridad ang kinatawan ng DBM. Walang legal na batayan para tutulan ang naturang mga sirkular,” sabi ni Lacierda, sa wikang Ingles.

Pero giit ng Courage, lumampas si Abad sa kapangyarihan niya. Tanging Kongreso lamang ang may kapangyarihan sa pondo para sa insentibo ng mga kawani. Labag din umano ang naturang sirkular sa karapatan ng mga kawani sa pag-organisa, na itinadhana ng batas. “Sinapawan ng DBM Budget Circular 2011-5 hindi lang ang kapangyarihan ng Kongreso na gumawa ng mga batas kundi ang karapatan ng mga empleyado ng gobyerno sa sariling organisasyon. Nahaharap (tuloy) ngayon ang mga empleyado sa refund orders ng perang pinaghirapan nila at nagastos na nila noong Disyembre,” sabi ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage.

Sinabi pa ni Gaite na magsisilbing litmus test ito ng Ehekutibo, kabilang si Aquino, kung muli nitong babanggain ang desisyon ng Korte Suprema—kung magdesisyon man ang korte pabor sa mga empleyado.

Umaasa sina Almazan na papabor sa kanila ang Korte Suprema, sa panahong tahasang ibinabangga ni Aquino ang kapangyarihan niya bilang Pangulo sa naturang korte.